May koneksyon pala ang away at sakit!
Normal lang sa buhay mag-asawa ang mga pakikipagtalo at pagtatampo, pero pag lumalala na ang mga ito at nagiging matindi na ang away, puwede silang maging sanhi ng sakit at iba pang karamdaman.
Ayon sa bagong research mula sa Ohio State University sa US, ang mga taong mainitin ang ulo at madalas makipag-away ay mas madaling tablan ng “leaky gut” syndrome. Ito ay isang kondisyon na nagkakalat ng bacteria sa dugo at puwedeng maging sanhi ng mga mas malubhang sakit, tulad ng diabetes at celiac disease.
Sa madaling salita, ang pakikipag-away ay hindi lang masama para sa inyong relasyong mag-asawa — ito’y masama din para sa inyong kalusugan.
Away at sakit: Anong pwede niyong gawin para iwasan ang mga matitinding away?
1. Umupo muna.
Oo, tila masyadong simple nga ang tip na ito, ngunit ayon sa mga psychologist, ito’y nakakatulong talaga! Tuwing nakaupo tayo, nagbibigay ng senyales ang katawan natin sa ating utak na huminahon na.
Para mas epektibo, wag lang kayong umupo — humiga kayo habang nakikipagtalo. Ang posisyon na to ay nagde-develop ng atmosphere na matiwasay at maginhawa, at agad-agad na natatanggal ang matinding galit dahil dito.
2. Magtanong.
Huwag magmadaling magbitaw ng mga salitang, at baka magsisi ka lang. Imbes na maging depensibo, subukan niyong intindihin ang inyong partner sa pamamagitan ng pagtatanong. Kung mararamdaman ng iyong partner ang inyong hangarin na unawain siya, maaaring ito’y sapat na upang huminahon ang iyong partner.
3. Tumahimik at makining nang mabuti.
Minsan, ang kailangan lang ng partner ninyo ay mabuting pakikinig at pag-iintindi. Huwag sumabat. Pagkatapos, pag-usapan ninyo ang isyu na may intensyong unawain ang isa’t-isa.
4. Ipagpaliban ang pakikipagtalo.
Kontra sa lumang kasabihan na dapat wag matulog nang galit, minsan okey lang na ‘wag munang patulan ang mga isyu. Kung wala kang oras o enerhiya para iproseso ang mga bagay-bagay, sabihan mo lang ang partner mo na puwede ninyong pag-usapan ang isyu sa ibang panahon—maaaring sa ilang oras, o kahit sa susunod na araw.
Ang oras ay nakakatulong sa pagpapahinahon, at baka sa umaga, makikita ninyo na hindi pala malaking bagay ang iyong pinag-tatalunan.
5. Tandaan na mahal niyo ang isa’t isa.
Kahit na hindi kayo laging magkatugma, sa huli, kayo pa rin ang nando’n para sa isa’t isa. Tandaan mo na ang mga dahilan kung bakit siya ang iyong pinili. Lilipas din ito.
SOURCES: Telegraph, Huffington Post, Prevention
Basahin: Ano ang dapat gawin kung malungkot ang relasyon ninyong mag-asawa
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!