Isa sa hindi maiiwasan sa loob ng isang pamilya ay ang away mag-asawa. Kahit mahal na mahal ninyo ang isa’t-isa ay may mga panahong darating kayo sa punto ng hindi pagkakaunawaan at hindi pagkakaintindihan. Madalas ang mga hindi pagkakaintindihang ito ay nauuwi sa pagtatalo na ayon sa mga eksperto ay normal lamang sa isang relasyon.
Ayon nga kay Dr. Stephanie Sarkis, isang eksperto mula sa Psychology Today, mayroong pitong sangkap para sa malusog at masayang pagsasama isa na nga rito ay ang pagtatalo. Ito ay sa kadahilanang may mga bagay na hindi kayo napagkakasunduan na maari namang mapag-usapan. Sa pamamagitan nito mas nakikilala ninyo ang isa’t-isa na kadalasan ay nagiging paraan para mas mapalapit at mas mahalin pa ang iyong asawa.
Ngunit madalas, ang mga pagtatalong hindi maayos na napag-usapan ay natutuloy sa mas malalang away mag-asawa. Dito mas umiinit ang pagtatalo na nauuwi sa maiinit na palitan ng salita at sigawan na nagiging dahilan para mas lumala ang sitwasyon at magkaroon ng banta sa dating maayos na relasyon.
Bagamat galit at may pinaglalaban, dapat paring maging maingat o maghinay-hinay ang mag-asawa sa mga salitang bibitawan nila sa isa’t-isa. Ito ay para maiwasan ang lalong pagkagalit o pananakit sa damdamin ng kabiyak na kahit hindi sinasadya ay nagbibigay ng kurot at tanong sa pagmamahal nito sa kaniya.
Pero ang away mag-asawa ay dapat maging phase o parte lang ng pagsasama. Hindi dapat ito maging dahilan upang maghiwalay at tuluyang masira ang isang pamilya. Upang lubusang maliwanagan narito ang mga statement o pahayag na kadalasang naririnig sa away mag-asawa. At ang mga natatagong kahulugan nito na mas lalong nagpapainit o nagpapalala sa pagtatalo na kadalasang nauuwi sa mas malalim na problema.
Mga karaniwang pahayag na nagpapalala sa away mag-asawa:
1. “Nakakatawa ka!” o ang pagmamaliit sa opinyon o damdamin ng asawa.
Ang pagsasabi na tila hindi tama o walang basehan ang sinasabi ng iyong partner habang nagtatalo ay mas lalong napag-iinit sa away mag-asawa. Ito ay nagpapahiwatig na pagmamaliit sa kaniyang nararamdaman at nalalaman. Sa ganitong pagkakataon ang maari mong gawin ay ulitin ang mga salitang sinabi ng iyong asawa na iyong sinasang-ayonan bago ibigay ang iyong kontradiksyon o opinyon. Sa pamamagitan nito mas nalalaman ninyo ang nararamdaman ng isa’t-isa at mas makakapag-isip kayo ng solusyon na mapagkakasunduan ninyo at makakaayos ang inyong hindi pagkakaintindihan. Ito ay ayon kay Dr. Susan Heitler, isang relationship expert.
2. “Galit ako sayo dahil sa napakaraming dahilan.”
Image from Freepik
Hindi dapat iniipon at isinasabay sa isang pagtatalo ang lahat ng mga bagay na kinaiinisan mo sa iyong asawa. Ang pagkakaroon ng listahan ng mga reklamo o saloobin ukol sa iyong partner ay mas nagpapabigat ng isang pagtatalo, ayon ito kay Dr.Alden Cass isang Clinical Psychologist. Para sa mas maayos na pagsasama dapat ay sabihin o mapaalam agad sa iyong partner ang isang bagay na hindi mo nagustuhan sa kaniya upang ito ay kaniyang maayos at magawan agad ng solusyon kung kinakailangan.
3. “Lagi ka nalang ganyan” o “Kahit kailan hindi ka man lang..”
Ayon parin kay Dr. Alden Cass, ang paggamit ng salitang lagi o always at never o hindi kailanman sa isang pagtatalo ay tila nangangahulugan ng hindi pagbibigay importansya sa mga positibong bagay na ginawa ng iyong partner sa inyong pagsasama. Ang paggamit ng mga salitang ito ay nagpapahiwatig ng hindi mo naappreciate ang kaniyang nagawa dahilan upang siya ay masaktan. Kaya naman imbis na gumamit ng mga naturang salita, mas mabuting magfocus sa isang bagay na pinagtatalunan at bigyan ito ng solusyon kesa lahatin ang mga bagay na kinaaayawan mo sa kaniya na tila wala na siyang ginawang maganda.
4. Pagmumura o pang-iinsulto sa iyong asawa.
Ang pagmumura o pang-iinsulto sa iyong partner ay mas nagpapalala ng away mag-asawa. Dahil ito ay nagpapakita ng kawalan ng respeto sa kaniyang damdamin at pagkatao. Isa rin ito sa nagiging dahilan para kaniyang kwestyunin ang pagmamahal mo sa kaniya na maaring magdulot ng iba pang isyu sa inyong pagsasama. Kaya dapat tigilan ang pagmumura o pag-iinsulto sa iyong asawa, marapat na panatilihin ang respeto para makaiwas sa mas malalang problema at away mag-asawa.
5. “Ayoko na” o “maghiwalay na tayo!”
Image from Freepik
Ang pagsasabi ng mga ganitong salita ay nagpapahiwatig ng iyong matinding pagkadismaya ngunit hindi naman naipapaliwanag nito kung bakit ganito ang nararamdaman mo. Isa rin itong pahiwatig na hindi mo pinapahalagahan ang iyong mga pinagsamahan at hindi ka nanghihinayang na putulin na ito. Bagamat, galit at mataas ang emosyon dapat iwasan ang mga pahayag na ito bagkus ay pagusapan ang mga bagay na nagpapasama ng iyong damdamin upang ito ay masolusyonan o magawan ng paraan.
Ang pagiging bukas sa iyong nararamdaman at malayang pakikipagusap sa inyong partner ay isang importanteng aspeto ng masayang pagsasama. Sa pamamagitan nito ay maagap na nasosolusyonan ang mga problema bago ito tuluyang lumala pa. Ang mga hindi pagkakaintindihan at hindi pagkakaunawaan ay naliliwanagan ng maayos na pag-uusap. At higit sa lahat sa pagkakaroon ng respeto sa damdamin at pagkatao ng iyong partner ay napakahalaga rin upang maiwasan ang mga problema sa pagsasama na nagiging daan para lumala ang mga away mag-asawa.
Sources: Peace Quarters, Prevention, Health
Photo: Pixabay
Basahin: 5 Bagay na madalas pinag-aawayan ng mga mag-asawa
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!