Babae naghihintay ng bus pauwi namatay sa Pasay City. Siya ay kinilalang si Michelle Silvertino, isang single mother na lumabas na positibo sa sakit na COVID-19.
Babae naghihintay ng bus pauwi namatay sa Pasay City
Trending ngayon sa social media ang #JusticeForMichelleSilvertino. Ito ay matapos maiulat na nasawi na ang 33-anyos na inang si Michelle Silvertino habang naghihintay ng byahe ng bus na pauwi sana sa Camarines Sur. Doon ay naghihintay ang apat na anak na naulila ni Silvertino na nais niya lang sanang muling makita at maalagaan.
Ayon sa netizen at kaibigan umano ni Silvertino na si Nathanael Alim Alviso, siya ay isang ina na nais lang sanang mabigyan ng maayos na buhay ang kaniyang mga anak.
Mula sa Calabanga, Camarines Sur ay lumuwas ito sa Maynila upang mag-ayos ng kaniyang papeles at mag-apply sana bilang domestic helper sa Saudi Arabia nitong Setyembre 2019.
Ngunit si Silvertino ay hindi nakapasa sa medical examination. Dahil sa ito ay natuklasang may tubig sa baga at “not fit to work”. Ang mga kasabayan ni Silvertino ay nakaalis na ng bansa, habang siya ay naiwan dahil sa kaniyang kalagayan.
“Unfortunately, may tubig siya sa baga so declared siya na not fit to work. So since need niya mag-provide para sa kaniyang mga anak, nagtrabaho siya bilang kasambahay sa Antipolo, Rizal.”
Ito ang pahayag ni Alviso sa isang panayam sa kaniya ng ABS-CBN News.
Michelle Silvertino: Nagsusumikap na single mother para sa kaniyang mga anak
Upang maitaguyod ang apat na anak na mag-isa niyang binubuhay ay nag-decisyon si Silvertino na mamasukan muna bilang kasambahay. Hanggang nitong Mayo, bago matapos ang buwan ay nagpaalam si Silvertino sa kaniyang amo na nais niya ng umuwi ng Camarines Sur. Ito ay upang makita at maalagaan nalang ang kaniyang mga anak
Noong June 1 ay inihatid si Silvertino ng kaniyang pinapasukang amo sa bus terminal sa Cubao. Ito ay dahil sa pag-aakalang may byahe na dito pauwi sa probinsya nila. Pero dahil nasa ilalim parin ng quarantine noon ang Metro Manila ay walang bus na masakyan si Silvertino pauwi. Dahilan upang lakarin niya mula Cubao hanggang Pasay sa pag-asang maaring doon ay makasakay na siya ng bus pauwi. Pero nabigong muli si Silvertino, dahil tulad ng sa Cubao ay wala ring bumabiyaheng bus sa Pasay City.
“My friend, Michelle Silvertino, single mother, walked from Cubao to Pasay with heavy luggage in her attempt to go home to her 4 children in Bicol.”
Ito ang pahayag ni Alviso na nagmula sa isa sa kaniyang mga Facebook post.
Hindi na nakabalik pa si Silvertino sa kaniyang amo sa Antipolo, dahil wala ng masakyan at hindi niya na kayang maglakad. Nagtiyaga nalang itong naghintay sa labas ng terminal sa pag-asang biglang magkaroon ng biyahe ng bus pauwi sa kanila at makasakay siya.
Ngunit lumipas ang 5 araw ay wala paring masakyang bus si Silvertino pauwi. Nagmistula itong palaboy na natutulog at namalagi muna sa isang overpass sa Pasay City. Base sa mga report ay itinataboy pa umano si Silvertino ng mga Pasay City Street clearing operatives sa pag-aakalang palaboy nga ito. Ngnunit hinayaan siyang mamalagi muna rito ng malamang siya ay isang stranded lang na pasahero.
Panawagan na matulungang makauwi si Michelle
Mula ng namaalam sa kaniyang amo noong June 1 ay hindi na daw kumontak si Silvertino sa pamilya at mga kaibigan niya. Hanggang sa lumabas sa social media ang larawan at kuwento niya. Dito lang nalaman ng kaniyang pamilya at mga kaibigan ang kalagayan niya. At dito nagsimula ang panawagan na matulungan siyang makauwi sa kaniyang pamilya.
Ayon parin kay Alviso ay malaki ang ipinayat ni Silvertino sa larawan niyang kumalat sa social media. Ayun pala ito ay may iniinda ng karamdaman, dagdag pa ang pagod, puyat, walang maayos na kain at pag-aalala sa mga anak niya sa probinsya.
Dahil sa panawagan ng mga netizen ay nabigyan ng pansin ang sitwasyon ni Silvertino. May mga taga-DOH daw na tumingin sa kalusugan niya pero sinabing dulot lang ng fatigue ang nararanasan niya.
Nagpaabot rin ng kanilang tulong ang Pasay LGU kay Silvertino upang ito ay mapauwi. Ngunit isang araw bago ang schedule niya sanang swab test para makauwi ay natagpuang wala ng malay si Silvertino sa overpass na kaniyang pansamantalang pinamamalagian.
“Naka-schedule siya ng June 6. Pauwi na talaga e, kaya lang no’ng June 5 gano’n na nga ang nangyari sa kaniya.”
Itoa ng pahayag ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa isang pahayag.
Pagkasawi dahil sa sakit na COVID-19
Base naman sa report ng Pasay City Police na rumesponde sa kaniya, ay may concerned citizen na nag-ulat sa kanila ng kalagayan ni Silvertino madaling araw ng June 5. Ito umano ay nilalagnat at hirap ng makahinga. Nirespundehan nila ito at dinala sa ospital. Ngunit pagdating sa ospital idineklara na itong dead on arrival. At ang hinihinilang pagkamatay niya ay dahil sa sakit na COVID-19.
Lumipas ang mga araw, lumabas ang resulta ng ginawang COVID-19 testing kay Silvertino. Positibo nga ito sa sakit na COVID-19. Ngunit wala ng magagawa pa ang kaniyang pamilya. Hindi rin nila nakita o naiuwi man lang ang bangkay niya sa probinsya nila.
Panawagan ng kaniyang pamilya
Ayon parin sa pahayag ni Alviso, si Silvertino ay inilibing sa isang mababaw lang na hukay sa Pasay. Paliwanag naman ng Pasay City LGU, ito ay alinsunod naman sa pahintulot at desisyon ng pamilya ni Silvertino.
“Pumayag ‘yung kapatid niya, si Josie Silvertino, ang sabi ilibing na lang.”
Ito ang pahayag ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano.
Paliwanag naman ng kapatid ni Silvertino ay wala na silang choice, dahil ayaw na daw tanggapin ng cremation ang katawan nito. At hindi man lang nila ito napuntahan dahil sa ipinatutupad ng quarantine measures. Ngunit may kahilingan sana umano ang kanilang ina kaya naman nanawagan ng tulong ang pamilya niya.
“Ang gusto ng mama ko, ipa-autopsy daw po kaya humihingi ng tulong si mama kasi gusto niya malaman ‘yung tunay na nangyari.”
Ito ang pahayag ng kapatid ni Silvertino.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga ng kapatid ni Silvertino ang kaniyang mga naulilang mga anak.
Source:
GMA News, ABS-CBN News, Inquirer News
Basahin:
New Zealand, COVID-free na! Prime minister, isa rin palang super mom
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!