Isang babae sa Pakistan ang nanganak ng sextuplet o anim na sanggol sa District Headquarters Hospital nito lang Abril.
6 na sanggol isinilang ng babae sa Pakistan sa loob lang ng isang oras
Ayon sa report ng Philstar Life, isang 27-anyos na babae sa Pakistan ang nagsilang ng anim na sanggol sa loob lamang ng isang oras.
Ang new mommy ay kinilalang si Zeenat Waheed ayon sa local media outlet na Dawn. Ito raw ang unang beses na nanganak ang babae kaya mangha ang mga netizen at kinaya ito ni Zeenat.
Sa interview ng Dawn, napag-alaman na apat na lalaki at dalawang babae ang isinilang ni mommy Zeenat.
Ayon naman kay Dr. Fanza, medical superintendent ng ospital kung saan isinilang ang anim na sanggol, nasa maayos na kondisyon naman ang mga baby. Kaya lamang ay kinailangang ilagay ang mga ito sa incubator.
Nakasaad din sa report ng Dawn, na ayon sa duty officer ng labor room, hindi umano normal delivery ang paraan ng panganganak ni Zeenat. Katunayan ay nakaranas daw ito ng mga komplikasyon matapos na manganak. Ngunit magiging maayos din naman daw ang lagay ni Zeenat sa mga susunod na araw.
Mga dapat malaman tungkol sa sextuplet
Sextuplet ang tawag kapag nagsilang ang isang babae ng anim na sanggol sa isang delivery. Pwedeng fraternal (multizygotic), identical (monozygotic), o kaya naman ay kombinasyon ng mga ito ang maging anak kung magsilang ng sextuplet.
Pwede rin na puro lalaki, o puro babae, o kaya naman ay kombinasyon ng babae at lalaki ang anim na sanggol.
Lahat ng multiple birth ay hindi pangkaraniwan o rare, lalo na ang pagsilang ng triplets o higit pa sa tatlo. Ayon nga sa datos ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) noong 2019, mayroon lamang 87 multiple births out of 100,000.
Nakasaad sa report ng Very Well Family website, na ang first surviving set ng sextuplets ay ipinanganak sa South Africa noong 1974 pa.
Posible ring hindi pare-pareho ang birthdate depende sa interval ng delivery. Ang ganitong kaso ay tinatawag naman na iatrogenic asynchronous birth. Ibig sabihin, ang bawat baby ay posibleng isilang nang ilang araw o linggo ang pagitan.