Babae tinaga sa mukha ng kaniyang mister sa Zamboanga

Misis na tinaga sa mukha ng kaniyang mister may maikling mensahe para sa mga kababaihan.

Babae tinaga sa mukha ng mister ng dahil sa ayaw nitong pumayag makipag-usap at makipagbalikan sa kaniya.

Babae tinaga sa mukha ng mister

Taga sa mukha at braso ang natanggap ng 37-anyos na si Celia mula sa Zamboanga matapos itong tumangging makipag-usap sa dating asawang si Ben.

Image screenshot from KMJS video

Ayon kay Celia, ilang buwan na siyang sinasaktan ng asawa bago pa mangyari ang nakakilabot na insidente nitong April 26.

Kuwento niya May 2019 ng magkakilala sila ng asawang si Ben. Ito ay sa pamamagitan umano ng pinsan niya. Mabait at maayos naman daw ang ugali nito noong una. Dahilan upang pumayag siya at sumang-ayon ang kaniyang pamilya na maikasal sila. Ngunit sa paglipas ng buwan ay lumabas daw ang tunay na ugali ni Ben.

Pagkukuwento ni Celia, ang natatandaan niyang una nilang pinag-awayan ay minsang hindi siya pumayag na mag-ihaw ng manok. Nagalit daw ito at sinaktan siya. Ngunit kinabukasan ay humingi naman ng tawad sa nagawa kaya napalagpas niya.

Hanggang sa naulit umano ang pananakit sa kaniya sa tuwing nalalasing ito. Na mas lumala at tumindi pa ng sumailalim sa enhanced community quarantine ang ilang bahagi ng bansa.

Pananakit na mas dumalas

Kuwento pa ni Celia ng umiiral ang lockdown ay nagkaroon sila ng mainit na away ng mister na si Ben. Ito ay matapos siyang tumangging makipagtalik rito. Dito na umano siya sinaktan nito ng sobra na naging dahilan upang makapag-desisyon siyang makipaghiwalay rito.

“Nu’ng una puro bunganga lang. Pero nu’ng nag-lockdown, sinasakal niya ako, sinasampal. Hinihila niya buhok ko. Naglalakad siya na parang naghihila ng sako. Kapag hiniwalayan ko raw siya, wala raw siyang pipiliin! Bata o matanda, anak ko man o nanay, papatayin daw niya!”

“Isang gabi, hinubaran niya ako. Doon ako nagalit. Tapos minura niya ako. Nu’ng gabi na ‘yun inisip kong pumunta ng barangay para ipa-blotter siya at makipaghiwalay.

Ito ang pagkukwento ni Celia sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho.

Image screenshot from KMJS video

At pinatindi ng dumaang lockdown

Kinabukasan ay ipina-barangay na ni Celia ang asawang si Ben. Saka niya ito tinuluyang iniwan at hiniwalayan. Nagalit daw ito sa kaniyang ginawa. Kaya ng minsang magkasalubong sila ay naganap nga ang pangtataga sa kaniya.

“Nagalit siya kasi hindi niya alam na pina-barangay ko siya. Tapos sabi niya umuwi na raw kami. Sabi ko hindi na ako uuwi.”

“Sunday ng umaga, nakita ko si Ben sa kalsada. Sabi niya mag-usap daw kami, sabi ko, ‘Ano pag-uusapan natin?’ Sabi niya, ‘Ah ayaw mo palang makipag-usap sa akin.’ Doon na niya ako tinaga sa mukha. Doon niya na tinaga ulo ko.”

“Tapos tumakbo na ako. Maraming tao nakakita sa akin sa labas. Parang na-shock sila sa hitsura ko. Nu’ng dumating na ‘yung pulis na kapitbahay namin, doon pa lang po ako nakasakay ng tricycle papuntang ospital. Tapos nawalan na po ako ng malay. Hindi ko alam kung mabubuhay pa ako.”

Ito ang pagsasalaysay ni Celia sa nangyari sa kaniya. Bagamat nakaligtas at na-operahan na ang kaniyang mukha ay hindi na daw maalis sa isip niya ang ginawa ni Ben. Kahit sa tuwing siya ay pumipikit ay bumabalik at malinaw itong nag-flaflashback sa kaniyang ala-ala.

Image screenshot from KMJS video

Mas dumami ang nakaranas ng domestic violence ng dahil sa COVID-19

Ayon sa mga eksperto, mas dumami umano ang kaso ng pang-aabuso sa mga kababaihan o domestic violence ng ipatupad ang enhanced community quarantine dahil sa COVID-19. Ito ay dahil mas maraming oras na magkasama ang biktima at ang taong umaabuso sa kaniya sa loob ng bahay.

Base nga sa datos na nakalap ng PCW o Philippine Commission on Women ay may naireport na 804 kaso ng pang-aabuso sa mga bata at kababaihan mula noong Marso 15 hanggang April 30. Ito ang mga panahon na ipinatutupad ang enhanced community quarantine sa Luzon at iba pang panig ng bansa.

Dagdag pa ng ahensya, isa sa kada 3 kababaihan lang na nakakaranas ng pang-aabuso ang nag-rereport o nagrereklamo sa kanilang naranasan. Karamihan sa kanila ay nahihiya o natatakot na humingi ng tulong sa kanilang pinagdadaanan.

“Lumalabas yung abusive tendency ng partner kasi ayun yung paraan para mag-vent out ng kanilang frustration. Dahil nga stay at home maraming restrictions sa mobility. Kung nasa isang abusive na relasyon yung isang babae mas lalong high tend yung vulnerability. Marami pang barangay ang nag-close ng kanilang VAW desk, minsang pakiramdam nila wala na silang ibang choice kung hindi i-endure yung nararansang karahasan sa loob ng bahay.”

Ito ang paliwanag ni Joms Salvador, ang Secretary General ng Gabriela Women’s Party.

RA 9262 o Anti-Violence Against Women Act and Their Children Act

Sa ilalim ng batas ang pang-aabuso sa kababaihan at mga bata ay malinaw na paglabag sa Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004. Ito ang batas na pumuprotekta sa karapatan ng mga bata pati na mga kababaihan mula sa iba’t-ibang klase ng pang-aabuso o karahasan. Tulad ng pisikal na karahasan, sekswal na karahasan, sikolohikal na karahasan gaya ng pananakot pati na ang pinansyal na karahasan o hindi pagsusustento.

Ang sinumang lumabag sa batas na ito ay maaring makulong at magmulta ng hanggang sa P300,000.00.

Sa kaso ni Celia, ang kaniyang asawa ay maaring makulong ng hanggang sa 12 taon. Dahil ayon sa mga eksperto maliban sa paglabag sa RA 9262 ang kaniyang asawa ay sasampahan rin ng kasong frustrated murder dahil halos ikamatay niya ang pangtatagang ginawa nito.

Dahil sa naranasan ay may maikling mensahe si Celia sa mga kababaihan. Ito ang nasabi niya.

“Huwag nalang basta pumasok sa relasyon na hindi ninyo kabisado ugali.”

Panghihikayat naman ng mga awtoridad sa mga babaeng biktima ng pang-aabuso, huwag matakot at mahiya sa nararanasan. I-report ito at humingi ng tulong sa awtoriad. Ito ay upang matigil na ang nararanasang pang-aabuso.

Panoorin ang buong kuwento ng babaeng tinaga sa mukha ng mister dito.

 

Source:

KMJS, PCW, Rappler

Basahin:

12 mailap na senyales ng pang-aabuso sa bata