Mahalaga sa mga magulang ang palaging bantayan ang kanilang sanggol, at siguraduhing ligtas ang kanilang anak. Ngunit may mga pagkakataon na dahil sa matinding pagod, o kaya panandaliang kawalan ng atensyon, ay nakakaligtaan ng mga magulang ang kanilang anak. Para sa isang ina, ito ang naging dahilan upang mamatay ang kaniyang anak nang maiwan ito sa isang baby bouncer.
Paano siya namatay sa baby bouncer?
Ayon sa inang si Danielle Jones, marami raw siyang lakad ng araw na namatay ang kaniyang anak. Kasama raw niya ang kaniyang ina at mga kapatid dahil sila ay namili ng mga pangregalo. Dahil sa tindi ng pagod, nakatulog si Danielle sa kanilang sofa.
Nagising siya ng bandang alas-4 ng umaga, at sinilip ang kaniyang anak na si Leia Mae, na nasa baby bouncer. Ngunit pagtingin niya sa bata, wala na itong malay at tila hindi humihinga.
Dali-dali niyang sinubukang i-resuscitate ang bata, at tinawagan kaagad ang mga paramedic upang masagip ang anak. Ngunit sa kasamaang palad, namatay na ang sanggol.
Namatay raw si Leia Mae sa kaniyang baby bouncer dahil sa kakulangan ng hangin. Ito ay dahil hindi maganda sa mga bata ang maiwan ng matagal na nakaupo sa ganitong klaseng upuan. Nahihirapan sila ditong huminga, at posible nilang ikamatay kapag napabayaan.
Dahil sa nangyari, matindi ang pagsisisi ni Danielle. Aniya, parang masamang panaginip raw ang nangyari, at inakala niyang magigising siya dito. Ngunit mas mapait ang katotohanan, at patay na ang kaniyang pinakamamahal na anak.
Nananawagan rin siya sa ibang mga magulang na huwag pabayaan ang kanilang mga anak.
Sa crib lamang dapat matulog ang mga sanggol
Bagama’t ligtas gumamit ng mga baby bouncer o baby swing sa mga sanggol, hindi nito ibig sabihin na dapat silang matulog dito. Ginawa ang mga ito upang upuan ng mga sanggol, at hinding-hindi dapat hinahayaang umupo ng matagal ang mga bata dito. Lalo na kung hindi sila nababantayan.
Hangga’t maaari, dapat ay palaging binabantayan ang mga sanggol. Ito ay upang masigurado ng mga magulang ang kaligtasan ng bata, at kung may mangyari mang masama ay masasagip nila agad ang bata.
Kung magpapatulog ng sanggol, siguraduhing sa crib natutulog ang bata, at hindi sa kama, sa upuan, sa sofa, o sa iba pang lugar. Ang mga crib ay sadyang nakadisenyo para maging ligtas sa mga bata kaya’t ito ang pinakamainam na lugar na kanilang puwedeng tulugan.
Tandaan, palaging isaalang-alang ang kaligtasan ng iyong anak. Kahit pagod ka man, mahalagang isipin ang kapakanan ng iyong sanggol, lalo na at sa iyo pa sila nakasalalay habang sanggol sila.
Source: Mamamia
Basahin: Sanggol patay matapos mahawa sa sakit na meningitis