Kamakailan lang ay namatay ang isang bata dahil sa sakit na meningitis. Ngunit ang mas nakakalungkot ay hindi sana nagkasakit ang bata kung may bakuna laban sa meningitis ang nakahawa sa kaniya. Ano ba ang sintomas ng meningitis, at ano ang mga paraan upang mapigilan ang sakit na ito?
Napakabilis ng pangyayari
Si Killy at ang kaniyang ama. | Source: Facebook
Masigla pa ang apat na buwang gulang na si Killy Schultz na nakatira sa Viriginia, USA nang bigla siyang magkaroon ng mataas na lagnat at rashes sa kaniyang katawan. Dahil dito, dali-dali siyang inuwi mula sa daycare upang maalagaan ng kaniyang mga magulang.
Ngunit kahit na binigyan na nila ng gamot na Tylenol si Killy, hindi pa rin gumagaling ang kaniyang lagnat. Kaya’t nagdesisyon na ang kaniyang mga magulang na dalhin siya sa ospital.
Dito, napag-alaman na mayroon palang meningitis si Killy. Sabi pa ng doktor, posible daw na nahawa si Killy ng meningitis mula sa ibang batang hindi nabakunahan laban dito.
Sa kasamaang palad, mabilis na binawian ng buhay si Killy. Bigla na lamang daw bumagsak ang kaniyang heart rate, at ito ang kaniyang ikinamatay.
Dapat alamin ng mga magulang ang sintomas ng meningitis
Ang meningitis ay isang sakit na nanggagaling sa pagkakaroon ng impeksyon sa membrane sa utak at sa spinal cord. Ito ay kadalasang nagiging epekto ng isang viral infection, o kaya bacterial infection.
Kahit anong edad ay posibleng magkaroon ng meningitis, pero lubha itong mapanganib para sa mga sanggol at mga bata.
Mahirap malaman ang sintomas ng meningitis, na stiff neck at mataas na lagnat, sa mga sanggol. Minsan ay tatlong araw lang ang kinakailangan bago lumabas ang sintomas ng sakit na ito. Kaya’t mahalagang alamin ng mga magulang ang posibleng sintomas ng meningitis.
Heto ang kailangang alamin:
- Pananakit ng ulo
- Rashes sa katawan
- Mataas na lagnat
Kapag mayroong ganitong mga sintomas ang iyong sanggol, mabuting agad silang dalhin sa ospital. Bagama’t hindi palaging nakamamatay ang meningitis, ito ay mas mapanganib sa mga bata dahil hindi pa ganoong kalakas ang kanilang katawan at immune system.
Upang makaiwas sa sakit na ito, heto naman ang kailangang tandaan:
- Huwag hayaang halikan o hawakan ng kung sino-sino ang iyong sanggol.
- Maghugas palagi ng kamay bago buhatin ang iyong anak.
- Kapag mayroong mga maysakit, huwag silang palapitin sa iyong anak.
- Nahahawa rin ang meningitis mula sa kubyertos na ginagamit sa pagkain.
- Panatilihing malinis ang bahay, at palaging maghugas ng kamay.
- Mahalaga ang pagbabakuna laban sa sakit na ito, upang hindi makahawa ng iba.
Kailangan lang tandaan ng mga magulang na ang pagkakaroon ng malinis na kapaligiran at ang pag-iwas sa mga taong maysakit ang pinakamainam na paraan upang hindi mahawa ng meningitis ang kanilang mga anak.
Source: Health
Basahin: Early meningitis symptoms in toddlers parents need to watch out for
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!