Dapat bang ikahiya kung mayroon diperensya ang iyong anak? Tunghayan ang kwento ng ama ng isang baby na may bingot.
Mababasa sa artikulong ito:
- Kailan nila nalaman na may bingot ang baby nila
- Ano ang naging reaksyon ng mga magulang
Kahit sino namang magulang ay malulungkot kapag ipinanganak ang kanilang anak na iba sa ibang sanggol, tulad ng pagkakaroon ng cleft lip o bingot. Pero kung titingnan natin ito sa positibong paraan, asahan na magiging positibo rin ang ating paligid.
Marahil ito ay isang pagsubok, pero kung positibo ang pagtanggap mo rito, lahat ng tao sa iyong paligid ay magkakaroon din ng mas magandang pananaw sa pagsubok na inyong kinakaharap.
Ibinahagi ni Andika Putera, isang negosyante, motivational speaker at social media celebrity sa Malaysia ang kaniyang karanasan sa pagkakaroon ng isang baby na may bingot.
Inamin niya na nalungkot siya nang natuklasan na ang kaniyang anak ay may bingot, dahil inisip niya ang magiging kinabukasan nito. Subalit hindi nagtagal ay mas nanaig ang paniniwala niyang ibinigay ito sa kanila ng Diyos.
Larawan mula sa theAsianparent MY
5 buwan pa lamang ay nalaman na nila ang kondisyon ng anak
Ayon kay Daddy Andika, natuklasan nila na may bingot ang kanilang anak na si Alisha noong 5 buwan pa lang ito sa loob ng sinapupunan ng kaniyang ina. Napag-alaman nila ito sa pamamagitan ng isang scan.
Aniya, umiyak ng todo ang kaniyang asawa dahil nag-alala ito sa kondisyon ng kanilang anak lalo na paglaki nito. Dagdag niya, hindi naman niya naisip na ikahiya ang baby nila subalit ginusto niyang maghintay hanggang sa mas malaki-laki na ito bago nila ipaalam sa iba ang kondisyon ni baby.
“Isang kakaiba at natatanging bata ang aming anak. Mayroon siyang cleft lip na natuklasan namin noong 5 buwan pa lang siya.” aniya.
“Noong nalaman namin sa pamamagitan ng scan, nalungkot ng lubos si Tasha dahil sa awa niya kay Baby Alisha. Anong mangyayari sa kaniya paglaki niya? Magkakaroon kaya siya ng kaibigan?”
Bagama’t nawalan ng loob ang asawa, hindi tumigil si Andika sa pagbibigay ng mabubuting mensahe sa kaniya. Matindi rin ang kalungkutan na kaniyang nararamdaman noong panahong iyon, subalit hindi nagtagal ay nanumbalik ang saya sa kaniya.
Pagsubok lang ito, kaya dapat manalig sa Diyos
“Salamat sa Diyos, nanumbalik ang kasiyahan ko. Naniniwala ako na mararamdaman natin ang pagmamahal ng Diyos sa bawat pagsubok. Gusto lang Niya na maniwala tayo sa Kaniya.” aniya.
“Alam ko na may magandang rason, at may plano ang Diyos kung bakit niya ginawang ganito ang anak namin. Ang Diyos ang pinaka-perfect na tagalikha, at maganda ang lahat ng kaniyang likha.” dagdag ni Andika.
Pahayag niya, hindi niya agad ipinost sa social media ang larawan ng anak hindi dahil ikinakahiya niya ito, kundi inaantay lang niya na lumaki pa ito ng kaunti. Pagdating ng ika-44 araw ni baby Alisha, saka niya ipinakita ang larawani nito.
Hadlang sa pagdede
Kuwento pa ng ama, dahil sa bingot ng baby, naging mahirap para sa kaniya na dumede.
“Noong ipinanganak siya, naging mahirap sa kaniya na dumede dahil sa butas sa kaniyang labi. Hindi niya gaanong nasisipsip ang gatas. Ang mas nakakalungkot pa, kailangang kailangan niya ng gatas dahil siya ang premature.” ani Andika.
Dahil ipinanganak ang sanggol noong kaniyang ika-36 linggo sa sinapupunan ng ina. Mababa ang kaniyang timbang (2.o2 kilos) kaya naman kailangang niya ang maraming gatas at madalas na pagdedede upang lumaki.
Bagama’t naging mahirap sa umpisa, hindi naman tumigil ang mag-asawa na makahanap ng paraan upang matulungan ang kanilang anak.
“Salamat sa Diyos, pagkatapos naming pag-aralan ang kaso ng aming anak, bumili kami ng special nipple para sa mga batang may cleft lip. At bawat araw na lumilipas, nagiging mas madali sa kaniya ang dumede.
Mula sa 2.02 kilo, 3.8 kilos na siya ngayon. Malaki at malusog, salamat sa Diyos. Kaya naman dahil sa pagsubok na ito, mas tumibay ang pananampalataya namin sa Kaniya.” pahayag ni Andika.
Ang susunod na hakbang
Ayon sa ama, gusto niyang turuan ang kaniyang anak na huwag umasa sa mga tao kundi ang umasa sa Panginoon. Gusto niyang matutunan ni baby na kilalanin at mahalin ang Diyos para maging masaya araw-araw.
Kwento pa niya, pagkatapos ng tatlong buwan ay sasailalim si Baby Alisha sa isang surgery para ayusin ang kaniyang cleft lip. Humihingi siya ng suporta mula sa mga taong makakabasa ng kaniyang post.
BASAHIN:
REAL STORIES: Babae nagmukhang matanda nang mabuntis—pregnancy hormones are real!
Breastfeeding babies with cleft lip or palate
7 rason kung bakit hindi mo dapat gawan ng social media account ang anak mo
Sanhi ng pagkakaroon ng cleft palate
Ang paninigarilyo, pagkakaroon ng diabetes at pag-inom ng gamot habang nagbubuntis ay ilan sa mga tinitingnang rason kung bakit nagkakaroon ng bingot ang baby.
Ayon sa ilang pag-aaral, natuklasan na mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng cleft lip ang mga sanggol kapag naninigarilyo ang kanilang ina habang nagbubuntis.
Gayundin, ang mga babaeng may diabetes bago mabuntis ay may mataas na posibilidad na magsilang ng baby na may bingot kumpara sa mga nanay na walang diabetes.
Ganito rin ang napansin sa mga mga babaeng gumamit rin ng mga seizure o epilepsy medications tulad ng topiramate o valproic acid sa unang trimester ng kanilang pagbubuntis.
Larawan mula sa theAsianparent MY
Kung ikaw ay mayroong ganitong sakit o umiinom ng mga gamot habang nagbubuntis, mas makabubuting kumonsulta sa iyong OB-Gynecologist at tanungin kung ligtas ba ito kay baby upang maiwasan ang mga komplikasyon.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!