Isang baby ang namatay dahil sa seizure dahilan para maging labis na hinagpis para sa isang ina.
Mga mababasa sa artikulong ito:
- “Namatay si baby na hindi ko nalaman ang sakit niya.”
- Mga dapat gawin kapag nagkaseizure ang inyong anak
“Namatay si baby na hindi ko nalaman ang sakit niya.”
Larawan mula sa Pexels
Kakaibang ligaya nga naman ang makita ng isang ina ang kanyang supling na dumating sa mundong ibabaw. Para bang bigla na lang naglaho ang lahat ng sakripisyo at sakit na pinagdaanan sa loob ng siyam na buwan.
Sa kabilang banda, labis din ang pighati ng biglang pagkawalay ng sanggol nang biglaan. Katulad na lang ng pagkukwento ng isang inang ito.
Pagsasalaysay ng isang ina sa artikulo ng Kidspot, hindi niya raw mailarawan ang sayang dala nang dumating ang kanyang anak sa mundong ibabaw. Talaga naman daw binago ng bata ang buhay niya. Isa raw masayahin at masiglang baby ang kanyang anak na sinigurado nilang pinuno nila ng pagmamahal. Masaya raw sila dahil healthy na healthy raw ang baby hanggang sa humantong ito sa 15 months old.
“Sumisigaw na ako.”
Isang araw raw ay narinig nilang umuubo ito at inakalang nabibilaukan. Sinisigaw na raw niya ang pangalan ng kaniyang anak dahil nakikita na niyang nag-iiba ang kulay ng balat nito. Buong akala niya raw ay pumanaw na ang anak niya pero bigla ito nagkombulsyon. Buti na lang daw ay dumating agad ang ambulansya upang bigyan ng rescue medicine ang sanggol.
Maraming bagay raw ang tinanong sa kanya nang mapunta na sila sa ospital. Mabuti na lang daw at nakuhanan niya ng video ang anak kaya nakita nila kung paano nagsimula ang seizure. Tumagal daw ng halos 30 minuto bago nagising ang kanyang anak pero hindi na nito magalaw ang kabilang parte ng katawan. Hindi raw nila alam kung na-stroke na ba ang kanilang anak.
Maraming test daw ang ginawa sa kanya pero hindi pa rin nalaman kung ano ito. Tatlong linggo magmula ng unang seizure ay muling inatake ng naturang kondisyon ang bata.
Larawan mula sa Shutterstock
“Takot na takot na ako para sa anak ko.”
Kaliwa’t kanang gamot na raw ang ibinigay pero walang nakapagpapatigil ng sakit ng kanyang anak. Dumarami raw nang dumarami lang ang episodes ng seizures ng kanyang anak. Ang ikinatatakot niya, kung lalagpas daw nang 5 minuto ito ay maaaring makapag-damage ng kanyang utak.
“Para bang bahay na namin ang ospital.”
Halos kilala na raw sila ng lahat ng ambulance officer dahil sa pabalik-balik na sila sa ospital. Dahil daw dito, nagdesisyon na ang mga doctor na isailalim niya sa isang brain surgery kung saan tinanggal ang dalawa’t kalahati ng lobes sa utak ng baby.
Magmula raw nito ibang types ng seizures naman ang kanyang nararanasan. Hirap daw niyan pagmasdan kung paanong hindi na siya makalakad at makakain.
Magtatatlong taon pa lang daw ang bata nang mangyari ang mga ito. Halos 11 months na rin daw silang tumagal sa ospital. Napakaraming procedure na raw ang ginawa sa kanya pero lahat ito ay hindi nagtagumpay. Sinubukan na raw halos lahat ng medikasyon para sa epilepsy ng mga doktor pero wala talagang umeepekto sa bata.
Larawan mula sa Shutterstock
“Mommy, huwag ka nang mag-alala. Ayos lang ako.”
Pinaghuhugutan niya raw ng lakas ang pagiging matatag ng kanyang anak. Kada seizure raw na mangyayari sa baby ay niyayakap niya nang mahigpit ang anak bago ito namatay. Nasisilayan niya raw kung paanong pagod na ang lahat lalo na ang kanyang anak. Kaya lalo raw masakit para sa kanya na para bang wala nang pag-asa.
Dinala niya raw ang anak sa isang children’s hospice upang malibang sa gitna ng pinagdaraanan nito. Dito ay na-enjoy ng bata na mag-paint, music therapy, at iba pang art activities.
Isang araw raw ay napagdesisyunan nilang dalhin ang bata sa tabing dagat. Maluluha-luha niya raw na tinititigan ang kanyang anak dahil alam niyang hindi na raw niya masisilayan pa itong muli.
Namatay raw ang bata sa kanyang mga bisig habang yakap-yakap ito. Laking pasasalamat na lang din daw niya sa pamilya nilang kailanman ay hindi sila iniwan at buong suporta na ipinakita ang pagmamahal sa kanilang mag-ina.
Hanggang ngayon daw ay walang nakakaalam kung ang baby niya ay namatay sa seizure. Masyado raw complex ang nangyari para sa epilepsy. Hanggang ngayon daw ay hindi niya pa nalalaman ang sakit na dumapo sa kaniyang anak.
Mga dapat gawin kapag nagka-seizure ang inyong anak
Narito ang ilang ways kung ano ang dapat gawin kung sakaling makaranas ng seizure ang inyong anak:
- Huwag magpanic.
- Iposisyon ang anak sa kung saan mas ligtas siya halimbawa ay paupuin sila o ilagay sa soft surface.
- Huwag na huwag iiwanan ang bata at tignan kung gaano katagal ang seizure niya maging ang kanyang movements.
- Hindi dapat bigyan ng kahit anong pagkain o gamot na idadaan sa bibig habang siya ay nagseseizure.
- Huwag ding pigilan ang kanilang galaw.
- Ipatagilid sila upang hindi mapuno ng laway ang kanilang bibig.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!