Hindi na bago ang makarinig ng kung anu-anong balita tungkol sa mapanganib na mga baby products, lalong-lalo na sa internet. Ngunit sino ba ang mag-aakala na mayroong kinalaman ang baby powder at cancer sa isa’t-isa? Kamakailan lang ay kumalat ang balita na marami daw nagsampa ng kaso sa isang nagbebenta ng baby powder dahil daw sila ay nagka-cancer dahil dito.
Pero may katotohanan nga ba ang mga paratang na ito? Masama ba ang paggamit nito sa kalusugan ng iyong anak? Ating alamin ang katotohanan.
Baby powder at cancer: Ano ang koneksyon?
Alam niyo ba na ang baby powder o talcum powder, ay gawa sa isang malambot na bato na tinatawag na talc? Ito ay hinuhukay mula sa mga minahan at ginagawang iba’t-ibang uri ng mga powder at cosmetics.
Ligtas din daw ang paggamit nito bilang isang pulbo, at wala pang napatunayang masamang epekto nito sa kalusugan.
Pero ayon sa mga nagsampa ng kaso laban sa mga kumpanyang nagbebenta ng baby powder, nahahaluan daw ng asbestos ang talc na nakukuha sa minahan. Ito ay dahil madalas silang matagpuan ng magkasama sa minahan. Ang asbestos ay isang uri ng mineral na napatunayang nagdudulot ng cancer at iba pang mga sakit kapag nalanghap ng mga tao.
Bukod dito, kinasuhan at natalo ang kumpanya nang mapatunayang mayroong asbestos ang ilan sa kanilang mga produktong binebenta! Kaya’t marami na ang nag-aalala kung masama nga ba sa kalusugan ang paggamit ng pulbo.
Ano ba ang katotohanan?
Hanggang ngayon, hindi pa rin masabi kung ligtas ba o hindi ang paggamit ng baby powder. Ito ay dahil paiba-iba ang resulta ng mga pag-aaral tungkol sa baby powder at cancer, at wala pang isang pag-aaral na makapagsasabi na ito ay 100% na ligtas, o mapanganib.
Kaya’t hanggang ngayon, hindi pa rin masabi ng mga eksperto kung ligtas nga ba o hindi ang paggamit ng baby powder. Hangga’t walang pag-aaral na nakakapagsabi kung ligtas ba o hindi ang baby powder, mahirap magbigay ng rekomendasyon tungkol dito.
Gayunpaman, wala namang dahilan upang gumamit ng baby powder na gawa sa talc. Maraming ibang uri ng baby powder, tulad ng gawa sa rice flour, cornstarch, at iba pa na epektibo rin at mainam na gamitin sa balat.
Kaya’t kung nag-aalala kayo na baka makasama sa kalusugan ang talcum powder, mabuting gumamit na lang ng powder na gawa sa ibang material na napatunayan nang ligtas sa mga sanggol. Mayroon lang kamahalan ang mga produktong ito, ngunit magkakaroon ka naman ng peace of mind dahil siguradong walang panganib ang ganitong mga produkto.
Source: Medical News Today
Basahin: “Nagbabalat si baby!” Mga dapat alamin tungkol sa pagbabalat ng bagong-silang