Ang kaanyuan ng isang sanggol ay nagbabago—minsan kapansin-pansin—sa loob ng ilang linggo pagkatapos siyang ipanganak. Pagbabalat ng sanggol, normal rin ba? Alamin rito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Sanhi ng pagbabalat ni baby
- Lunas sa pagbabalat ni baby
- Mga bagay na dapat gawin kung nagbabalat si baby
Bago makalabas sa ospital o hanggang ilang araw o linggo pagkatapos umuwi, may posibilidad na ang balat ng iyong bagong-silang ay magsisimulang magbalat o matuklap.
Subalit bago ka mabahala, huwag mag-alala dahil ito ay normal, at hindi magtatagal, mapapansin mong mapapalitan ito ng maganda at makinis na balat ng sanggol na laging kinaiinggitan nating matatanda.
Pero bakit nga ba nangyayari ang pagbabalat ng sanggol?
Pagbabalat ng sanggol: Bakit ito nangyayari?
Ilang segundo pagkapanganak, ang sanggol ay nababalot ng iba’t ibang mga likido at substance, kabilang ang dugo, amniotic fluid, at vernix.
9 na buwan ang ginugol ng iyong baby sa loob ng iyong sinapupunan kung saan napapaligiran siya ng amniotic fluid. Dahil dito, hindi agad nakakapag-exfoliate ang balat ng sanggol kumpara sa ating balat. Kaya naman mapapansin na parang dry ang skin ni baby at parang nagbabalat ito sa umpisa.
Samantala, ang vernix ay isang waxy at mala-kesong substance na natural na nabubuo sa huling trimester ng pagbubuntis at binabalot ang katawan ng sanggol.
Ang pangunahing silbi ng vernix habang ang sanggol ay nasa iyong sinapupunan ay ang protektahan ang kanyang balat laban sa amniotic fluid.
Image from Pinterest- Stanford Medicine.
Pero ang vernix ay mayroon ring importanteng gamit pagkatapos ng kapanganakan, na konektado sa balat ng iyong bagong-silang.
Ayon sa pananaliksik, ito ay tumutulong na panatilihing moisturized at hydrated ang balat ni baby, na “maaaring padaliin ang hydration ng balat pagkatapos ng kapanganakan.”
Sa madaling salita, nagsisilbi itong natural moisturizer. Ngunit kapag ang vernix (kasama ang amniotic fluid at dugo) ay natanggal sa balat ni baby nang maaga, ang iyong sanggol ay magsisimulang maglagas ng panlabas na layer ng kanyang balat, ayon sa Healthline.
Gaano katindi ang pagbabalat?
Ang pagbabalat ng sanggol ay depende sa kung siya ay napaagang pinanganak. Kadalasan, kung mas maraming vernix ang sanggol sa kanyang balat pagkapanganak, mas kaunti ang pagbabalat ayon sa mga eksperto.
Halimbawa, ang premature na sanggol ay kadalasang magbabalat nang kaunti, ‘di tulad ng isang full-term o overdue baby, dahil siya ay balot ng mas maraming vernix sa kapanganakan.
Karaniwang mapapansin ang pagbabalat ng sanggol sa loob ng isa hanggang tatlong linggo pagkatapos ipanganak, kadalasan sa bahagi ng kaniyang mga kamay at paa.
Mga sakit na maaaring may kaugnayan sa pagbabalat ng sanggol
Ayon sa Healthline at kay Dr. Mark Koh Jean Aan ng Pediatric Dermatology Service, KK Women’s and Children’s Hospital (KKH), may mga kaso na ang pagbabalat ng sanggol ay maaaring sanhi ng ibang kondisyon na kaniyang namana o kaya naman ay natural sa mga sanggol at kusang nawawala.
Ang pagbabalat at panunuyo ng bagong-silang na balat ay maaari ring dulot ng isang genetic condition na tinatawag na ichthyosis.
Eczema sa batok ng baby
1. Eczema
Tinatawag ding atopic dermatitis, ang eczema ay maaaring magdulot ng tuyot, mapula, at makating mga patse sa sanggol ni baby—kadalasan sa mga pisngi, at sa mga folds o singit ng mga binti at bisig, o sa ibang mga bahagi kung saan natural na natutupi ang balat, katulad ng leeg.
Paliwanag ni Dr. Koh, habang hindi pa natutukoy ang eksaktong sanhi ng allergy , ito ay isang immune reaction at genetic condition na nakukuha mo sa iyong mga magulang. Kung ang iyong magulang ay mayroong allergies at eczema, mas mataas ang posibilidad na magkaroon ka nito.
Kabilang sa mga trigger na maaaring magpalala sa kondisyong ito ay mga dust mite sa bahay, viral infection, ilang bakuna at mainit na temperatura, pati na rin mga allergen tulad ng mga sabong panlaba, sabong panligo, at pamahid, sabi ni Dr. Koh.
Ano ang lunas sa eczema?
Kung may hinala kang ang iyong sanggol ay may eczema, mas mabuting kumonsulta na sa kaniyang pediatrician, dahil makapagpapayo siya kung anong pinakamabisang paraan para malunasan ang kondisyon.
Narito ang ilan sa mga payo ni Dr. Koh:
- Paliguan araw-araw si baby ng gamit ang maligamgam na tubig at mild na sabon o anumang alternatibo. Sa pagpili ng mga produktong gagamitin sa balat ni baby, hanapin ang mga produktong fragrance free o walang amoy.
- Huwag kuskusin ang balat ni baby—tapikin ito hanggang matuyo.
- Gumamit ng inirekomendang moisturizer araw-araw para maiwasan at makontrol ang paglala ng eksema.
- Kung ang iyong sanggol ay nakararanas ng matinding pag-atake ng eksema, maaaring magreseta ang doktor ng banayad na steroid cream.
BASAHIN:
Madaling magka-rashes? 8 irritants na maaaring sanhi ng allergy sa balat
6 paraan para mawala ang pangangati ng balat ng bata
Eczema sa mga bata: 10 bagay na dapat malaman tungkol sa sakit sa balat na ito
Traditional Chinese Medicine (TCM) para sa eksema ng sanggol*
Ayon sa Pacific College of Oriental Medicine,
“Ang dekoksyon ng ilang mga Tsinong damong-gamot tulad ng ku shen (苦参/sophora root), bai xian pi (白鲜皮/ Cortex ng Chinese dittany root), cang zhu (苍术/black atractylodes rhizone), gan cao(甘草/licorice root), at huang bai (黄柏/ phellodenron) ay ginagamit bilang cold compress.
“Ito ay pinapahid nang diretso sa mga apektadong bahagi. Ang natural na lunas na ito ay epektibo sa mga banayad hanggang katamtamang kondisyon.
Ito ay nakatutulong magbigay ng ginhawa laban sa mga sintomas na pangangati at pamamaga.”
Pinatutunayan ng mga pag-aaral na ang TCM ay nakatutulong magbigay ng ginhawa laban sa mga sintomas ng eczema.
Pagdating sa paggamit ng tradisyunal o mga halamang gamot para sa paggamot ng eczema ng sanggol, kumonsulta muna sa kaniyang pediatrician at kunin ang kaniyang payo bago ituloy ang proseso.
2. Seborrhoeic dermatitis
Ang kondisyong ito ay tinatawag ding cradle cap, na sanhi rin ng pagbabalat ng sanggol—kadalasan sa bumbunan, ngunit minsan ding matatagpuan sa bandang leeg, kilay, kili-kili, at singit.
Ayon kay Dr. Koh, ang cradle cap ay nararanasan dahil sa sobrang production ng sebum o oil sa balat, na dahil naman sa mataas na hormone levels ni mommy habang nasa sinapupunan. Kadalasan itong napapansin sa mga unang linggo ng kapanganakan, pero hindi naman dapat ito ikabahala dahil nawawala ito nang kusa.
Subalit, sa ibang mga sanggol, ito ay maaaring isang maagang senyales ng atopic dermatitis o eczema.
Ang cradle cap ay kadalasang lumalabas bilang mga makaliskis at mamula-mulang patse sa mga apektadong bahagi ng balat, partikular sa ulo at kilay ni baby.
Gaya ng nabanggit, walang lunas sa cradle cap dahil nawawala naman ito nang kusa. Pero narito ang ilang paraan na pwedeng subukan para mabawasan ito:
- Hugasan ang ulo obunbunan ni baby isang beses kada araw gamit ang banayad na baby shampoo. Pagkatapos ay suklayin o i-masahe ang bumbunan gamit ang malambot na brush para matulungang matanggal ang mga natuklap na balat.
- Magpahid ng olive oil sa bunbunan ni baby isang oras bago siya paliguan. Makatutulong itong makalas ang mga balat na natuklap.
- Iwasang kamutin o tuklapin ito dahil maari itong magsugat at magdulot ng skin infection.
Huwag gumamit ng mga over-the-counter na drug shampoo o iba pang cream o produkto. Dahil ito ay maaaring magkaroon ng mapanganib na epekto sa kalusugan ni baby. Kung hindi gagana ang mild baby shampoo sa cradle cap ni baby, tanungin muna ang kaniyang pediatrician kung anong produkto ang pwede mong gamitin para rito.
3. Ichthyosis
Image: Stanford Medicine
Ayon sa Healthline, ito ay isang genetic condition na nagdudulot ng pangangati, pangangaliskis, at panananggal ng balat.
Ang doktor ni baby ay maaaring kumuha ng dugo o balat para suriin ang kalagayan ng iyong sanggol, at maaari siyang sumailalim sa isang physical examination base sa medical history niyong pamilya.
Walang gamot sa ichthyosis.
Ngunit paliwanag ni Dr. Brittany Craiglow sa isang Seminars in Perinatology na artikulo, ang pinakamabisang paraan para bigyang lunas ang kondisyong ito sa pamamagitan ng araw-araw na pagpapaligo ay walang iba kundi tubig at/o mga banayad na cleanser.
Maari ring magpahid ng mga bland emollient gaya ng mga produktong yari sa petrolatum.
Gayundin, mas mabuting kumonsulta sa doktor ni baby para malaman kung ano ang pwedeng gawin sa pagbabalat ng sanggol. Maari ka niyang i-refer sa isang pediatric dermatologist upang mabigay ang tamang diagnosis at treatment plan sa balat ni baby.
Mga bagay na dapay gawin kapag nagbabalat si baby
Habang ang pagbabalat ng sanggol ay normal sa mga newborn, ang ibang mga magulang ay maaaring mabahala nang kaunti.
Ito ay dahil ang balat ni baby ay masyadong nanunuyo at nagbibitak-bitak.
Narito ang ilang mga payo na makatutulong para malampasan ni baby ang yugtong ito, at magkaroon ng malambot at makinis na balat matapos ang lahat!
1. Gumamit ng moisturizer
Magpahid ng mild at hypoallergenic na moisturizer sa balat ni baby dalawang beses sa isang araw, lalo na pagkatapos siyang paliguan, para mapanatiling moist ang kaniyang balat.
Kumonsulta sa doktor kung anong pinakamaiging tatak ang dapat gamitin. Habang pinapahid ang cream o lotion, dahan-dahang imasahe ang balat ni baby para tulungang lumambot ang tuyong balat.
2. Panatilihing hydrated si baby
Pasusuhin siya tuwing kailangan o ayon sa iyong iskedyul. Ito ay makatutulong upang mapanatili siyang hydrated na siyang makaiiwas sa panunuyo ng balat.
TANDAAN: Huwag painumin ng tubig si baby maliban kung siya ay nasa ika-anim na buwan. Ito ay dahil ito ay mapanganib sa kanyang kalusugan. Basahin ang artikulong ito para malaman kung ang dahilan.
3. Panatiliin ang maiiksing pagpapaligo
Habang ang araw-araw na paliligo ay nakatutulong labanan ang pagbabalat ng sanggol, alalahanin na panatiliing maiksi ang oras ng pagpapaligo.
Ang paglublob sa tubig nang matagal ay maaaring magtanggal sa mga natural oil sa balat ni baby at makapagpalala sa panunuyo nito. Sakto lang ang pagpapaligo nang 5-10 minuto.
Gumamit din ng maligamgam imbis na mainit na tubig. Maaari ring gumamit ng mga cleanser na walang bahid ng sabon at pabango, at malambot na wash cloth.
Huwag kuskusin ang balat ni baby ng wash cloth; sa halip, dahan-dahang linisin ang kanyang balat nang paikot na paggalaw.
Tandaan na ang regular soap at mga body wash ay maaaring masyadong matindi para sa maselan na balat ni baby.
4. Iwasan ang harmful chemicals
Ang mga chemicals o sangkap sa mababangong skincare na produkto o mga sabong panlaba ay maaaring makairita sa maselang balat ni baby.
Dahil rito, magpapatagal at magpapalala sa kaniyang panunuyo at pagbabalat. Gumamit lang ng mga skincare products na angkop sa mga bata at walang harsh chemicals. Siguruhin rin na ito ay fragrance-free at hindi lang unscented. Maghanap ng mga panlabang sadyang gawa para sa maselang balat ni baby.
5. Suotan ng preskong damit si baby
Dahil nakatira tayo sa tropical country, asahan na pwedeng mamula ang balat ni baby dahil sa init. Gayundin, nakakatuwang bihisan si baby ng mga cute na damit, pero isaalang-alang rin kung anong tela ang ginagamit rito dahil baka lalong mairita ang skin niya.
Kaya mas makakabuti kung susuotan mo siya ng mga preskong damit yari sa cotton para makahinga ng maayos ang kaniyang balat.
6. Gumamit ng humidifier
Kung naka-aircon ang kwarto ni baby, matutuyo nito ang hangin sa loob, na maaaring makapagpalala sa pagbabalat ng sanggol at ni baby.
Puwede rin nitong palalain ang mga kondisyon tulad ng eczma. Subukang gumamit ng humidifier pandagdag ng moisture sa hangin, para paigihin ang kondisyon ng balat ni baby.
Kailan dapat kumonsulta sa doktor
Natural lang ang pagbabalat ng sanggol lalo na sa mga unang linggo. Kadalasan ay kusa naman itong naaayos sa pamamagitan ng pagligo at pagmo-moisturize.
Subalit kung napapansin mo na ang pagbabalat ng skin ni baby ay sinasamahan ng mga sumusunod na sintomas, pwede mo siyang dalhin sa kaniyang doktor:
- matinding pamumula ng balat
- pag-crack ng skin at may pagdurugo
- balisa si baby dahil sa pangangati
- namamaga ang balat
Kung mayroong lagnat si baby, dalhin agad siya sa ospital para makakuha ng agarang medikal na atensyon.
Kapag napansin na hindi nagbabago ang balat niya at tumatagal na ang pagbabalat ng humigit-kumulang isang buwan, o lumala ito, maiging kumonsulta agad sa kaniyang pediatrician.
Translated with permission from theAsianparent Singapore
Source:
Healthline, Mayo Clinic, WebMD
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!