Baby ultrasound ng isang buntis nagpakita ng nakakakilabot ngunit cute na larawan ng kaniyang sanggol.
Kakaibang baby ultrasound
Magkahalong excitement at kilabot ang naramdaman ng isang 17-anyos na buntis na si Iyanna Carrington at ng kaniyang mister ng sila ay magpunta sa doktor at tingnan ang kaniyang baby ultrasound. Dahil imbis na malaman lang ang kasarian ng kaniyang baby ay na-tiyempuhang napatingin ito sa ultrasound scan at naka-dilat pa.
Mukha mang kakaiba, siniguro naman ng doktor at technician na nagsagawa ng ultrasound na normal itong nangyayari sa mga baby ultrasound scan.
Ibinahagi ni Iyanna ang larawan ng kaniyang baby ultrasound sa Facebook na kung saan shinare na ito ng higit sa 16,000 times.
Sa kaniyang post ay ito ang nasabi niya:
“She was looking normal then we found out she was a girl they put it back on her face then her a– opened her eyes and smiled. I love this devil baby so much already.”
Ano ang ultrasound at bakit ito isinasagawa
Ang fetal ultrasound na kilala rin sa tawag na sonogram ay isang test na ginagawa sa mga buntis. Ito ay para makita ang itsura at posisyon ng fetus sa loob ng sinapupunan.
Sa ultrasound ay makikita ang iba’t-ibang parte ng katawan ni baby tulad ng kaniyang ulo, puso, spine, kamay at paa. Nalalaman rin sa ultrasound kung ano ang kasarian ni baby. Mahalagang isinasagawa ang ultrasound upang matingan ang health at development ni baby sa loob ng tiyan ng kaniyang ina.
Madalas ang ultrasound ay isinasagawa sa second trimester o sa 16 to 20weeks ng pagbubuntis. Bagamat may mga pagkakataon rin na puwede itong gawin ng mas maaga o bago ang ika-14week ng pagbubuntis.
Ang ilan pa sa dahilan kung bakit isinasagawa ang ultrasound ay ang sumusunod:
- Para makumpirma na ang isang babae ay buntis.
- Para ma-check ang age at growth ng isang baby sa tiyan at matukoy ang birth due date nito.
- Matingnan kung normal ba ang heartbeat ni baby, muscle tone, movement at overall development.
- Upang matukoy kung ang isang babae ay buntis sa twins, triplets o higit pa.
- Para ma-screen ang mga birth defects tulad ng spina bifina at heart defects.
- Upang ma-examine ang ovaries at uterus ng isang babae.
- Para matukoy kung nakakaranas ba ng komplikasyon ang isang pagbubuntis tulad ng ectopic pregnancy, molar pregnancy o miscarriage.
Mga uri ng ultrasound
Ang ultrasound ay isinasagawa sa pamamagitan ng dalawang paraan. Ito ay maaring transabdominal o transvaginal.
Sa transabdominal ultrasound ay isinasagawa ang scan sa pamamagitan ng paglalagay ng gel sa tiyan ng buntis saka dito igagalaw ang transducer na kumukuha ng imahe ng sanggol sa loob ng tiyan sa pamamagitan ng soundwaves.
Habang sa transvaginal ultrasound naman ay ipinapasok ang manipis na transducer sa loob ng vagina upang makunan ng larawan ang sanggol sa loob ng tiyan.
Sa ngayon ay may mga special ultrasound scan ang isinasagawa para mas makita ang development ng isang baby. Tulad nalang ng Doppler ultrasound na nagpapakita ng blood flow sa katawan ni baby. May mga 3-D ultrasound rin na nagpapakita naman ng malinaw na imahe ng baby sa tiyan. At ang pinakabago ay ang 4-D ultrasound na nagpapakita naman ng movements ni baby sa isang video.
Ang mga dapat mong asahan sa baby ultrasound scan
Bagamat ang mga ultrasound scan ay isinasagawa upang makita ang imahe ni baby sa loob ng tiyan, dapat asahan ng mga magulang na ang larawan na makikita nila sa scan ay hindi kasing linaw o cute ng inaakala nila. Kaya naman ang pagkakaroon ng strange o creepy looking ultrasound ay hindi na kakaiba lalo na’t isinasagawa ang scan ng hindi pa fully-developed si baby.
Ito ang mga dahilan kung bakit ang mga ultrasound scan ay hindi kasing cute tulad ng iyong inaasahan:
1. Kinukuhanan ang ultrasound scan sa pamamagitan ng soundwaves.
Ang ultrasound scan ay kinukunan sa pamamagitan lang ng soundwaves. Hindi ito tulad ng mga high-definition camera na maari mong itutok sa iyong baby sa loob ng tiyan para makakuha ng malinaw na imahe o larawan. Dahil sa limitado lang ang makukuhanan ng scan sa loob ng tiyan asahan na ang hindi malinaw at minsan ay kakaibang larawan bilang resulta.
2. Nagdedevelop pa ang balat sa mukha ni baby.
Huwag naring magtaka kung minsan ay tila parang burado pa o kakaiba ang mukha ni baby sa ultrasound scan. Ito ay dahil nasa stage palang siya ng development na kung saan kulang pa ang tissue na nasa kaniyang mukha.
3. Maaring nakaharap o nakasiksik si baby sa uterine wall ng kaniyang ina.
May mga pagkakataon naman na ang ibang baby ay nakasiksik o nakaharap sa uterine wall ng kaniyang ina. Sa ganitong posisyon ay hindi makikita ng maayos sa scan ang mukha ni baby ngunit ito ay normal lang.
4. Natatakpan ng ibang parte ng katawan ang mukha ni baby.
Dahil si baby ay gumagalaw sa loob ng tiyan, normal lang din na matakpan ng kaniyang kamay o ibang parte ng katawan ang mukha niya.
5. Masyadong malaki ang soft spot sa ulo ni baby.
Sa pagdaan ng pagbubuntis ay unti-unting sumasara ang soft spot sa ulo ni baby. Kaya huwag ng magtaka na kung minsan sa ultrasound scan ay makikitang may butas sa ulo si baby hanggang sa ilong niya. Ito naman ay unti-unting nagsasara at mabubuo kapag siya ay naipanganak na.
Para mas maliwanagan tungkol sa itsura o posisyon ni baby sa loob ng tiyan ay mabuting makipag-usap sa iyong doktor. Sila ang mas makakapagbigay ng paliwanag sa current development ng iyong baby at makakasagot rin sa iyong mga katanungan.
Sources: Standford Childrens, March of Dimes, What To Expect, Fox News
Basahin: Ang mga mahahalagang ultrasound na kailangan kapag nagbubuntis