Totoo nga bang pwedeng magka-bad breath kahit baby pa lang?
Ayon sa mga doktor, hindi ito karaniwan, nangyayari pa rin. Hindi lang ito simpleng “morning breath” o mabahong hininga dahil sa pagtulog ng matagal.
May mga pagkakataon na may namamahay nang bacteria sa bibig ng bata lalo’t nakakatulog ng dumedede ng gatas. Mas mabuti nang malunasan ang mabahong hininga ng bata, bago pa ito lumala at maging sanhi ng mas delikadong sakit.
Nagtanong ako sa mga dentista, at ito ang kanilang paliwanag.
Ano nga ba ang sanhi nito? Kahit pa malusog ang bata (o matanda), maaaring magkaroon ng halitosis.
Bacteria ang dahilan ng mabahong hininga. Maraming maaaring maging sanhi ng pagkakaron ng bacteria sa bibig, tulad ng:
Tuyong bibig
Minsan may sipon o barado ang ilong ng sanggol o toddler, kaya sa bibig ito humihinga, kaya’t ang bacteria sa bibig ay namumuo at dumadami.
Ang laway kasi ay natural na antibacterial kaya’t ito ang pumapatay sa oral bacteria. Kung walang laway, natutuyo ang bibig, nabubuhay ang bacteria.
Mga “foreign object”, o bagay na nanatili sa bibig
Baka may mga natirang pagkain sa bibig, o maliit na laruan o bagay na hindi napansin, at hindi rin nalulon.
Pamamahayan ito ng bacteria, lalo’t ang hilig magsubo ng kung anu-ano ang mga maliliit na bata. Kung mahilig namang magsubo ng pacifier o mga comfort toy ang bata, maaring ito ang sanhi.
Kung mahilig magsubo ng pacifier o mga comfort toy ang bata, maaring ito ang sanhi ng bad breath.
Poor hygiene, kaya pinamamahayan ng bacteria ang bibig
Sumisiksik ito sa ngipin, gums, dila, at maski sa tonsils, kaya bumabaho ang hininga.
Cavities o pamumuo ng tartar, o kaya ay dental abscess o nana
Hindi lang nasisira ang ngipin, bumabaho pa ang hininga.
Pagkaing may mabahong amoy
Kung mahilig kumain ng mga pagkaing malakas ang amoy tulad ng pagkaing may luya, sibuyas o bawang, maaaring makaapekto sa amoy ng hininga.
Sakit o kondisyon
Minsan kapag may sinus infection, tonsillitis, gastroesophageal reflux disease o mga allergies, nagiging sanhi din ng bad breath.
Paano ba ito malulunasan? Narito ang 5 pangunahing lunas sa mabahong hininga ng bata:
Kapag “morning breath”, banlawan o punasan ang bibig o pamumugin ang bata pagkatapos kumain, bago matulog. Kung may ngipin na, pwedeng gamitan na ng malambot o pambatang toothbrush. Kapag hindi pa rin nawala, maaaring may ibang sanhi. Linisin din ang dila pagkatapos kumain o dumedede.
- Kung kaya nang magsipilyo ng bata, turuan itong magsipilyo ng 2 hanggang 3 beses sa isang araw (kapag labis dito, maaaring masira ang gums), lalo kapag bago matulog.
- Pamumugin agad pagkagising. Bago mag 2 taong gulang, isang tuldok ng toothpaste lang ang gamitin. Pagkalagpas ng 2 taon, kasinglaki ng pea ay pwede na. Pagdating ng 5 taon, pwede na ang kasinglaki ng isang maliit na bean.
- Hugasan at linisin (sterilize pa) palagi ang mga laruan at pacifier ni baby, lalo kung alam nang sinusubo niya ito madalas.
- Kung hinihinalang impeksiyon ang sanhi, dalhin agad sa doktor para matingnan at malunasan.
- Huwag hayaang dumdede sa bote ng gatas ang bata kung wala na itong laman. Kung kailangan niyang dumedede para makatulog, bigyan ng tubig sa bote.
- Isang mabisang panlaban sa bad breath ay madalas na pag-inom ng tubig. Kung may gastroesophageal reflux (acid bad breath reflux) ang bata, kumunsulta agad sa doktor para malaman kung ano ang mabisang lunas dito.
Iwasan ang pagpapakain ng matatamis na pagkain lalo ang tsokolate at candy. Ang pagkain ng matatamis o maraming asukal ay nakakasira ng ngipin at nakakapagpabaho din ng hininga, dahil nga sa sirang ngipin o gilagid.
Dalhin ang mga bata sa regular na dental check-ups mula 2 taong gulang. Kung may napapansin nang mabahong hininga at hindi ito nawawala, dalhin sa pediatrician para matingnan kung may mas malalang kondisyon ang bata.
Dalhin ang mga bata sa regular na dental check-ups mula 2 taong gulang.
Huwag gagamit ng mouthwash. Hindi ito nakakagamot, kundi tinatago lang niya pansamantala ang bad breath lalo kapag bata. May mga matapang na ingredient din ito na hindi bagay sa mga bata. Pagsisipilyo at pagmumumog ang pangunahing solusyon.
Higit sa lahat, huwag hiyain ang bata tungkol dito. Nakaka-apekto sa kaniyang self-confidence ang pagtatawa o pangungutya, o ang paulit-ulit na pagkukuwento ng kaniyang kondisyon sa ibang tao, lalo kung nakakaintindi na ito.
sources: www.dentalcare.com, Joel Vergel de Dios, DMD, Erwin Martin Cabusas, DMD
BASAHIN: Baby hiccups: Ano ang solusyon?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!