Nanay, ibinahagi kung bakit bawal halikan ang baby

Alamin ang kuwento ng nanay na si Katie Taylor at kanyang anak na si Lily Taylor, at ang kanyang rason kung bakit bawal halikan ang baby.

Ayon sa British Skin Foundation, nasa two thirds ng tao sa mundo ang mayroong herpes simplex virus, HSV-1. Ito ay nagdudulot ng mga cold sores at naipapasa sa pagdikit ng balat. Hindi nito nababagabag ang karamihan ngunit may ilan na nahihirapan dahil sa cold sores sa labi at mata. Ang mga outbreaks ay natitigil matapos ang nasa 10 araw at may mga gamot na makakapagpabilis sa pagpapagaling. Subalit, para sa mga sanggol, maaari nila itong ikamatay. Ito ang rason kung bakit bawal halikan ang baby.

Bakit bawal halikan ang baby?

Isang nanay mula sa Sunderland sa UK ang nagbahagi ng istorya ng kanyang anak na nahawaan ng neonatal herpes. Kanyang hinihimok ang mga magulang na protektahan ang kanilang mga anak mula sa sakit na ito. Ipinapaalam niya sa mga tao na ang mga sanggol ay maaaring mamatay sa herpes virus dahil hindi pa malakas ang kanilang immune system.

Si Lily Taylor nuon ay 10 buwang gulang pa lamang nang dumalo sila ng kanyang pamilya sa isang pagtitipon kasama ang mga kamag-anak. Nang makauwi na, ang kanyang nanay na si Katie ay may napansin na pulang tuldok sa baba ng bata. Naisip ng nanay na baka dahil ito sa pagngi-ngipin ng bata ngunit pinasuri parin niya para makasigurado. Ang naging payo sakanya ng duktor ay ang bantayan ang nakitang tuldok.

Kinabukasan ay nakakatakot na ang itsura nito kaya muli silang bumalik sa duktor. Siya ay niresetahan ng soothing gel para sa gilagid. Ayon sa duktor, isa lamang itong viral infection habang ang akala ni Katie ay hand, foot and mouth disease.

Sa ikatlong araw, laking gulat ni Katie nang makitang dumami na ang mga pulang tuldok. Ngayon, kumalat na ito at makikita na sa paligid at loob ng bibig ng bata. Kanyang sinugod ang anak sa ospital kung saan nalaman nila na ang anak ay may neonatal herpes.

Isang buwan inabot ang pagpapagaling sa mga cold sores. Sa mga araw na ito, ang naramdaman ni Katie ay napabayaan niya ang kanyang anak. Hirap na hirap ang bata na kumain dahil sa sakit na nararamdaman. Kinailangan niya pa ng syringe para lamang maka-inom ng tubig.

Sa ngayon ay ligtas na ang bata na ngayon ay isang taong gulang na. Subalit, sa labi ng buhay niya, madali na siyang magkakaroon ng cold sores.

Neonatal herpes

Ang neonatal herpes ay nangyayari kapag nakuha ng isang sanggol ang virus na HSV-1. Delikado ito sa mga sanggol dahil hindi pa kayang labanan ng kanilang immune system ang virus na ito habang ang mga mas matatanda ay sapat na ang lakas. Naaapektuhan nito ang nasa 1.65 na baby kada 100,000 na ipinapanganak sa UK habang 33 mula sa 100,000 naman sa US.

Kapag ang virus ay kumalat sa mga organs ng sanggol, maaari niya itong ikamatay. Sa totoo, tinatayang nasa isa kada tatlong nagkakaroon nito na kumalat sa organs ang namamatay kahit pa nagamot na nang tuluyan.

Nalalagay din sa panganib ang buhay ng bata kapag ang nanay nila ay kapitan ng virus na ito sa unang pagkakataon sa unang anim na buwan ng pagbubuntis sa kanila. Naipapasa nila ang impeksiyon sa bata sa pamamagitan ng vaginal delivery na panganganak.

Maaari rin mahawa ang mga bata kung sila ay halikan ng sino man na may HSV-1. Isang paraan din na nakukuha ito ng mga bata ay ang pagsuso sa ina na may herpes sores sa kanyang suso. Nangyayari ito kung kanyang hawakan ang cold sores bago hawakan ang kanyang suso.

Pinaka nakakahawa ang mga cold sores kapag pumutok na. Ngunit nananatili itong nakakahawa kahit tuluyan nang napagaling.

Mga sintomas ng neonatal herpes

Maaaring may neonatal herpes ang bata kung siya ay:

  • Matamlay o iritable
  • Ayaw kumain
  • Nilalagnat
  • May rashes o sores sa balat, mata o loob ng bibig

Kung matagpuan ang bata nang walang malay, ayaw gumising, hirap huminga, o may asul na dila o balat, dalhin siya sa emergency room.

Kung si Lily ay mas bata pa, maaari niyang ikamatay ang nakuhang neonatal herpes. Ayon sa kanyang ina, mahirap nang malaman ang pinagmulan ng virus kaya sobrang maingat na siya ngayon. Ayaw niya na muling makitang nahihirapan nang ganoon ang kanyang anak. Ito ang rason kung bakit niya hinihikayat na huwag pahalikan ang mga baby.

 

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Source: DailyMail

Basahin: Ina, nagpaalala sa ibang magulang matapos mahawa ng herpes simplex virus ang anak