Herpes simplex virus ang naging diagnosis ng mga doktor ng bilang magkaroon ng mga rashes sa mukha ang isang 3-anyos na bata. Naging kapansin-pansin rin ang labis na pananamlay ng katawan nito. Nang dalhin sa doktor, nanlumo ang ina ng bata ng malaman niya ang sakit ng anak na maari daw nitong ikabulag kung hindi agad nalunasan.
Batang nahawa sa herpes simplex virus
Para daw pinagsakluban ng langit at lupa si Hayley Etheridge, 24-anyos at mula sa Greater Machester ng malaman niyang nahawa sa herpes simplex virus ang kaniyang panganay na anak na si Baylie-Grey.
Sa edad na 3-anyos ay sinabi ng mga doktor, na labis na delikado para kay Baylie ang sakit na maari niyang ikabulag kung aabot ang virus sa kaniyang mga mata.
Hindi pa alam ni Hayley kung kanino nakuha ng anak ang virus. Ngunit, hindi niya inakala na maipapasa ito sa pamamagitan ng halik. Dahil, akala niya noong una ay nakukuha lang ang herpes simplex virus sa pakikipagtalik.
Ngunit isa lang daw ang alam niya, dapat niyang ibahagi ang karanasan para maiwasan ng ibang magulang na matulad ang anak nila sa nangyari sa anak niya.
“When doctors told me it was herpes I was shocked. People assume it’s always sexually transmitted but it’s not.”
“I remember sitting and crying talking to the doctors, asking them my questions and getting answers no mother wants to hear”, pagkukwento ni Hayley ng malamang may herpes simplex virus ang anak.
“They told me that if the virus spread to his eyes that Baylie could go blind – I was absolutely terrified.”
“I had no idea that a simple cold sore virus could be so dangerous to a child”, dagdag pa ni Hayley.
Natakot daw si Hayley noong sinabi ng doktor na maaring ikabulag ng anak kung aabot sa mata nito ang virus. Pero ang mas nakakatakot na parte daw ay ng malaman ng mga doktor na siya ay nagdadalang-tao.
Epekto ng herpes sa mga buntis
Dahil ayon sa mga ito, kung siya ay mahawa sa virus ay malaki ang posibilidad na maipasa niya ito sa kaniyang dinadalang sanggol na nasa 35weeks na noon. Ito ay tinatawag na neonal herpes simplex virus o HSV na nakakamatay.
“Doctors told me that if I passed it on to my newborn baby it could cause blindness, brain damage or he could even be stillborn.”
“I was sat there thinking I have one child in a really serious situation and now I am being told my other baby could die. I have never been so scared in my life”, pag-aalala ni Hayley.
Kay naman mahigpit na binantayan ng mga doktor ang pagbubuntis ni Hayley pati narin ang kalagayan ng kaniyang anak na si Baylie-Grey.
At dahil dito ay nakarecover si Baylie-Grey sa virus at naipanganak ng maayos ni Hayley ang pangalawa niyang anak na si Vito noong 2017.
Sa ngayon ay hindi daw nagpapakita ng kahit anumang palantandaan si Vito na nahawa siya sa sakit. Habang si Bailey-Grey, ay nararanasang muli ang mga cold sores na dulot ng virus kung minsan. Dahil ayon sa mga doktor, ang herpes simplex virus ay hindi na umaalis sa katawan ng tao sa oras na mahawaan nito. Magiging dormant lang ito kapag nabigyan ng medikasyon ngunit maaring bumalik at maging active kapag na-trigger ng iba’t-ibang factors.
Ano ang herpes simplex virus?
Ang herpes ay isang impeksyon na dulot ng HSV o herpes simplex virus. Ito ay maaring makaapekto sa external genitalia, anal region at sa balat sa iba pang parte ng katawan ng isang tao. Isa itong long-term condition na madalas ay walang nakikitang sintomas.
May dalawang uri ng herpes na tumutukoy rin sa kung papaano nakuha ng taong infected ang virus na ito. Ang dalawang uri ng herpes ay HSV-1, o type 1 herpes at HSV-2, o type 2 herpes.
Ang HSV-1, or type 1 herpes ay ang uri ng herpes na nagdudulot ng mga sores o sugat sa paligid ng bibig at labi na maari ring magdulot ng genital herpes. Ito ay napapasa o nakukuha sa pamamagitan ng paghalik o paggamit ng baso o kahit anong bagay na ginagamit sa bibig ng taong infected nito.
Sa ngayon ang type 1 herpes ay itinuturong sanhi ng halos lahat na kaso ng genital herpes na naikalat sa pamamagitan ng oral sex.
Samantalang ang HSV-2, o type 2 herpes ay ang uri ng herpes na nakakapekto naman sa genital area o maselang bahagi ng katawan ng isang tao na maari ring kumalat hanggang sa hita at puwit. Ito ay napapasa o nakukuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik o sexual contact at sa pamamagitan rin ng pagbibigay silang sa isang sanggol through vaginal delivery.
Sintomas ng herpes
Ang isang tao ay maaring maging infected ng herpes na walang pinapakitang sintomas. Ngunit madalas ang ilan sa mga palatandaan o sintomas ng herpes ay ang sumusunod:
- Mahapdi at nagsusugat na paltos o singaw sa bibig o sa genitals
- Pananakit o hapdi sa pag-ihi
- Pangangati o itching sa genital area o bibig
- Makapal na vaginal discharge sa mga babae na may mabaho at masangsang na amoy
Maari ding makaranas ng flu-like symptoms ang isang taong may herpes gaya ng:
- Lagnat
- Namamagang kulani
- Sakit sa ulo
- Pagkapagod
- Kawalan ng ganang kumain
Mula sa mga nasabing mga sintomas ay maari ng matukoy kung ang isang tao ay apektado ng herpes virus. Ngunit, kung walang nakikitang palatandaan o sintomas ito ay maaring ma-diagnose sa pamamagitan ng mga laboratory tests gaya ng DNA, PCR (Polymerase chain reaction) blood test, antibody test at virus cultures.
Para sa mga babaeng nagdadalang-tao napakaimportanteng dumaan sa mga test na ito upang matukoy kung positibo sila sa herpes o hindi. Dahil ang sakit na ito ay maaring mailipat sa kanilang sanggol sa pamamagitan ng panganganak o vaginal delivery lalo na sa mga kaso ng may genital herpes.
Ang mga katawan ng mga bagong silang na sanggol ay mahina pa kaya naman hindi nila kakayanin ang virus na dala ng herpes na maaring magdulot ng banta sa kanilang kasulusan at sa kanilang buhay.
Lunas o gamot sa herpes
Sa ngayon ay wala pang gamot sa herpes. Kapag ang isang tao ay nagkaroon nito, mananatili na ito sa kaniyang katawan na pwedeng maging inactive. Ito ay maaring maging active at magdulot ng outbreak dahil sa mga sumusunod na kondisyon:
- Pagkakaroon ng sakit
- Fatigue o labis na pagkapagod
- Immunosuppression dahil sa AIDS o iba pang medications gaya ng chemotherapy at paggamit ng steroids
- Physical o emotional stress
- Trauma sa affected area na maaring dulot ng sexual activity
- Menstruation
Bagamat wala pang gamot dito ay may mga paraan o treatment naman para maibsan ang mga sintomas ng herpes.
Ang mga gamot na may taglay na contents ng Famvir, Zovirax, and Valtrex ay inireresta ng doktor upang maibsan ang sakit at mapabilis ang paggaling ng mga sintomas ng herpes. Ito ay maaring inumin sa pamamagitan ng isang pill o ipahid sa pamamagitan ng cream. Makakatulong rin ang warm baths o paliligo sa maligamgam na tubig upang maibsan ang sakit sa genital area. Iwasan ding magsuot ng masisikip na damit sa paligid ng affected area. At huminto na muna sa pakikipagtalik hanggang sa mawala ang mga sintomas ng herpes.
Paano makakaiwas sa herpes
Para makaiwas naman sa pagkakahawa sa virus ay dapat gawin ang sumusunod:
- Kilalaning lubos ang sex partner
- Huwag basta pahahalikan ang mga bata sa kung kani-kanino
- Huwag makikigamit ng mga kubyertos o ibang gamit sa bibig ng ibang tao
- Ugaliing maghugas ng kamay
- Ang mga bababeng nagdadalang-tao na infected ng virus ay dapat sumailalim sa medication habang buntis upang hindi mahawaan ang sanggol na dinadala nito.
Source:
Healthline, DailyMail UK, WebMD
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!