Malaki na si baby pero bakit hindi pa siya nagsasalita? Dapat ko bang ikabahala ito?
Mababasa sa artikulong ito:
- Bakit hindi pa nagsasalita si baby? Timeline ng speech development nila
- Kailan masasabing may speech delay si baby?
- Totoo bang mas maaga nakakapagsalita ang mga babae?
Isa sa mga inaabangan ng mga magulang kapag lumalaki na ang kanilang baby ay kung kailan magsasalita ito. Lalo na sa first time moms, ang unang salita na kanilang maririnig mula sa kanilang sanggol ay hindi mapapantayan ng kahit anuman. Talagang tatalbog ang puso mo kapag bigla na lang nagsalita si baby ng ‘mama’ o ‘papa’.
Ang paglaki at development ng mga bata ay iba-iba. Mayroong mga bata na nauunang maglakad o magsalita habang ang iba naman ay nahuhuli. Ito rin ang sabi ni Dr. Michiko Caruncho, isang developmental pediatrician mula sa Makati Medical Center.
“Ang child development is not really a specific age or specific month. Range talaga, may mga batang slow, may mga batang fast. Kunyari sa sitting, may mga mabagal may mga mabibilis.”
Pagdating sa developmental milestones, isa sa mga concern ng mga magulang ay kung bakit hindi pa nagsasalita si baby kahit malaki na sila.
Bakit hindi pa nagsasalita si baby? Timeline ng speech development nila
Subalit kailan mo nga ba dapat asahan ang pagsasalita ni baby? Kailan ba ito nagsisimula?
Ayon kay Dr. Caruncho, magkakaiba rin ang development ng mga sanggol pagdating sa pagsasalita. At hindi biglaan ang prosesong ito. Marami pang pagdaraanan bago mo marinig ang first word ng iyong anak.
“Kahit before 1 year old pa lang, your baby is trying to communicate with you. Bago pa magsalita, they are communicating to you, staring, gestures, facial expression.
Babbling is an important milestone. Finally, by 1 year old doon mo maririnig ‘yong first word ni baby. Again it is a range.” aniya.
Unang lumalabas na salita ni baby ay mga tunog o maliit na hindi maintindihang salita. Dito unang nag-uumpisa na masanay ang kanilang dila o bibig sa pagsasalita.
Narito ang timeline ng pagsasalita ng sanggol ayon sa kaniyang edad na pwede mong sundan:
-
3 buwan
Pagsapit ng ikatlong buwan ni baby, dito na siya nakikinig sa mga tunog sa paligid katulad ng boses mo, mga tunog ng hayop o busina ng sasakyan.
Mahalaga rin ang pagkausap sa iyong baby kahit na hindi ka niya naiintindihan. Magsisimula niya na ring titigan ang iyong mukha habang nakikinig sa mga sinasabi mo.
Tandaan, ang kanilang speech development ay natututunan sa pakikinig. Pagkatapos ng tatlong buwan, asahan mo na ang pagtugon nila sa mga tunog na maririnig nila.
-
6 na buwan
Sa stage naman na ito, makikita mo na ang malaking development sa unang pagsasalita ni baby. Dito na siya nagsasalita ng kung ano-anong mga hindi maintindihan na salita.
Kumbaga, tila nilalaro niya ang kaniyang dila. Isa pang nakakasabik na makita ay ang pagkilala nila sa kanilang sariling pangalan. Pagsapit ng ika-7 buwan, maaaring lumingon na si baby kapag tinawag mo siya sa kaniyang pangalan.
BASAHIN:
-
9 na buwan
Pagsapit ng 9 months ni baby, naiintindihan na niya ang mga simpleng salita katulad ng “Hindi/No” o kaya naman “Ba-bye”. Naiuugnay na rin niya ang pangalan ng isang tao o bagay sa hitsura nito.
Kaya alam na niya kung sino si Mommy o kung ano ang ibig-sabihin ng “dede.” Kausapin lang nang kausapin si baby para mabilis nitong matutunan ang mga salita.
-
12-18 buwan
Ito na nga ang pinaka-inaabangan ng ating mga moms and dads. Sa edad na ito, maaaring masambit na niya ang “mama” o “papa.”
Kaya na rin niyang sumambit ng 1 hanggang 2 salita. Nakakaintindi na rin sila ng basic request katulad na lamang kapag pinapunta mo sila sa iyo.
-
18 buwan
Dito mo na makikita ang malaking development ng anak mo sa pagsasalita. Nasasabi na niya hanggang 5 salita. Alam na rin nila na ituro ang isang bagay, tao o kaya naman bahagi ng katawan.
-
2-taong gulang
Pagsapit ng dalawang taon ni baby, dito na sila nakagawa ng isang sentence na may dalawa hanggang tatlong salita. Kulang man ito ngunit maiintindihan mo na ang kanilang gustong sabihin. Halimbawa nito ay “Mama, tubig.” o “Papa, laro.”
-
3-taong gulang
Sa stage na ito, makikita mo na ang development ni baby sa pagsasalita. Kaya na nilang bumuo ng mga pangungusap at nakakaisip na agad sila ng salita o naiintindihan ang mga salitang sinasabi mo.
Isa pang bagay ang nakaka-excite ay kaya na nilang magsalita at magkwento! Umaabot ito ng mahabang mga pangungusap hanggang 300 words.
Baby girls, mas mabilis nga bang makapagsalita?
Paniniwala ng marami, mas mabilis na nakakapagsalita ang mga batang babae kaysa sa mga batang lalaki. Mayroon nga bang katotohanan ito?
Pahayag ni Dr. Caruncho,
“A little bit true to it. Ang girls kasi more socially inclined talaga. Again very very small lang ang difference. Nandoon sa faster range si girl kaysa sa boy. May mga girls din naman na little slower kaysa sa boys.”
Kailan masasabing may speech delay si baby?
Bagama’t sinasabi na bawat bata ay may iba’t ibang rate ng development, sa oras na hindi mapansin ang mga nabanggit na pagbabago sa kaniyang pagsasalita sa mga buwang nabanggit ay mainam na magtanong o dalhin na siya sa kaniyang doktor.
Ito ay para malaman kung siya ba ay may speech delay na palatandaan na may nararanasan siyang sakit o kondisyon na dapat maagapan.
Kailan ka nga ba dapat mabahala kapag hindi pa nagsasalita si baby? Pahayag ni Dr. Caruncho,
“Of course, it depends on the age. Children develop sentences around three years old. Short phrases around 2 years old.
‘Pag hindi pa nakaka form, sa ganyan age, you can be concerned na hindi nila narereach ang milestone para sa language.”
Base sa artikulong nailathala sa Healthline, ang speech delay ay tumutukoy sa pagkakaroon ng isang bata ng problema sa pagbuo ng tamang tunog ng mga salita.
Kaiba ito sa language delay na tumutukoy naman sa hirap ng isang bata na makaintindi o magpakita ng nonverbal communication skills.
Ang mga palatandaan na may speech delay ang isang bata ay ang sumusunod:
- Hindi niya paggawa ng mga tunog mula sa kaniyang bunganga sa edad na dalawang buwan.
- Kapag hindi nakakapagsabi ng mga simpleng salita tulad ng mama, papa at dada sa kaniyang ika-18 buwan.
- Hindi siya gumagamit ng at least 25 words kahit siya ay 2-taong gulang na.
- Siya ay 3 taong gulang na ngunit siya ay hindi pa nakakapagsalita ng at least 200 words. Sa edad na ito ay dapat marunong na rin siyang hingin ang isang bagay base sa tawag o pangalan nito. Dapat naiintindihan mo na rin siya sa tuwing magsasalita. Kung hindi niya ipinapakita ang mga nabanggit sa edad na ito, may posibilidad na siya ay may speech delay.
- Kahit anong edad pa niya, ang bigla niyang pagkalimot o hindi pagsasalita ng mga salitang minsan niya ng nasabi ay palatandaan rin ng speech delay.
Kung ang iyong anak ay nagpapakita ng mga nabanggit na palatandaan ng speech delay. Mabuting kumonsulta na agad sa isang doktor para mapatingnan siya.
Dahil ang speech delay ay isa sa ipinapakitang sintomas ng mga sumusunod na kondisyon o sakit na mainam na ma-detect o ma-solusyonan habang siya ay bata pa.
Mga dahilan kung bakit nakakaranas ng speech delay ang isang bata?
May problema o issue sa kaniyang bunganga, dila o ngala-ngala.
Ang halimbawa nito ay ang kondisyon na kung tawagin ay angkyloglossia o tounge-tie na kung saan ang isang bata ay hirap magbanggit ng mga salita.
Tulad na lang ng mga salitang may letrang d, l, r, s, t, z at th. Sa kondisyon na ito ay maaring mahirapan din ang isang bata na mag-breastfeed o sumuso.
Speech and language disorders.
Ang bata na may speech and language disorders ay palatandaan na siya ay may learning disability. Halimbawa nito ay ang kondisyon na tinatawag na childhood apraxia of speech.
Ito ay isang physical disorder na kung saan nahihirapan ang isang bata na bumuo ng tunog na nasa tamang sequence para makabuo naman ng salita.
Hearing loss.
Hindi ba sumasagot o tumitingin sa’yo si baby kapag kinakausap mo siya? Maaaring hindi ka niya naririnig ng maayos.
Kapag ang isang bata ay may problema sa pandinig, maaaring maging mahirap rin ang pagsasalita o paggawa ng tunog. Isang senyales ng hearing loss ay ang hindi pag-acknowledge ng isang bata sa mga tao o bagay gamit ang salita. Sa halip, itinuturo na lang nila ito.
Autism spectrum disorder
Ang speech delay ay palatandaan din ng autism. Iba pang sintomas na maiuugnay sa kondisyon na ito ay ang paulit-ulit na pagbabanggit ng mga salita o phrases ng isang bata imbis na gumawa ng mga bagong salita o phrases. Pati na ang biglang pagtigil o pagkalimot niya sa mga salitang dati naman ay nababanggit na niya.
Neurological problems
May mga neurological disorders din na maaraing makaapekto sa speech ng isang bata tulad ng cerebral palsy, muscular dystrophy at traumatic brain injury.
Intellectual disabilities.
Ang speech delay ay maaaring dulot din ng intellectual disability.
Ano ang iyong dapat gawin?
Kapag napansin na posibleng mayroong speech delay ang iyong anak, huwag magdalawang-isip at kumonsulta na agad sa kaniyang doktor. Dahil may mga speech therapy naman o early intervention techniques na maari pang magsaayos ng kondisyon niya.
Makakatulong rin ang mga sumusunod na tips para mahasa ang speech at language skills ng iyong anak.
- Makipag-usap sa iyong anak, kahit na sa pamamagitan lang ng pagkukuwento ng iyong ginagawa.
- Gumamit ng gestures at ituro sa bata ang pangalan ng mga bagay sa paligid niya.
- Basahan ang iyong anak. Gumamit rin ng mga litrato para magpaliwanag o magkuwento sa kaniya.
- Kumanta ng mga simpleng kanta o magbigkas ng mga nursery rhymes kasama ang iyong anak.
- Ibigay ang iyong buong atensyon sa tuwing nagsasalita ang iyong anak.
- Kung may nagtatanong sa iyong anak ay hayaan na sila ang sumagot.
- Kahit alam mo na ang kailangan nila, hayaan silang magsabi nito.
- Kung may maling salitang sinabi ang iyong anak ay itama ito sa pamamagitan ng pagsasabi o pag-uulit ng tamang salita.
- Hayaang makipag-usap ang iyong anak sa mga batang maayos ng magsalita.
- Tanungin at bigyan ng pagpipiliang sagot ang iyong anak para siya ay matutong mag-respond sa mga salita.
Dagdag pa ni Dr. Caruncho, makakatulong rin kung iiwas muna ang bata sa screen time habang nag-aaral pa lang itong magsalita. Nakakaapekto kasi ang screen time o paggamit ng mga gadgets sa development ng mga bata. Payo niya,
“Less than 2 years old talaga, walang ipad, walang cellphone, walang tv, wala. Nawawala ‘yong (opportunity) to hear, to speak, to interact with mom and dad. Kahit educational pa ‘yan.
For example, nanonood siya ng palabas kaysa kausap ni mommy. Iba. Nakikita mo tone, facial expressions. Walang back and forth na interaction sa panonood ng tv.”
Source:
Healthline, Pathways, KidsHealth