Bakit Kailangan Bumukod? 5 Rason Kung Bakit

Bagong kasal at nakatira sa inyong magulang o in-laws? Kung oo ay dapat na kayong mag-simulang bumukod ng iyong asawa.

Bakit kailangan bumukod ng mag-asawa? Narito ang mga dahilan.

Para sa mga bagong kasal o bagong mag-asawa, ang pagtira sa mga magulang kahit may pamilya na minsan ay mayroon naibibigay na benepisyo. Gaya ng may kahati sa mga gastos o bayarin ng bills. Mas nakikilala mo ang mga in-laws mo at may nakakatulong ka sa pag-aalaga sa iyong mga anak.

Ngunit madalas ay may negatibong epekto rin ito. Partikular na sa pagsasama at relasyon ng isang mag-asawa na ating tatalakayin sa artikulong ito.

5 Rason kung bakit kailangan bumukod ng mag-asawa

1. Para magkaroon kayo ng privacy at independence bilang mag-asawa

Bilang mag-asawa ay dapat matuto kayong maging independent. Mahalaga ito sapagkat sa ganitong paraan ay mas naiintindihan ninyo ang bagong ninyong responsibilidad. Mas nagkakaroon kayo ng tiyansa na mas makilala at malaman ang ugali ng isa’t isa. Higit sa lahat, malaya ninyong magagawa ang mga bagay na gusto ninyong gawin bilang mag-asawa.

2. Para maiwasan ang pakikialam ng inyong mga magulang o in-laws sa inyong relasyon at pagpapalaki sa inyong mga anak

Sa isa sa mga blog entry ng kilalang singer na si Richard Poon ay ipinaliwanag niya ang mga dahilan kung bakit mahalagang bumukod ang mag-asawa mula sa kanilang magulang.

Noong una ay hindi niya raw ito naiintindihan. Hanggang sa may makausap siya na isang babae na ibinahagi ang dahilan kung bakit na-fell out of love ito sa kaniyang mister.

Kuwento ng babae noong una, ay masaya pa ang pagsasama nilang mag-asawa noong sila ay nasa ibang bansa pa. Ngunit nang bumalik sila sa Pilipinas at tumira malapit sa biyenan niya ay nag-iba ang lahat. May nakikialam na sa ginagawa niyang pagpapalaki sa mga anak niya at sa relasyon nilang mag-asawa. Dito na nagsimula ang unti-unting pagbabago sa kanilang relasyon.

Ang conflict na ito sa pagitan ng in-laws at isang mag-asawa ay maari namang maiwasan. Ito ay magagawa sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa inyong mga magulang at paglalagay ng boundaries kung hanggang saan lang sila maaring makiaalam.

Image from Aleteria.org

3. Maaaring magkaroon ng conflict sa pagitan mo at ng iyong in-laws

Ang hindi pagbukod sa bahay ng inyong in-laws ay isang paraan din para mas maging open sa kritisismo ang inyong relasyon. Pati na rin ang kakayahan ninyo bilang ama at ina o kaya naman ay bilang asawa. Dahil hindi maiiwasan na maikumpara nila ang sarili nila sa inyo.

Kung ang isyu na ito sa pagitan mo at ng iyong in-laws ay hindi maaayos o mapag-uusapan agad, ito ay maaaring mauwi sa pagkakaroon ng conflict sa pagitan ninyo. Ito’y maaaring lumala at maaring umabot sa punto na mamimili na ang iyong asawa sa kung sino sa inyo ng kanyang mga magulang ang papanigan niya.

4. Mas nagiging responsible at nabo-boost ang confidence ng iyong asawa

Kapag kayo ng iyong mister ay nakatira sa iisang bahay kasama ang inyong mga magulang ay hindi magagampanan ng maayos ng iyong asawa ang kaniyang papel bilang hari ng tahanan. Hindi siya makakapag-desisyon ng mas maayos dahil may ibang makikialam. Bilang epekto ay nababawasan ang confidence niya sa kaniyang sarili. Kinalaunan ito ay maaaring magdulot ng masamang epekto rin sa inyong relasyon.

Ang mga babae ay maaaring makaranas rin ng parehong sitwasyon. Lalo na sa tuwing nakikita ang mga mali niyang nagagawa sa mga gawaing-bahay o sa pag-aalaga sa kaniyang asawa at anak.

5. Iniisip ng inyong mga magulang na kayo pa rin ay bata at dapat parin kayo sumunod sa kanila

Para sa inyong mga magulang, kahit kayo ay nasa tamang edad na ay nanatili parin kayong mga bata o anak nila na kailangan nilang gabayan. Kaya naman maliban sa pakikialam o panghihimasok sa buhay ninyong mag-asawa ay iisipin rin nila na mas alam nila ang makakabuti sayo. Kaya naman inaasahan nila na susunod parin kayo sa mga gusto nila. Ngunit bilang mag-asawa na bubuo ng sarili ninyong pamilya ay kailangan ninyo ng maging independent. Kailangan ninyo ng matutong mag-desisyon para sa inyong pamilya. Dapat ang lahat ng pagdedesisyon ay sa pagitan ninyong mag-asawa. Dahil kayo ang may hawak ng manibela o magiging takbo ng inyong  buhay pamilya.

Image from Freepik

Ilan lamang ito sa mga dahilan kung bakit kailangan bumukod ng mag-asawa. Pero ang pagbukod na ito ay hindi nangangahulugan na puputulin ninyo na ang inyong koneksyon sa inyong mga magulang. O kaya naman ay hindi na kayo makikipagkita sa kanila. Mahalaga parin na bilang mga anak ay makipag-ugnayan parin kayo sa kanila. Kailangan ninyo parin magpakita ng pag-respeto sa inyong mga magulang. Higit sa lahat bilang mga anak ay kailangan ninyong iparamdam sa kanila ang inyong pagmamahal. Gawin ito sa pamamagitan ng pagbisita sa kanila o kaya naman lumabas kasama nila at ng inyong mga anak. Dahil bilang mga magulang wala ng mas sasarap pa sa pakiramdam na makitang nasa maayos na kalagayan ang kanilang mga anak. Lalo na ang makita ang kanilang apo na isa sa nagbibigay sa kanila ng tunay na kaligayahan.

Source:

Bride Story, Relationship Matters, Family Life

BASAHIN:

Masakit magsalita? 10 bagay na hindi dapat sinasabi ng mag-asawa sa isa’t-isa