Walang takdang oras na dapat itagal pagdating sa pagtatalik. Ganunpaman, hindi rin naman maganda kapag ang lalaki ay mabilis labasan. Maaari itong maka-apekto sa relasyon ng mga nagsasama kapag hindi nasa-satisfy ang pertner na babae. Alamin natin ang tungkol sa premature ejaculation at kung bakit mabilis labasan ang ibang mga lalaki.
Premature ejaculation, o mabilis labasan
Ang ejaculation ay ang paglabas ng semen mula sa ari ng lalaki kapag nag-oorgasm. Kapag masyado itong maagang nangyayari sa pagtatalik, ito ay tinatawag na premature ejaculation. Ang premature ejaculation ay kinikilala rin bilang isang uri ng erectile dysfunction. Tinatayang isa sa bawat tatlong lalaki na may edad 18 hanggang 59 na taong gulang ang nakakaranas nito.
Masasabing may premature ejaculation ang isang lalaki kung hindi ito tumatagal nang mahigit isang minuto mula sa penetration. Maaari ring masabing nakakaranas nito kung hindi tumatagal sa masturbation. Kapag naman minsan itong nararanasan habang minsan ay wala namang problema, ito ay kinikilala bilang natural variable premature ejaculation.
Mga sanhi
May iba’t ibang sanhi kung bakit mabilis labasan ang lalaki. Maaari itong dahil sa pisikal, emosyonal o psychological na dahilan.
Pisikal
Ang brain chemistry ng lalaki ay maaaring may kinalaman kung bakit ito madaling labasan. Napag-alaman ng mga mananaliksik na kapag mababa ang kemikal na serotonin sa utak, masmabilis labasan ang mga lalaki.
May ilan din na sadyang masyadong sensitibo ang mga ari. Dahil dito, sila ay mas na-sstimulate na nagiging dahilan kaya mabilis silang labasan. Dagdag pa dito ang ilang emosyonal at psychological na factors kaya mabilis natatapos ang pagtatalik ng iba.
May ilan ding mga sakit na maaaring magdulot ng premature ejaculation sa mga lalaki. Kabilang dito ang:
- Diabetes
- Multiple sclerosis
- Prostate disease
- Problema sa thyroid
Hindi rin nakakatulong ang paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot at sobra sobrang pag-inom ng nakakalasing na inumin.
Psychological
Ayon sa mga mananaliksik, may mga psychological na dahilan din kung bakit nakakaranas ng premature ejaculation. Kabilang sa mga ito ang:
- Maagang experience sa pakikipagtalik
- Sexual na pang-aabuso
- Hindi magandang body image
- Depression
- Lubos na pag-aalala na maagang labasan
- Pagiging guilty na maaaring magtulak na bilisan ang pakikipagtalik
Emosyonal
Mayroon ding mga emosyonal na factors na maaaring maging dahilan para mabilis labasan ang isang lalaki.
- Stress
- Performance anxiety
- Problema sa relasyon
Paano magagamot ang premature ejaculation
Sa kabutihang palad, may mga maaaring gawin upang malampasan ito.
Stop and start method
Isang paraan para tumagal sa pagtatalik ay ang pagpigil na labasan ang lalaki. Sadyang huminto sandali kapag nararamdaman nang malapit labasan at magpatuloy matapos ang 30 segundo. Gawin ito nang 3 hanggang 4 na beses bawat pagtatalik.
Squeeze method
Hindi ito nalalayo sa stop and start method. Kapag malapit nang labasan ang lalaki, issqueeze ang ulo ng kanyang ari para hindi ito labasan. Muling magpatuloy matapos mawala ang erection.
Medikasyon
Mayroon ding mga gamot na maaaring makatulong para hindi agad labasan ang mga lalaki. Ang anti-depressants ay maaaring magdulot ng pagbabago sa seratonin levels para mas matagal labasan ang mga lalaki. Subalit, maaari rin itong magdulot ng kawalan ng gana sa pagse-sex.
Anesthetic cream o spray
Maaaring maglagay ng anesthetic na cream o spray sa ari upang hindi maging sobrang sensitibo pagdating sa pagtatalik. Inilalagay ito sa ulo ng ari 30 minuto bago makipag sex. Siguraduhin lamang na maghugas nang mabuti bago ang pagtatalik.
Kegel exercise
Patibayin ang pelvic floor muscles para mastumagal sa sex. Maaaring pigilan ang daloy ng ihi sa kalagitnaan ng pag-ihi. Gawin ito nang 3 segundo at muling ipapadaloy nang 3 segundo bago muling pigilan. Gawin ito 3 hanggang 10 beses sa isang araw.
Gumamit ng condom
Makakatulong din ang paggamit ng condom para mabawasan ang pagiging sensitibo ng ari ng mga kalalakihan. Maaari nitong mabawasan ng sapat ang pakiramdam para mastumagal pa ang pagtatalik.
Masturbation bago makipagtalik
Ang pag-ejaculate ilang oras bago makipag-talik ay nakakatulong sa iba para mastumagal pagdating sa sex. Subalit, maaari itong maging dahilan para mawalan ng gana ang lalaki o kaya naman ay mahirapan nang mag-perform.
Counseling
Dahil sa ilang emosyonal at psychological na factors, makakabuting lumapit sa mga psychologists para masolusyunan ang ugat ng problema at mas mapabuti ang pagsasama.
Basahin din: 7 tips para tumagal sa sex ang iyong asawa
Source: Web MD, Healthline, Mayo Clinic