Bakit mahina ang menstruation? 14 na posibleng dahilan kung bakit humihina ang menstruation
"Kung dati ay heavy flow ang period, bakit mahina ang menstruation ko ngayon kaysa noong nakaraan?" Alamin ang dahilan sa pagbabago ng menstruation.
Siguro nagtataka dahil bakit parating malakas ang buwanang dalaw mo samantalang ang iba ay bakit mahina ang menstruation? Ang unfair ‘di ba?
Samahan mo pa ng mood wings at masakit na puson! Ngunit para malinawagan, narito ang 10 karaniwang dahilan kung bakit mahina ang menstruation ng isang babae kaysa sa normal.
Menstruation ng babae
Mahirap (na may kasama pang sakit) ang malakas na daloy ng menstruation, kaya’t nagpapasalamat ang ibang babae kapag mahina lang ang buwanang dalaw. Pero alam niyo ba na maaaring sintomas ito ng problema sa reproductive system?
Ayon sa librong Woman Code ni Alisa Vitti, kapag ang regla na dati ay malakas ay biglang naging mahina at halos ga-patak na lang, dapat na kumunsulta sa isang OB GYNE para malaman ang sanhi.
Kung nakakapag-alala ang sobrang lakas na daloy, dapat ding ikabahala ang sobrang hina naman. Ang tawag dito ay hypomenorrhea.
Maituturing na mahina ang regla ng hindi normal kung:
- hanggang 2 araw (o hindi pa nga umaabot ng 2) ang bleeding
- kaunti lang ito, na ga-patak pa nga lang minsan
- higit sa isang beses nangyari ang napakahinang bleeding, bagkus napapadalas ito
Bakit mahina ang menstruation ng isang babae?
Sa kanilang librong Clinical Methods: The History, Physical, and Laboratory Examinations, ipinaliwanag nina Dr. Henry Kenneth Walker, MD at Dr. John Willis HurstIt’s, MD na mayrong 10 posibleng dahilan kung bakit mahina ang menstruation ng isang babae:
1. Nag-iba ang timbang mo, kaysa sa normal
Hindi alam ng iba na naaapektuhan ng pagbigat ng timbang o labis na pagbawas ng timbang ang regla. Kapag labis ang pagbabago sa timbang at nutrisyon na natatanggap ng katawan.
Minsan ay nagiging sanhi ito ng kakaunting daloy ng regla. Kailangan kasi ng katawan natin ng balanse ng protina, carbohydrates, fats, at iba’t ibang vitamins para maging maayos at normal ang sistema natin, ayon pa din sa Woman Code.
Kapag sobrang payat, o di kaya ay sobra naman ang body fat percentage, naaapektuhan ang kalidad ng menstruation dahil hindi maayos ang function ng hormones.
2. Nakakaranas ka ng stress.
May mahalagang koneksiyon ang wellbeing ng isang babae sa produksiyon ng hormones ng katawan. Kaya kung stressed ka—sa trabaho o sa personal na aspeto, o mas malala pa, kung nakaranas ng pagkawala ng mga taong malapit sa buhay mo.
Posibleng pati ang menstruation mo ay mawala sa ayos. Pati ang pisikal na stress tulad ng labis na pag-eehersisyo ay nakakaapekto sa regla, kaya’r posibleng humina ito.
3. Umiinom ng hormonal birth control pill.
Itanong sa OB GYN mo kung ang birth control pill na iniinom mo ay posibleng nakakaapekto sa paghina ng regla. May mga birth control pills na nirereseta ng mga OB GYN para ma-regulate ang napakalakas ng daloy ng regla. Kung birth control pills nga ang sanhi ng paghina, walang dapat ikabahala.
4. Buntis ka.
Isang simpleng dahilan ay ang pagbubuntis. May mga babae kasing hindi pa kaagad napapansin o nalalaman na buntis na pala dahil nga may regla pa din, mahina nga lang.
Bagama’t karaniwang tumitigil ang regla kapag nakabuo na ng bata sa sinapupunan, may mga babae na nagkakadugo pa rin, bagamat mahina.
Ito and tinatawag na implantation bleeding, ayon kay Dr. Seema Samath, MD, Obstetrician and Gynecologist ng Aster Clinic Dubai. Normal lang na magkaron ng bahagyang pagdurugo kapag ang fertilized egg ay napunta na sa lining ng uterus.
Posible ding ectopic pregnancy ang kondisyon, kaya ang dugo ay mahina at hindi tulad ng normal na regla. Kaya nga mahalagang kumunsulta sa doktor para malaman kung buntis o hindi.
5. Kapapanganak lang, at maraming dugo ang nawala sa iyo sa panganganak.
Kapag maraming dugo ang nawala sa iyo, kulang din sa oxygen ang iyong sistema, ayon pa sa librong Woman Code. Naaapketuhan ang produksiyon ng hormones, kaya apektado ang menstrual cycle. Karaniwang solusyon dito ay hormone replacement therapy.
6. Nakakaapekto din ang breastfeeding.
Kung ikaw ay nagpapasuso ng sanggol pagkapanganak, maaaring hindi muna magbabalik sa normal ang menstrual cycle. Ang milk production hormone kasi ay nakakahadlang sa ovulation at nakakapagpa-antala ng pagdating ng regla.
Maaaring abutin ng ilang buwan pa bago magbalik sa dating schedule ang menstruation.Tandaan lang na maaari pa ring mabuntis kahit hindi pa bumabalik ang regla habang nagpapasuso ng sanggol.
Nag-o-ovulate na kasi ang babae 2 linggo bago ang unang post-natal menstruation. Kaya’t kung posibleng buntis ka at may spotting, mabuting mag-pregnancy test para makumpirma kung buntis nga, payo ni Dr. Samath.
7. May aktibong thyroid gland.
Ang thyroid gland sa leeg ay naglalabas ding ng hormones na may kinalaman sa temperatura at digestion. Kapag sobgrang aktibo ng thyroid, o may tinatawag na hyperthyroidism, labis ang produksiyon ng thyroid hormones, na maaaring makaapekto sa puso, blood pressure, muscles, at iba pa.
Ang mahinang menstruation o di kaya ay tuluyang hindi nagkakaron ng regla sa inaasahang petsa, sintomas ng hyperthyroidism. Kapag napapansin na lumalaki ang thyroid, kasama ng mahinang regla, kumunsulta kaagad sa doktor.
8. May sugat sa uterus.
Kung ikaw ay sumailalim sa raspa o dilation and curettage (D&C) procedures at nakakaranas ng mahinang regla, maaaring may sugat sa uterus.
Minsan ay nagkakadikit-dikit ang uterine wall dahil nga sa pagkasugat, kaya’t nagiging sanhi ng mahinang regla. Kakailanganin ng operasyon para matanggal at maayos ang scar tissue.
9. Sintomas ng ilan pang kondisyon na may kinalaman sa reproductive system.
Maaaring ito ay polycystic ovary syndrome (PCOS), o di kaya ay cervical stenosis. Ang PCOS ay ang labis na produksiyon ng androgens, o male sex hormones.
At ang hormonal changes na ito ay nakakaapekto sa regular na menstrual cycle, at nakakahadlang sa ovulation. Ang cervical stenosis naman ay isang rare na kondsiyon kung saan ang cervix ay nagsasara kaya’t hindi nailalabas ang regla mula sa uterus.
Kung makalabas man, sobrang kaunti o ga-patak lang. Isang karaniwang sintomas ng dalawang kondisyong ito ay ang labis na pananakit ng puson kasama ng light flow ng regla.
10. Senyales ng menopause—kung ikaw ay lagpas na ng edad 45.
Ganoon na ba ako katanda? Tulad ng sinasabi ng iba, ang edad ay numero lang. May mga pisikal na pagbabago sa katawan, oo, pero hindi ibig sabihin ay wala ka nang magagawa.
Isang sintomas ng nagbabadyang menopause ay ang bigla na lang paglakas ng regla ng ilang buwan, pagkatapos ay bigla namang sobrang hina sa mga sumunod na buwan.
Hormonal imbalance ang pangunahing sanhi nito. Kasama sa edad ang pagbabagong ito, pero hindi ibig sabihin ay hindi ka na puwedeng mabuntis.
11. Sobra sa pag-ehersisyo
Kung ikaw ay gumugugol ng mas maraming enerhiya sa pag-eehersisyo kaysa sa pagkain, maaaring mag-suffer ang reproductive at cardiovascular health. Sa katagalan ay mapapansin ang pagbabago sa regla mula sa normal hanggang sa patak-patak.
12. Ang iyong hormones ay hindi balance
Ang estrogen at progesterone ay may malaking kinalaman sa iyong menstrual cycle. Kung ito ay hindi balanse, nakakaapekto ito sa daloy ng iyong regla.
Halimbawa, ang estrogen ang namamahala sa lining ng iyong matris. Kaya’t kung mayroon kang mas mababang antas ng hormone na ito, ang iyong lining ay maaaring hindi sapat na lumapot upang ikaw ay magkaroon ng isang normal na regla.
Ang pagkakaroon ng sobrang dami ng hormone na testosterone ay maaari ding maging sanhi ng pagiging kakaunti ng iyong regla.
13. Ikaw ay nag premature ovarian failure
Ang premature ovarian failure o primary ovarian insufficiency ay nangyayari kapag ang mga babae ay nawalan ng normal na ovarian function bago ang 40 taong gulang,” paliwanag ni Dr. Lakeisha Richardson, MD, isang ob-gyn sa Greenville, Mississippi.
Kung ang iyong mga ovary ay hindi gumagana nang tama, hindi sila gagawa ng tamang dami ng estrogen o maglalabas ng mga itlog kapag sila ay dapat, na maaaring humantong sa pinaikling at hindi regular na mga cycle.
14. Anemia
Kung minsan ang iron deficiency ang dahilan kung bakit nakakaranas ng patak patak na regla. Siguraduhing nagpapa-test ng ferritin o iron storage at red blood cells upang malaman kung ikaw ay may anemia.
Kung ang iyong katawan ay kulang sa iron, maaari nitong pabagalin ang proseso ng regla.
Kailan dapat mabahala?
Ang menstruation ng bawat babae ay iba-iba at unique. May mga regular at sakto ang petsa ng dating nito, meron namang kada buwan ay paiba-iba at minsan ay lagpas pa ng 40 araw ang pagitan.
Kumunsulta kaagad sa doktor kapag napansin ang mga sumusunod:
- Hindi nagkaron ng regla ng 3 sunud-sunod na buwan
- Irregular ang dating ng regla (pati ang dami ng araw na may regla)
- May bleeding sa pagitan ng regla
- Matindi ang cramps at pain kapag may regla
Ang doktor ang makakapagsabi kung ano ang mga posibleng dahilan ng mahinang regla, at kung kailangan ng mga medical tests para malaman kung ano talaga ang dahilan at kung ano ang maaaring gawing paggamot, paliwanag ni Dr. Samath.
Ang dapat tandaan ay hindi dapat ikabahala kung bakit mahina ang menstruation pero hindi rin dapat ipagsawalang bahala ang anumang pagbabago sa cycle. Mas mainam na ilista o tandaan ang petsa at bilang ng araw ng bawat menstruation cycle para alam agad kung may malaking pagbabago mula sa “normal.”
Kumunsulta kaagad sa OB GYN kung may nakikita o nararamdaman nang kakaiba sa iyong menstrual cycle at kabuuang kalusugan ng katawan.
Karagdagang ulat mula kay Kyla Zarate
Medical News Daily, Healthline, Mayo Clinic, Dr. Seema Samath, MD, Obstetrician and Gynecologist-Aster Clinic Dubai
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.