Bakit namamatay ang halaman? Narito ang mga dahilan at tips na maaring gawin upang ito ay maiwasan. Pati na ang ilang halaman na madaling alagaan.
Bakit namamatay ang halaman?
Mahilig ka ba sa halaman ngunit namamatay naman kapag ikaw ang nagtatanim? Maaring may mali kang nagawa o kaya naman ay may espesyal na pangangailangan ang iyong halaman na hindi mo nagawa. Iwasan ng mangyari ito gamit ang sumusunod na mga tips sa kung paano ang tamang paraan ng pag-aalaga ng halaman.
Mga tips na dapat tandaan sa pagtatanim ng halaman
1. Mag-research at kilalanin ang iyong halaman.
May iba’t-ibang specific needs o pangangailangan ang bawat halaman. Kaya kahit anong pag-aalaga o oras na inilalaan mo rito ay maaring mamatay ito kung hindi mo alam o kilala ang halaman mo.
Para maibigay ang tamang pangangailangan ng iyong halaman ay makakatulong na mag-research muna tungkol dito. Maaring gawin ito online o kaya naman ay magtanong-tanong sa mga kakilala mong nakapagtanim o nakapagpalaki na ng halaman na gusto mo. O kaya naman ay magbasa sa mga magazines at libro.
Kung pipili ng halamang itatanim, mabuti ring alamin kung maari itong tumubo sa region o lugar na iyong tinitirhan. Bagamat hindi naman imposible magpalaki ng halaman na hindi native sa isang lugar, maaring kang mahirapan. Lalo na kung ang halamang ito ay nangangailangan ng specific na tempetura tulad ng malamig na hindi naman angkop sa iyong lugar. May ilang halaman rin ang nangangailangan ng specific na uri ng lupa para mabuhay. Ang mga impormasyong ito ay mahalagang alamin bago pa man simulant ang pagtatanim ng halaman.
2. Gumamit ng fully composed na lupa.
Para masiguro rin na mabubuhay ang iyong halaman ay dapat gumamit ng fully composed na lupa. Dahil ang composting ay nag-gegenerate ng mataas na temperature na pumapatay ng mga pathogens sa lupa. Maaring gawin ito sa pamamagitan ng paglalagay ng mga nabubulok na pagkain sa lupa o kaya naman ay paglalagay ng dumi ng hayop. Mayroon rin namang nabibili ng fully composed na lupa sa mga gardening shops kung iyong nanaisin.
Kung gagamit naman ng lupa mula sa inyong hardin, siguraduhin lang na wala na itong infected debris ng halaman na maaring magdala ng potential harm sa iyong itatanim.
3. Gumamit ng tamang pot na akma sa laki ng iyong halamang itatanim.
Dapat ding siguraduhin na tama ang laki ng container o pot na iyong gagamitin. Ito ay upang mabigyan ng sapat na space ang iyong halaman upang lumaki. Dapat ito din ay may butas o drainage na kung saan maaring lumabas ang sobrang tubig na iyong dinidilig sa halaman. Dahil kung walang drainage o butas ang iyong pot ay maaring malunod ang iyong halaman na maari nitong ikamatay.
Sa paglaki ng iyong halaman sa loob ng pot ay dapat i-check ito isang beses sa isang taon. Tingnan kung crowded na ba ang mga ugat nito na palatandaan na maari mo ng ilipat ang iba nito sa isa pang pot o container.
Kung deretso namang magtatanim sa lupa, siguraduhin na may tamang distansya ang iyong halaman sa bawat isa. Ito ay para mayroon silang space para lumago at lumaki.
4. Siguraduhing naaarawan ang iyong halaman.
Kailangan ng sapat na sikat ng araw ng mga halaman. Hindi naman sa lahat ng oras ay kailangan nila ng deretsong sikat ng araw. Dahil may mga halamang kailangan lang ay partial shade tulad ng mga indoor plants.
Kailangan ring isaisip na ang mga potted plants ay hindi dapat nai-expose sa deretsong sikat ng araw. Dahil ito ay maari mong mapabayaan o ma-expose rito ng matagal at maging dahilan ng pagkamatay nito.
Ituring ang iyong halaman na parang tao. Tulad ng tao, ito ay hindi komportable sa sobrang init o sobrang malamig na temperatura.
5. Diligan ng tama ang iyong halaman.
Mahalagang madiligan ng tama ang halaman. Dahil isa sa madalas na ikinamamatay nito ay pagkalunod o labis na tubig. Kaya naman malaking tulong na kilalanin muna ang halaman na iyong itatanim. Dahil may mga halaman na hindi naman kailangan na laging nadidiligan tulad ng mga succulents. Tanging mga seedlings lang o plantita ang nangangailangan ng maraming tubig kumpara sa mga adult plants. Kailangang panatilihing moist ang mga seedlings hanggang sa ang binhi nito ay lumaki na ng ilang pulgada mula sa lupa.
Pagdating naman sa mga finicky plants tulad ng orchids, dapat ang gamiting tubig sa pangdilig rito ay distilled o spring water. Dahil sila ay sensitive sa mga chemicals na maaring taglay ng tap water.
6. Lagyan ng fertilizer ang iyong halaman.
Ang paglalagay ng fertilizer sa iyong halaman ay paraan rin upang masigurong makukuha nito ang nutrients na kaniyang kailangan. Pero mahalagang alam mo ang tamang dami ng fertilizer na iyong gagamitin. Dahil ang sobra nito ay maaring pumatay sa halaman mo.
Samantala, maliban sa paglalagay ng compost sa iyong halaman may ilang paraan ring maaring gawin upang tumubong malusog ang mga halaman. Ito ay ang sumusunod:
- Lagyan ng dinurog na eggshells ang iyong halaman o plantita. Bahagya itong ilubog sa lupa na pinagtataniman upang malipat rito ang mga nutrients na taglay nito tulad ng calcium. Ang calcium ay mahalaga sa paglaki at pagbibigay na maayos na nutrisyon sa mga halaman.
- Para naman mabigyan ng sapat na potassium ang mga roses, ay magbaon sa lupang pinagtataniman nito ng balat ng saging. Mabuting lagyan na agad ng balat ng saging ang ilalim ng pot na pagtataniman ng rose para diretsong ma-absorb ng mga ugat nito ang taglay nitong nutrients.
7. Tanggalin ang mga damo o weeds sa iyong halaman.
Dapat din ay palaging i-check ang iyong halaman at alisin ang mga weeds o damo sa paligid nito. Ito ay para masigurong walang kaagaw ang iyong halaman sa mga nutrients na kailangan nito. Paraan rin ito upang maiiwas ang iyong halaman sa impeksyon o sakit na maaring dala ng mga damo.
8. Alisin ang mga bulok na parte ng halaman.
Hindi lang sa pinagmumukha nitong hindi kaaya-aya ang itsura ng iyong halaman, ang mga bulok na parte ng iyong halaman ay maaring kumalat at humawa pa sa iba. Kaya naman mabuting iwasan na itong mangyari at alisin agad ang anumang parte o dahon ng iyong halaman na maaring pagsimulan ng impeksyon.
Mula sa mga nabanggit na tips ay siguradong alam mo na kung bakit namamatay ang halaman o plantita. Pati na kung paano ito maiiwasan at mas mapapadami pa. Lalo pa’t hindi lang ito nakakaganda ng paligid kung hindi nakakaalis ng stress pa.
Mga halaman na madaling alagaan
Para sa dagdag na tips, narito naman ang ilang mga ornamental na halaman na madaling alagaan o palaguin sa iyong bakuran.
- Chinese Evergreen
- San Francisco plant
- Spider plant
- Snake plant
- Dieffenbachia
- Rose
- Kalachuchi
- Bird’s Nest Fern o Dapo
- Bromeliad
- Santan
- Vietnam rose
Source:
Good Housekeeping, Fine Gardening
BASAHIN:
10 mabisang halamang gamot para sa iba’t ibang sakit