8 karaniwang dahilan kung bakit nangangaliwa si mister

Maraming dahilan kung bakit nangangaliwa ang mga lalaki ngunit karamihan sa mga ito ay bumabalik sa kakulangan at hindi pagkakaintindihan ng kasulukuyang karelasyon.

Isang mainit na usapin lalo na sa panahon ngayon ang pangangaliwa ng mga lalaki sa kanilang asawa. Sa dami nga ng gumagawa nito ay naging popular na topic at storya na ito sa mga palabas telebisyon, katulad ng Halik ng ABS-CBN. Ngunit ano nga kaya ang dahilan bakit nangangaliwa ang mga lalaki?

Ang bawat pagsasama ay dumadaan sa mga pagsubok, isa na sa pinakamatinding pagsubok na ito ay ang pagkakaroon ng third party o kabit.

Ayon kay Laurie Watson, isang sex therapist, ang pangangaliwa ng isang lalaki ay isang palatandaan ng pagkakaroon ng problema sa isang mag-asawa o minsan naman ay sintomas na ng isang sakit o personal psychopathology.

Samantalang, ayon sa isang marriage at family therapist na si Dr. Kat Hertlein, humigit kumulang 40% ng mga lalaki ang naghahanap na “sexual satisfaction” kaya sila nangangaliwa at naghahanap ng ibang babae.

Bakit nangangaliwa ang mga lalaki?

Ano nga kaya talaga ang dahilan kung bakit nangangaliwa ang mga lalaki? Narito ang ilang mga paliwanag kung bakit may kabit ang mga lalaki.

1. Immaturity o kakulangan ng karanasan

Isa mga tinuturong dahilan kung bakit may kabit ang mga lalaki ay ang immaturity o ang kawalan ng karanasan sa isang mahaba at seryosong relasyon. Dahil dito, hindi niya naiisip na mali at nakakasakit na ang kaniyang ginagawa sa kaniyang partner dahil hindi nya nararanasan na mangyari sa kaniya at masaktan.

2.Pagkakaroon ng bisyo

Maari ring nalululong sa pag-inom ng alak o iba pang bisyo ang dahilan kung bakit nangangaliwa ang mga lalaki. Dahil ang pagkakaroon ng bisyo ay nakakaapekto sa tama niyang pag-iisip na nagreresulta ng mga maling desisyon lalo na pagdating sa pakikipagrelasyon at pakikipagtalik.

3. Insecurity o kawalan ng kumpyansa sa sarili

Isang dahilan din kung bakit nangangaliwa ang mga lalaki ay ang insecurity o ang pagkawala ng kanilang kumpyansa sa sarili. Iniisip nila na masyado na silang matanda o kaya naman ay pangit na sa paningin ng kanilang partner sa buhay—kaya naghahanap sila ng ibang babae na makaka-appreciate o makakaparamdam sa kanila ulit na sila ay may halaga at may dating parin ang kanilang pagkalalaki.

4. Pagkabagot o bored sa karelasyon

Ayon kay Steve Santagati, sumulat ng Code of Honor Men: The Ten Commandments That Define All Bad Boys, 99% ng dahilan kung bakit nangangaliwa ang mga lalaki dahil sa pagkabagot o “bored” na sa kanilang karelasyon. Dahil dito ay naghahanap sila ng babaeng makakapagbibigay ng bagong sigla sa kanilang pagkatao at makakabuhay ng kanilang sexual desires at fantasies.

5. Pagbabago pisikal na itsura ng partner na babae

Ayon parin kay Santagati, isang dahilan din kung bakit may kabit ang mga lalaki ay ang kawalan ng gana sa kanilang partner dahil sa pagbabago sa pisikal na hitsura nito. Tulad ito ng pagkawala ng hubog ng katawan o pagtaba at ang kawalan ng oras na mag-ayos sa sarili o pagkalosyang. Kaya naman naghahanap sila ng bagong babae na magiging kaaya-aya sa kanilang paningin na nagiging simula ng kanilang pangangaliwa.

6. Pagbabago sa pakikitungo ng partner na babae

Isa pang dahilan kung bakit nangangaliwa ang mga lalaki ay ang pagbabago sa pag-uugali ng kanilang partner na babae. Hinahanap nila ang paglalambing na mayro'n noong bago pa lamang ang kanilang relasyon. 'Yong dating pag-a-aruga at pagaasikaso na sa kadalasan sa pagdaan ng panahon ay nawawala na kaya naman humahanap siya ng iba na makakapagparamdam ulit sa kanila nito.

7. Hindi pagkakasunduan o pagkakaintindihan ng partner na babae

Tinuturo ding dahilan kung bakit may kabit ang mga lalaki ay ang hindi pagkakaintindihan o pagkakasundo nila ng partner niyang babae. Kaya naman upang maiwasan ang away na dulot nito ay naghahanap sila ng ibang babae na makakaintindi at makakasundo pagdating sa mga gusto at hilig niya.

8. Pagtanggi ng partner sa pakikipagtalik

Dagdag naman ni Dr. Kat Harlein, ang pagtanggangi ng mga babae sa sex ay nagiging dahilan upang sila ay makaisip na subukan itong gawin kasama ang ibang babae.

Normal sa mga lalaki ang hilig sa sex o pakikipagtalik, kaya naman sa oras na tinanggihan sila ng kanilang partner ay nakakaramdam sila ng pagka-offend at kakulangan sa kanilang pagsasama. Dahil dito naghahanap sila ng babaeng makakapagbigay ng pangangailangan ng kanilang katawan.

Marami pang 'tinuturong dahilan kung bakit nangangaliwa ang mga lalaki, ngunit karamihan sa mga ito ay bumabalik sa problema sa kasulukuyang karelasyon.

Hindi nga nasusukat ng tagal o haba ng pagsasama ang kasiguraduhan ng maayos na relasyon. Dahil ang pakikipagrelasyon ay isang mutual understanding na kinakailangan ng pantay na pagtanggap at pagbibigay.

 

Sources: RedBookMag, EverydayHealth, Psychology Today

Basahin: Pag-amin ng isang misis: Nang mahiwalay ako sa asawa, naging kabit ako.