Bakuna sa mga sakit ipinagdiinan ng DepEd o Department of Education na mahalagang maibigay sa mga batang mag-aaral. Ito ay upang hindi sila mahawaan o makahawa ng sakit sa iba pa nilang kapwa mag-aaral.
Bakuna sa mga sakit, mahalaga raw sa mga bata
Sa launch ng pinakabagong produkto ng Colgate toothpaste with amino acid ay nabigyan ng pagkakataon ang theAsianParent Philippines na ma-interview si DepEd Undersecretary Tonisito Umali. Ito ay para mabigyang linaw ang tungkol sa “no vaccination, no enrollment” policy proposal ng Department of Health o DOH. Bilang dagdag na hakbang para malabanan ang patuloy na pagkalat ng iba’t-ibang sakit ngayon sa bansa na maaring maiwasan ng pagbabakuna.
“Wala kaming ganoong polisiya sa ngayon na kapag wala kang bakuna ay hindi ka tatanggapin pero nais namin silang magpabakuna.”
Ito ang naging sagot ni DepEd Usec Tonisito Umali ng matanong kung maipapatupad ba ang “no vaccination, no enrollment” policy sa darating na pasukan.
Dagdag pa niya ay bagamat kayang gawin ng pamahalaan na ipatupad ang naturang polisiya, sa ngayon ay hindi pa ito isinasagawa o ipinapatupad sa ating bansa.
Paalala sa mga magulang
Ngunit mariing ipinaalala ni Usec Umali sa mga magulang ang kahalagahan ng bakuna sa mga sakit para sa mga bata.
“May kampanya kami na kailangang magkaroon ng kamalayan ang mga magulang na napaka-importante ng bakuna.”
“Kung hindi mo siya pinabakunahan ay yung mga batang walang sakit o wala ring bakuna ay maari niyang mahawaan”, dagdag na pahayag ni Usec Umali.
7 o’clock campaign ng DepEd
Samantala, ibinida rin ni Usec Umali ang isa pang kampanya ng DepEd tungkol naman sa oral health. Dahil ayon sa isang survey natuklasang ang pagsakit ng ngipin ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pag-absent ng mga bata sa school mula sa kindergarten hanggang Grade 3.
Ang 7 o’clock campaign ay ang sabay-sabay na pagsisipilyo ng mga batang mag-aaral sa bansa tuwing alas-siyete ng umaga bago magsimula ang kanilang klase sa eskwelahan.
“It is currently on going but not as extensive as we want it to happen. We initially launched this in 2007 and we want to “relaunch” it so we want that all of our students in all of our basic education schools follow this 7’oclock habit campaign. All of them simultaneously brushing their teeth once 7’oclock starts before classes.”
Ito ang pahayag ni Usec Umali tungkol sa ginagawang kampanya.
Ayon sa kaniya ay napakahalaga ng kampayang ito na hindi lamang para sa mga bata kung hindi rin sa mga matatanda. Lalo pa’t natuklasan ng isa pang pag-aaral na 87 to 90 million ng mga Pilipino ang nakakaranas ng tooth decay. Ito sana ay maaring maiwasan sa pamamagitan ng tamang kaalaman sa pangangalaga ng ngipin.
Bright smile, Bright Future campaign
Maliban sa 7o’clock campaign ay may isa pang programa na isinusulong ang DepEd. Ito ay ang “The Bright Smile, Bright Future” campaign na nagtuturo naman ng tamang paraan ng pagsisipilyo sa mga bata.
“The Bright Smile, Bright Future campaign started around 1997. Hindi ito simpleng pagsisipilyo lamang. Kung hindi ang tamang paraan ng pagsisipilyo pati na ang toothpaste na dapat gamitin ay mayroong flouride. At huwag dapat kumain ng mga pagkaing sobrang matatamis. Dapat ang bata din ay bumibisita sa dentista ng regular.”
Ito ang dagdag na pahayag ni Usec Umali na nag-iwan din ng isa pang paalala tungkol sa pagsisipilyo ng tama.
“Magsipilyo ng tama ng hindi bababa sa dalawang beses sa isang araw pero mas mabuti kung kada matapos kumain ay mag-sisipilyo sila. At mag-sipilyo sa tamang pamamaraan at mag-practice ng good eating habits.”
Source: DepEd
Photo: Freepik
Basahin: 7 bakuna na kailangang ulitin kapag malaki na ang bata