Bakuna sa tigdas kinumpirma ng isang bagong pag-aaral na hindi nagdudulot at hindi nagpapataas ng tiyansa ng pagkakaroon ng autism sa mga bata.
Ito ang napag-alaman ng mga researchers mula sa Statens Serum Institut sa Denmark matapos pag-aralan ang 657,461 na mga bata.
Ang mga batang ito ay ang mga sanggol na ipinanganak sa Denmark mula noong 1999 hanggang 2010.
At nitong 2013 ay sinundan at inalam ng mga researcher ng ginawang pag-aaral kung ilan sa mga ito ang nabigyan ng bakuna sa tigdas o MMR vaccine.
Inalam rin nila kung mayroon bang risk factors ang bawat bata na maaring magdulot ng autism gaya ng edad ng magulang, diagnosis ng autism sa kapatid, preterm birth at low weight ng ipanganak.
Bakuna sa tigdas vs autism
Mula nga sa kabuuang bilang ng mga bata ay napag-alaman ng mga researchers na 95% sa mga ito ang nabigyan ng bakuna sa tigdas at 6,517 naman sa mga ito ang na-diagnose na may autism.
Ayon parin sa nasabing pag-aaral na inilathala sa Annals of Internal Medicine kamakailan lang, ang mga batang nabigyan diumano ng bakuna sa tigdas ay bumaba pa ang tiyansa ng 7% na magkaroon ng autism kesa sa mga batang hindi nabigyan ng MMR vaccine.
Ang mga bata naman na walang childhood vaccinations ay 17% na mas mataas ang tiyansang ma-diagnose na may autism kesa sa mga batang nabigyan ng bakuna sa tigdas.
Napag-alaman ding ang mga batang may mga kapatid na autistic ay mas mataas ang tiyansa ng halos pitong beses na ma-diagnose na may autism kesa sa mga batang walang family history ng sakit.
Ang mga batang lalaki rin ay apat na beses na mas mataas ang tiyansang magkaroon ng autism kesa sa mga batang babae, ayon sa pag-aaral.
Samantalang ang pagbaba daw ng vaccination coverage kahit na ito ay 5% lang ay maaring magpa-triple na ng kaso ng tigdas sa isang komunidad, dagdag ng mga researchers.
Kaya naman mula sa naging resulta ay kinumpirma ng mga researchers na ang bakuna sa tigdas ay hindi nagpapataas ng tiyansa ng autism sa mga bata. Hindi rin nito tini-trigger ang autism sa mga batang napag-alamang may risk factors na magkaroon nito.
Maling impormasyon tungkol sa bakuna sa tigdas
Ayon sa lead author ng pag-aaral at senior investigator ng Stratens Serum Institut na si Adam Hviid, ang ginawa nilang pag-aaral ay isang solid evidence na mali ang kumakalat sa social media na ang mga vaccines ay nagdudulot ng autism sa mga bata.
Pinuri naman ni Dr. Paul Offit ng Vaccine Education Center ng Children’s Hospital ng Philadelphia ang ginawang pag-aaral at sinabing ang pinakamalaking contribution ng ginawang pag-aaral ay ang inclusion nito ng mga risk factors na maaring magdulot ng autism sa mga bata.
Umaasa rin siya na ang pinakabagong pag-aaral na ito ay magsilbing patunay sa mga magulang lalo na sa mga may anak na mayroong risk factors ng autism spectrum disorder na ang MMR vaccine ay hindi patataasin ang tiyansang ma-trigger ito.
Ang paniniwalang ang bakuna sa tigdas ay magdudulot ng autism sa mga bata ay nagsimula noong 1998 matapos maglabas ng isang pag-aaral tungkol dito ang isang doktor na pinangalanang si Andrew Wakefield sa medical journal na The Lancet.
Matapos mapatunayang si Wakefield ay binayaran lamang ng isang law firm para makasuhan ang manufacturers ng MMR vaccine noong 2010 ay tinanggal ang lisensya ni Wakefield bilang doktor noong 2011.
Ilang pag-aaral din ang isinagawa pa para mapatunayan ang link sa pagitan ng MMR vaccine at autism ngunit walang nakikitang matibay na ebidensya tungkol dito.
Conclusive study tungkol sa bakuna sa tigdas
At ngayon matapos ng 17 studies na ginawa mula sa pitong bansa at tatlong magkakaibang kontinente ay sinabi ni Dr. Offit na sa wakas ay lumabas narin ang katotohanan.
Bagamat ilang beses ng napatunayang wala naman talagang koneksyon ang MMR vaccine sa pagkakaroon ng autism sa mga bata ay patuloy parin itong ginagamit ng mga anti-vaxxers na itinuturing na ngayon na isa sa top 10 threat sa global health.
Ito ay dahil sa magkakasunod na outbreak ng tigdas sa iba’t-ibang bansa gaya ng Brazil, Philippines at France dahil sa maling impormasyon tungkol sa bakuna na ipinapakalat nila.
Ayon nga sa calculation ng UNICEF mula sa data na nanggaling sa World Health Organization ay tumaas ng 48.4% ang kaso ng tigdas mula 2017 at 2018 sa buong mundo.
Karamihan nga sa narecord na nagkaroon ng tigdas at namatay dahil sa sakit ay mga batang hindi nabakunahan ng MMR vaccine dala narin ng takot ng kanilang magulang sa masamang epekto daw nito sa anak nila.
Samantala ilan naman sa early syptoms ng autism sa mga bata na dapat bantayan ng mga magulang ay ang mga repetitive behaviours gaya ng hand flapping o body rocking, resistance sa pagbabago ng kaniyang routine at ang aggression o self-injury.
Para naman mabawasan ang severity ng sintomas ng autism sa mga bata ay maari silang sumailalim sa behavioural, educational, at speech and language therapy.
Basahin: “Ihiwalay ang mga sanggol na 6-buwan pababa,” payo ng DOH laban sa tigdas