Dahil sa nagaganap na outbreak ng tigdas sa bansa, inirekomenda ng mga doktor na magpabakuna ang mga bata. Ito ay upang makaiwas sila sa sakit at mga komplikasyon na dala ng tigdas. Ngunit paano kung hindi pa puwedeng magpabakuna ang isang sanggol? Mayroon bang magagawa ang mga magulang upang protektahan sila sa measles outbreak?
I-isolate ang mga sanggol upang hindi mahawa sa measles outbreak
Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, importante raw na i-isolate, o ilayo ng mga magulang ang kanilang mga sanggol na 6-taong gulang pababa. Ito ay upang hindi sila mahawa sa nagaganap na outbreak ng measles o tigdas sa bansa.
Mahalaga ang hakbang na ito dahil hindi pa puwedeng bigyan ng bakuna sa measles o tigdas ang mga bata na 5-buwang gulang pababa. Kaya’t ang pinakamagandang gawin ay ilayo sila sa mga taong posibleng carrier ng sakit na ito.
Hindi biro ang panganib na dala ng tigdas, dahil lubha itong mapanganib sa mga bata. Bagama’t hindi 100% ang posibilidad na mamatay ang isang batang may tigdas, nagiging sanhi pa rin ito ng mga problema sa kalusugan para sa mga batang gumaling sa tigdas.
Kaya’t mahalaga ang pagbabakuna dahil ito ang pinakamainam na paraan upang makaiwas sa sakit. Kung hindi pa puwedeng bakunahan ang bata, nakakatulong ang pag-isolate o paglayo sa ibang mga tao upang hindi sila mahawa ng sakit.
Kasalukuyang nagsasagawa ng libreng immunization program ang DOH sa mga komunidad upang makaiwas sa sakit ang mga bata. Kaya’t hinihikayat rin namin ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak upang siguradong hindi sila magkaroon ng measles.
Mga importanteng kaalaman tungkol sa measles
Hindi biro ang sakit na measles. Ito ay lubhang mapanganib, at sa kasalukuyan ay mahigit 70 na ang namatay dahil dito. Ang mga kaso ng measles sa Pilipinas ay patuloy lang na tumataas kaya’t pinapaigting ng gobyerno ang kampanya laban dito. Ang pinakamabuting paraan upang makaiwas sa measles ay ang pagpapabakuna. Ito ay 100% na epektibo, at siguradong makakaiwas sa ganitong sakit ang iyong anak kapag siya ay nabigyan ng measles vaccine.
Para naman sa mga magulang, heto ang ilang mga importanteng mga sintomas ng measles na kailangang ninyong malaman:
- Fever o lagnat
- Dry cough
- Runny nose
- Sore throat
- Inflamed eyes (conjunctivitis)
- Skin rash
Kapag nakaramdam o nakakita ng mga nasabing sintomas lalo na sa mga bata ay dalhin agad ito sa doktor para mabigyan ng kaukulang medikal na atensyon at malunasan.
Source: Philstar
Basahin: Tigdas o Measles: Isang gabay tungkol sa sakit na ito
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!