Malaking bagay para sa mga Pilipino ang pagdiriwang ng pasko. Mula sa mga palamuti, mga pagkain, hanggang sa mga regalo, marami ang mga nagiging gastusin sa panahon na ito. Minsan ay hindi na napapansin ang laki ng ginagastos lalo na kapag natanggap na ang 13th month pay. Subalit, dahil hindi napapansin ang gastos may ilan na pagkatapos magdiwang ay baon sa utang. Huwag mag-alala dahil ito ang aming 10 tips para hindi mabaon sa utang ngayong pasko!
Paano hindi magiging baon sa utang pagkatapos ng Pasko?
1. Maagang maghanda
Makakabuti na maagang pinaghahandaan ang ano mang may kaakibat na gastusin. Tandaan din na mahalagang magkaroon ng budget na hindi lalampasan. Magtakda ng ilalaan na halaga sa bawat regalo at paghahanda at huwag lumampas dito. Hindi kailangan magbigay ng mamahaling regalo kung sa dulo naman ay baon sa utang ang kahahantungan mo. Sabi nga nila, it’s the thought that counts.
2. Para hindi baon sa utang: Huwag kalimutan ang mga bayarin
Pasko man at maraming sale, huwag dapat kalimutan ang mga dapat bayaran. Magtabi na ng pera para sa upa, kuryente, pagkain, at iba pang naunang utang. Kailangang siguraduhin na hindi mapapabayaan ang mga ito dahil kung hindi ay mas malaki ang kapalit na sakit sa ulo.
3. Huwag umasa sa mga overdraft
Ang overdraft ay ang pagpayag ng mga bangko na ikaw ay kumuha ng pera kahit pa lagpas ka na sa iyong credit limit. Ibig sabihin, ikaw ay pinapahiram ng pera ng higit pa sa meron ka. Huwag umasa sa mga ito at kausapin ang iyong bangko kapag alam na malapit mo nang maabot ang credit limit. Kung mapabayaan ito, mas malaki ang magiging gastos.
4. Simple lang
Kung kayang bayaran ang mga bagay gamit ang pera, cheque, o debit card, piliing gamitin ang mga ito. Mas makakabuti na gastusin ang perang iyo na kaysa gumamit ng credit cards nang hindi pa sigurado ang maipapangbayad. Ang panahon lamang na siguradong hindi problema ang paggamit ng credit cards ay kapag may sapat kang pera para bayaran ito at mas mura mong makukuha ang bilihin sa paraan na ito.
5. Magtingin-tingin
Kapag nakita ang isang bagay na nais mong bilhin, makakabuti kung mag-ikot pa para tumingin kung may katulad nito sa ibang lugar. Kadalasan, mayroong mahahanap na katulad nito sa mas murang halaga. Sumubok ng maraming tindahan hangga’t maaari at bilhin kung ano ang gusto mo at hindi ang sinasabi ng iba na kailangan mo. Suriin din ang mga extended warranty, minsan ay mas makakamurang magpagawa kaysa kumuha nito.
6. Para hindi baon sa utang: Bumili sa sigurado
Makakabuti na bumili ng mga gamit mula lamang sa mga authorized sellers nito. Kapag gawin ito, maiiwasan ang panganib ng pagkakaroon ng depekto ng binili at masmahal na pagpapagawa. Iwasan din ang humiram ng pera sa mga unauthorized na nagpapahiram ng pera. Kadalasan, nakakatulong ito sa simula ngunit nagdudulot ng malaking problema pagdating sa laki ng interest.
7. Siguraduhin ang pipirmahan
Suriing mabuti ang kontrata sa pagkuha ng credit cards bago ito lagdaan. Siguraduhin na walang hidden charges na ikakagulat mo sa oras ng pagbabayad. Siguraduhin din na kaya mong bayaran ang monthly dues dahil kahit wala itong interes, kapag hindi nakabayad nang isang buwan ay maaaring mapagbayad pa ng masmalaking halaga sa huli.
8. Magsagawa ng credit check para hindi baon sa utang
Hindi lahat ng credit cards ay pare-pareho. Makakabuting suriin kung ano ang mga pinakamagandang deals sa bawat card na mayroon ka. Maaaring mas mura sa isa ngunit may ilang buwan naman na walang interes ang pagbabayad sa kabila. Gumawa ng budget para sa mga ito at huwag kaligtaan ang mga due dates.
9. Maging organisado
Marami mang iniisip sa panahon na ito, malaking tulong ang pagiging organisado. Tandaan ang mga dapat bayaran sa iyong credit cards pati na ang mga due dates nito. Siguraduhin na makapagbayad ng kahit minimum amount sa bawat due date para hindi singilin ng dagdag na bayad.
10. Maghanda sa susunod na pasko
Pagkatapos ng mga pagdiriwang, bigyang pansin ang iyong mga napaggastusan. Isipin kung saan saan nakamura at napamahal. Matuto sa mga ito at simulan nang maghanda para sa susunod na pasko. Sabi nga sa unang tip, makakabuting maghanda nang maaga.
Nakaka-temp na gumastos nang gumastos dahil sa dami ng mga sale at pati narin sa kasanayan ng pagbibigay ng regalo. Ganunpaman, pag-isipang mabuti ang iyong mga bibilhin para hindi baon sa utang pagdating ng bagong taon.
Tipid tips ngayong pasko para hindi baon sa utang pagkatapos
Narito pa ang ilang tips na maaari mong gawin upang hindi mabaon sa utang ngayong pasko.
- Planuhing maigi ang mga bibilihin. Maglaan ng budget para sa mga kailangang bilihin at tiyaking mag-stick sa budget plan na ito para maiwasan ang labis na paggastos.
- Kung may naiisip na iregalo sa mahal sa buhay, subukan munang maghanap ng mas murang alternatibo. Halimbawa ay may nakita ka sa mall na naisip mong magugustuhan ng pagbibigyan mo, mag-research muna sa online stores tulad ng Shopee at Lazada at baka sakaling may mahanap kang kaparehong produkto sa mas mababang presyo.
- Kapag wala talagang perang mailaan para sa Christmas shopping, tandaan na ang tunay na diwa naman ng pasko ay nasa puso at hindi nasa mga materyal na bagay. Sa ano mang paraan, mahalagang maiparamdam mo ang iyong pagmamahal sa iyong kapwa sa araw ng pasko at matapos ito.
- Mag-DIY ng pangregalo. Pwede mo itong gawin lalo na kung mahilig ka sa arts and crafts. Halimbawa ay marunong kang mag-gantsilyo o crochet. Puwede mong gawan ng sweater, wallet, manika o damit ang inaanak mo at ito ang gawin mong pamasko. Pwede ring gumawa ng personalized greeting card na bukod sa personal at tiyak na makahulugan.
- Maghanap at suriin ang mga produktong naka-sale. Tingnan nang maigi kung talaga bang mas makakamura kung ito ang bibilhin.
- Bilihin lamang ang mga kailangan. Totoo nga naman na nakaka-tempt gumastos dahil sa kaliwa’t kanang Christmas sale. Pero huwag kalimutan na sa hirap ng buhay ngayon mahalagang bilihin lamang natin kung ano ang pangangailangan.
Updates by Jobelle Macayan
Basahin din: 7 tips para maka-ipon ng malaking pera
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!