Isang 3-taong gulang na batang babae ang walang takot na nagsumbong na siya ay minolestiya ng kaniyang ama sa kanilang tahanan sa Laoac, Pangasinan. Walang kaalam-alam ang bata na ginagawan na siya ng kahalayan ng kaniyang ama.
Minolestiya ng kaniyang ama
Natuklasan ng mga tagapag-alaga ng bata ang sekswal na pang-aabuso nang mapansin nila na tila may kakaiba sa ari ng bata na itinago sa pangalang “Monique.”
Tinanong nila ang bata kung ano ang nangyari sa kaniya. Isinumbong at ipinakita ni Monique ang lahat ng ginawa ng kaniyang ama sa kaniya.
“Talagang ‘yon ang sabi ng bata, e. Maski balik-baliktaran mo ‘yon, ‘yon ang sinasabi niya talaga, e. ‘Sinong gumawa sa ‘yo?’ ‘Ito, ito, ito, papa ko,’ papa ko sabi niya, e,” sabi ng tagapag-alaga.
Agad na humingi ng tulong sa pulisya ang mga tagapag-alaga at naaresto ang 43-taong gulang na ama ni Monique.
Sa imbestigasyon ng mga pulis, sinabing lasenggero ang ama ni Monique.
“Laging umiinom, laging lasing pagkagaling sa pagtitinda,” sabi ng deputy chief ng Laoac PNP na si Police Lieutenant Geronimo Mamaril.
Todo tanggi naman ang ama ni Monique sa akusasyon sa kaniya.
“Hindi ko ginawan ng masama ang anak ko, sir. At saka hindi ko puwedeng gawin sa anak ko dahil mahal na mahal ko ‘yung anak ko na ‘yon,” giit niya.
“Sa kaniya ko inilaan ang buhay ko kahit na hirap na hirap ako sa pagha-hanapbuhay para bigyan ko siya ng magandang kinabukasan.”
Lumabas sa medical certificate ni Monique na may nakitang lacerations sa ari niya, indikasyon na siya ay minolestiya ng kanyang ama.
“Kakasuhan po natin siya ng rape in relation to republic act 7610,” sabi ni Deputy chief Mamaril.
Napag-alamang nagtatrabaho ang ina ni Monique sa Pampanga kaya inaayos na ang mga kaukulang dokumento ng bata upang pansamantalang mailipat siya sa kustodiya ng DSWD Pangasinan.
Paano malalaman ang senyales ng sekswal na pang-aabuso sa bata?
Ang mga batang sekswal na inabuso ay malamang na hindi makipag-usap tungkol sa mga nangyayari sa kanila dahil ikinahihiya nila ito. Maaari rin na sila ay pinagbabantaan ng umaabuso sa kanila o sila ay bine-brainwash upang manahimik sila.
Kaya paano mo malalaman ang mga senyales ng sekswal na pang-aabuso sa bata? Narito ang ilang senyales na dapat mong bantayan.
Mga senyales ng sekswal na pang-aabuso sa bata:
1. Biglaang pagbabago sa pag-uugali. Kung napansin mong umuurong, masyadong clingy o biglang nagiging agresibo ang bata, ito ay isa ng senyales.
Maaari rin silang maghirapan sa pagtulog, hindi napipigilang maihi sa higaan, o nagkakaroon ng masasamang panaginip.
2. Iniiwasan ang taong nang-abuso sa kanila. Ang bata ay maaaring magsimulang magpakita ng pagkamuhi sa taong umabuso sa kanila o natatakot sa isang partikular na tao at umiiwas silang makasama ito.
3. Malaswang pag-uugali. Ang mga batang inabuso ay maaaring magsimulang gumamit ng mga malalaswang salita o magpakita ng kalaswaan sa iba.
4. Nagbibigay ng mga palatandaan. Ang ilang bata ay maaaring magbigay ng ilang palatandaan na sila ay naaabuso. Maaaring ang iba sa kanila ay magsabi ng totoo sa iyo.
Mahalagang imbestigahan at huwag ipawalang-saysay ang anumang sinasabi ng bata.
Source: GMA News Online
Images: Shutterstock
BASAHIN: Daddy, minolestiya ang 3 anak na may edad 5, 3 at 1 taon