Naisip mo na bang maikasal sa isang taong sa tingin mo ay kilala mo na nang lubusan, pagkatapos ay malalaman mo lamang na siya pala ang pinakamasamang tao para maging asawa at katuwang sa pagbuo ng sarili mong pamilya? Narito ang kuwento ng tatlong bata na nagpakita ng senyales ng sekswal na pang-aabuso… mula sa kanilang sariling ama.
Daddy, ikinulong matapos molestiyahin ang kanyang mga anak
Source: Shutterstock
Kamakailan lang, isang 32-anyos na mommy ang nabigla nang malaman na ang kaniyang asawa (na 32-anyos din) ang nangmolestiya diumano sa kanilang 3 maliliit na anak na babae. Ang mga bata, na may edad 5, 3 at 1 taon, ay nagsumbong na sila ay paulit-ulit na inaabuso ng kanilang daddy sa pamamagitan ng pagpasok ng daliri nito sa kanilang mga ari.
Nalaman lang ng mommy ang pang-aabuso matapos magsumbong ang 3-taong gulang na anak sa kanilang lola. Ayon sa Kajang OCPD Asst. Comm. Ahmad Dzaffir Mohd Yussof, sinabi ng 3-taong gulang na bata sa kaniyang mommy na ipinapasok ng kaniyang daddy ang daliri nito sa kaniyang ari at puwet.
“Ang sumbong na ito ang nagbunsod sa iba pang anak na magsumbong na rin sa kanilang mommy na ganoon din ang ginagawa sa kanila ng kanilang daddy,” sabi ni Yussof. Nagsumbong na noon ang 3-taong gulang na bata sa kaniyang lola, isang taon na ang nakalilipas, ngunit hindi ito pinaniwalaan.
Agad na dinala ang 3 bata sa Kajang Hospital upang ipa-check up.
“Nadiskubre ng mga doktor na may mga naghilom na sugat sa ari ng mga biktima ngunit walang senyales ng pang-aabuso sa kanilang mga puwet” ayon kay ACP Yusoff. Walong taon nang kasal ang mag-asawa at may apat na anak, isa dito ay 7-taong gulang na lalake. Inaresto ng mga pulis ang tatay sa kaniyang pinapasukang trabaho noong Oktubre 25 sa Sungai Long, Malaysia.
“Siya ay naikulong na at amin nang ipinasa ang mga investigation papers sa Deputy Public Prosecutor na may mungkahing kasuhan ang suspek ng paglabag sa Section 14(a) ng Sexual Offences Against Children Act 2017,” dagdag pa ni Yusoff.
Kung mapatunayang may-sala, maaari siyang masentensiyahan ng hanggang 20 taong pagkakakulong at paglalatigo.
Paano malalaman ang senyales ng sekswal na pang-aabuso sa bata?
Source: Shutterstock
Ang mga batang sekswal na inabuso ay malamang na hindi makipag-usap tungkol sa mga nangyayari sa kanila dahil ikinahihiya nila ito. Maaari rin na sila ay pinagbabantaan ng umaabuso sa kanila o sila ay bine-brainwash upang manahimik sila. Kaya paano mo malalaman ang mga senyales ng sekswal na pang-aabuso sa bata? Narito ang ilang senyales na dapat mong bantayan.
Mga senyales ng sekswal na pang-aabuso sa bata:
- Biglaang pagbabago sa pag-uugali. Kung napansin mong umuurong, masyadong clingy o biglang nagiging agresibo ang bata, ito ay isa ng senyales. Maaari rin silang maghirapan sa pagtulog, hindi napipigilang maihi sa higaan, o nagkakaroon ng masasamang panaginip.
- Iniiwasan ang taong nang-abuso sa kanila. Ang bata ay maaaring magsimulang magpakita ng pagkamuhi sa taong umabuso sa kanila o natatakot sa isang partikular na tao at umiiwas silang makasama ito.
- Malaswang pag-uugali. Ang mga batang inabuso ay maaaring magsimulang gumamit ng mga malalaswang salita o magpakita ng kalaswaan sa iba.
- Nagbibigay ng mga palatandaan. Ang ilang bata ay maaaring magbigay ng ilang palatandaan na sila ay naaabuso. Maaaring ang iba sa kanila ay magsabi ng totoo sa iyo. Mahalagang imbestigahan at huwag ipawalang-saysay ang anumang sinasabi ng bata.
Ang mga batang sekswal na inabuso ay dapat na payagang mapasailalim sa isang counselling upang matulungan silang malagpasan ang sinapit na pang-aabuso. Narito ang ilang epekto ng sekswal na pang-aabuso sa bata.
- Pagkalito. Kadalasan, ang mga bata ay sinanay upang isipin na ang pang-aabuso ay ayos lamang. Salungat sa iniisip ng karamihan, hindi lahat ng sekswal na pang-aabuso ay nagtatapos sa sakit o kirot. Ang resulta, nawawala sa mga bata ang konsepto ng pagkakaroon ng hangganan o boundaries at nalilito sila sa kung ano ang tama at maling uri ng hipo. Hindi maproseso sa isip nila kung ano ang nangyari sa kanila dahil hindi nila ito lubusang nauunawaan. Mali ba talaga ito? Ito ba ay makakapagparumi sa akin? Ano ang mangyayari kung magsumbong ako ngayon? Ano ang iisipin ng pamilya at mga kaibigan ko sa akin?
- Pagsisi sa sarili. Kapag ang bata ay sinanay sa pang-aabuso, magsisimula na silang maniwala na sila ang responsable sa naranasan nilang pang-aabuso. Napapaniwala sila na ang may kasalanan sa pang-aabuso ay sila mismo at hinayaan nila ang sarili nilang molestiyahin.
- Kahihiyan. Hindi man nila lubusang nauunawaan ang mga nangyayari, ang kakila-kilabot na karanasan ay makakapagparamdam sa kanilang wala silang kwenta at marumi.
- Pagkatakot. Ang mga abusado ay laging naninindak at ipinapahiya ang mga bata upang pigilan silang magsumbong sa iba. Nakalulungkot, inaabot ng maraming taon bago nila maramdamang ligtas na sila.
- Pagkalumbay. Kung ang nang-abuso ay miyembro ng pamilya o kamag-anak, ang mga bata ay maaaring magdalahamhati sa nasirang relasyon. Oo, ang malapit na ugnayan ay maaaring mangyari sa pagitan ng biktima at nang-abuso.
- Pagkapoot. Ang ilang bata ay maaaring magpakita ng matindi at hindi mapigilang galit. Dahil hindi nila masabi ang tungkol sa pang-aabuso, maaari nilang sisihin ang mga nag-aalaga sa kanila kung bakit hindi nila napigilan ang pang-aabuso o naprotektahan man lang sila mula rito.
- Kawalan ng tulong. Gayundin kapag inabot ng maraming taon bago nila malagpasan ang pang-aabuso, ito ay nangangahulugan din ng kawalan ng tulong sa isang biktima. Paano kung mangyari ito ulit sa kanila?
- Depresyon o matinding kapighatian. Kung hindi agad naaksyunan ang estado ng pag-iisip ng isang batang inabuso, maaari silang maging mailap sa mga tao at mawalan ng interes sa buhay.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Yddette Civ Alonzo-Cruz
BASAHIN: Turuan ang mga batang magsabi ng “Huwag!”
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!