Bata nagbebenta ng medalya para may pagkain. Tulong mula sa mga concerned netizens bumaha ng mapanood ang panawagan ng bata.
Bata nagbebenta ng medalya para may pagkain
Dahil sa kagustuhang makatulong sa kaniyang ina, nag-trending ang video ng batang si Kenneth sa social media. Sa video ay itinatampok ng bata ang 50 medalya na nakuha niya sa school. Pero hindi lang basta ibinibida ni Kenneth ang resulta ng pagsisikap at pagiging marunong niya. Sa video ay nanawagan si Kenneth sa kung sino mang nais bumili ng mga medals niya. Upang makaipon ng pera pambili ng pagkain ng kanilang pamilya.
“Mga medals ko po binebenta ko po. Bente-bente lang po. Salamat po.”
Ito ang panawagan ni Kenneth na maririnig sa video.
Si Kenneth ay siyam na taong gulang at isang grade 4 student. Kasama ang kaniyang isang kapatid at single mother na ina ay nagungupahan sila sa isang maliit na kwarto sa Cubao, Quezon City. Dating ladyguard ang kaniyang ina ngunit ng dahil sa COVID-19 pandemic ay nawalan ito ng trabaho. At nalubog sila sa utang para lang maka-survive sa gitna ng nararanasang pandemya.
Ang kanilang kuwento naitampok sa GMA News program na Kapuso Mo, Jessica Soho na nagpakita ng nakakaawa ngunit nakaka-inspire na kuwento ng mag-iina.
“Itong pandemic po sobrang hirap po. Sunod-sunod kaming nagkasakit. Nabaon ako sa utang. Sabi ko nga ayoko magkasakit ang anak ko. Syempre nanay ako e mas masakit sakin yun. Bawal din ako magkasakit, dahil paano sila kung nakahiga ako? Hindi pwedeng umasa kahit kanino, Kailangan babangon ako. Kailangang bumangon.”
Ito ang pahayag ng ina ni Kenneth na si Cherryl Mendoza sa panayam sa kaniya ng programa.
Sakripisyo ng isang ina
Sa kabila ng hirap ng pagpapalaki ng dalawang bata na nag-iisa ay hindi pinanghinaan ng loob si Cherryl. Maliban nga sa pagiging lady guard ay suma-sideline rin siya bilang kasambahay para lang maibigay ang pangangailangan nila. Para magawa niya ito ay kailangan niyang iwan ang dalawa niyang anak sa bahay. Na kung saan madalas sa loob ng isang linggo ay isang araw lang sila nagkakasama. Kaya naman hangga’t maari ay bumabawi siya sa mga anak. Inilalabas niya ang mga ito, ngunit hindi pala ito ang gusto ng mga anak niya na mas lalong nagpapahirap at nagpapasakit sa damdamin niya bilang isang ina.
“Minsan nagsasabi ng dinadaan mo naman kami sa labas e, sa pagkain sa labas. Pero gusto namin nandito ka. May time pa yan na day-off sasabihin niya huwag tayong bumangon. Gusto ko nakahiga lang tayo buong maghapon. Magkatabi kahit hindi tayo kakain, ok lang basta kasama ka namin. Kasi sa isang linggo isang beses ka lang namin nakakasama”, kuwento pa ni Cherryl.
Dahil nga daw sa kawalan ng oras niya sa mga anak ay naisipan narin daw minsan ni Kenneth na huminto sa pag-aaral. Ito ay dahil nabubully na siya sa eskwelahan at kapag recognition day siya lang ang umaakyat sa stage at tumatanggap ng medalya na walang magulang o nanay na kasama.
Pagmamahal at pagsisikap ng mga anak
Pero laking pasalamat ni Cherryl dahil sa kabila ng hirap ng buhay at kawalan ng oras niya sa mga anak dahil sa pagtratrabaho ay maganda ang naging performance ng mga ito sa eskwelahan. Lalo na si Kenneth na nagpakita ng galing sa mga subjects na Math at English.
“Lagi po yang nagbabasa nasa upuan lang po siya. Tutuk po yan sa kaniyang mga books. Sa Math po siya nag-iexcel saka sa English.”
Ito ang pahayag ni Marites Carizal dating teacher ni Kenneth.
Ayon naman kay Kenneth, mahilig talaga siya sa numbers at sa subject na Math. At ang mga medals niya ay talaga nga namang pinaghirapan niya. Pero dahil sa kagustuhan niya na makatulong sa nahihirapan niyang ina dahil sa sitwasyon nila ay ibinebenta niya ang mga ito.
“Nahihirapan po ako kapag nahihirapan si Mama. Iniisip ko lang po kung makakabayad pa kami ng bahay. Kasi kapag hindi kami nakabayad papalayasin kami dito. Naisip ko po ibenta po mga medals ko. Kasi kapag pinatagal ko pa dun sa lagayan baka po mangalawang.”
“Pero pinaghirapan ko po yun. Gusto ko po ibenta kasi nahirapan na si Mama ng sobra. Kahit marami na po kaming pinagdaanang pagsubok hindi niya kami iniwan.”
Ito ang pahayag ni Kenneth.
Pangambang nabigyan ng solusyon
Hindi naman inaasahan ni Cherryl na kayang gawin ito ng kaniyang anak. Pero labis siyang na-touch sa ipinakitang pag-aalala nito sa kaniya at sa pinagdaanan nila.
“Hindi ko expect na gagawin niya yun. Para sa akin ayoko. Unang-una hindi naman dapat e. Pangalawa, yung hiya. Pero masakit kasi maraming nagsasabi nanglilimos”, sabi ni Cherryl.
Pero hindi lang dito natatapos ang problema nila Cherryl. Dahil sa nalalapit na pasukan ay nanganganib na hindi makapag-aral sila Kenneth. Ito ay dahil wala silang kakayahan na makasama sa mga online classes na isinusulong ng DepEd. Sapagkat wala silang laptop o computer at wala ring internet.
“Kung online po talaga baka hindi sila makapasok ngayong school year na to. Kasi yung cellphone namin mahinang klase. Wala rin naman kaming WIFI.Hindi rin araw-araw may load kami. Syempre pagkain parin priority kaysa load, internet.”
Ito ang pahayag pa ni Cherryl. Pero ang mga pangamba na ito ni Cherryl ay nabigyang solusyon ng kaniyang anak na si Kenneth. Ito ay sa pamamagitan ng video ni Kenneth na nagpapakita sa isang bata nagbebenta ng medalya para may pagkain. Marami ang nakapanood nito at marami na ang nagpaabot ng tulong sa mag-iina.
Tulong mula sa mga mabubuting netizen
“Noong pinanood ko na yung video ni Kenneth palang noon, grabe umiiyak po ako noon. Ramdam ko po yung awa sa bata. Kasi nakita ko po nararamdaman ko bilang isang ina may mga anak po ako. Napakahalaga po sa kanila yung medal. Sabi nga po ng mga anak ko, kayamanan namin ito na hindi mawawala.”
Ito ang pahayag ni Pinky Menor Encapas isang netizen na nakapanood ng video ni Kenneth at nagpaabot ng tulong sa pamilya.
Samantala, may isang doktor rin ang nakanood ng video ni Kenneth at naisipang bigyan ng laptop sila Kenneth na magagamit sa pag-aaral nila. Siya ay Dr. Christian Santos na nagmamay-ari ng isang laptop shop.
“Coming doon sa family ng masa, ni-rerepresent niya yung maraming Pinoy e na ang magulang single mother, single parent. Isang kahig, isang tuka. Tapos nalaman ko nga na medals pala niya ang bebenta niya dapat. May potential yung bata despite sa status niya sa bahay. So tingin ko mas makakatulong ng malaki na ma-enhance niya pa knowledge niya sa laptop.”
Ito ang pahayag ni Dr. Santos.
Kinumpleto naman ng programang Kapuso Mo Jessica Soho ang kailangan ng mga bata. Maliban sa cash ay binigyan rin nila ang mga ito ng internet broadband na mgagamit nila sa kanilang pag-aaral.
Pasasalamat ng mag-iina
Labis-labis naman ang pasasalamat ni Kenneth at ng ina niyang si Cherryl sa kanilang natanggap.
“Natutuwa po ako kasi hindi ko po ini-expect na may mga taong handang tumulong ng walang kapalit. Kahit hindi nila kadugo, sobrang laking pasasalamat ko sa mga taong may ginintuang puso. “
Ito ang pahayag pa ni Cherryl.
Basahin:
Batang naglalako ng pagkain para matulungan ang magulang, sinampal at sinipa ng mga bully