Isang 13-year-old na babae ang nakagat ng asong infected ng rabies. Namatay sa rabies ang batang babae makalipas ang dalawang buwan mula nang ito ay makagat ng aso.
Batang babae namatay sa rabies!
Ipinakita sa report ni Darlene Cay sa 24-Oras ang video ng 13-anyos na babae na namatay sa rabies. Sa video, makikita ang biktimang si Jamaica na nakatali sa hospital bed dahil umano nagwawala ito.
Kwento ng ina ng biktima na si Roselyn Seraspe, bigla na lang nanghina ang kaniyang anak at bumula ang bibig nito.
Aniya, dinala niya ang kaniyang anak sa ospital nang ito ay lagnatin at makaramdam ng anxiety.
“Sabi niya, ‘Mama hindi na ako maka-inom, hirap na akong maka-inom ng tubig. Mama baka may rabies na ako.’ Doon sa narinig ko na may rabies. Sabi ko, ‘Bakit? Nakagat ka ba ng aso?’” kwento ng ina.
Nalaman ni mommy Roselyn na kinagat pala ng aso ang anak noon pang February sa Vitas Park sa Tondo.
“Sabi ko bakit ngayon ka lang nag-sabi? Mama, sorry Mama, sorry sabi niyang ganon. Sabi ko hindi naman ako magagalit sayo kung sinabi mo, dapat naagapan. ‘Ma, mamamatay na ba ako, mamamatay na ba ako?’ Doon ako kinabahan parang gusto ko nang mag-hysterical,” salaysay pa ni mommy Roselyn.
Makalipas umano ang 12 oras matapos dalahin ito sa ospital ay dineklara na ring patay ang bata. At base sa death certificate nito, ang cause of death ay rabies encephalitis.
Larawan mula sa Shutterstock
Hindi lang isa, kundi 8 ang nakagat ng aso
Ayon sa imbestigasyon ng mga opisyal ng barangay, hindi lang pala si Jamaica ang nakagat ng asong may rabies. May pitong tao pa na kinagat ito sa parehong araw din kung kailan nakagat ang 13-anyos.
Kaya lamang ang ilang nakagat ay agad na ginamot ang sugat at inireport sa barangay ang aso na agad ding nahuli. Dinala raw sa Vitas Veterinary Board ang aso at namatay din ito makalipas ang 8 araw.
Larawan mula sa Shutterstock
Paalala ng mga doktor, karaniwang ilang araw, linggo, o buwan bago maramdaman ang sintomas ng rabies kapag infected ka ng virus na ito. Kaya naman, kung makagat o makalmot ng aso o pusa, mas makabubuting linisin agad ang sugat at pumunta sa pinakamalapit na health center o ospital.
Hindi dapat na binabalewala ang rabies dahil ito ay nakamamatay.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!