Batang nabulunan sa marshmallow, nakita nalang na nangisay at hindi na makahinga sa Bataan.
1-anyos na batang nabulunan sa marshmallow
Nagluluksa ngayon ang pamilya ng isang taong gulang na batang babae sa Mariveles, Bataan na si Princess. Dahil si Princess, nasawi nitong Septyembre 2 matapos mabulunan sa kinakaing marshmallow.
Ayon sa report ng mga pulis, naganap ang insidente sa Barangay Licunan sa bahay ng biktima kasama ang kaniyang ina. Nalingat lang daw sandali ang ina. Maya-maya ay nakita na si Princess na nangingisay at hindi na makahinga. Naitakbo pa ito sa ospital ngunit ito pala ay huli na. Si Princess nakapulot at nakakain pala ng malaking piraso ng marshmallow na naisubo niya ng buo. Dahil dito ay nabulunan siya at hindi na nakahinga.
Pahayag ng lola ng bata na si Merlinda Austria, walang may kagustuhan sa nangyari. At hindi naman daw nagpabaya ang ina ng bata.
“Pinapakain ng nanay ‘yun, eh bantay-bantay naman niya, kaya lang pagkuha niya ng tubig, ayun na nga ho, siguro, nakapulot ng malaking marshmallow, kasi ho ginugupit gupit niya yun.”
“Hindi nila kasalanan, wala namang may gusto na mamatay yung apo ko, sino bang may gusto.”
Ito ang pahayag ni Lola Merlinda.
Magkaganoon man ayon sa PNP Bataan ay patuloy parin nilang iimbestigahan ang nangyari. Kung sakaling mapatunayan na may negligence sa nangyari sa batang nabulunan ng marshmallow ay maaring maharap sa kaso na reckless imprudence resulting to homicide ang mga magulang nito. Ito ay may kaugnayan sa paglabag sa RA 7610 o Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Paalala sa mga magulang
Kaya naman payo ng mga eksperto, maging maingat at mahigpit na bantayan ang mga batang maliliit pa. Dahil ang mga insidenteng ito ay maari namang maiiwasan.
“Kahit ano pa yan kahit marshmallow yan o kahit anong bagay pa yan, kailangan hindi iniiwanan mag-isa ang mga bata. Otherwise, they have the tendency to pick anything and then put in their mouth. Chowking and drowing yan dalawan cause of death ng mga babies from 1-5 which is pwedeng iwasan naman with strict supervision
Ito ang pahayag ni Dr. Paul Baltazar, isang pediatrician.
Choking hazards sa mga bata
Iwasan mangyari sa inyong ang anak ang kinahantungan ni Princess. Una sa pamamagitan ng hindi pagbibigay sa kaniya ng marshmallow at ang mga sumusunod na pagkaing itinuturing na choking hazards:
Mga pagkain
- Lollipops
- Piraso ng mansanas
- Piraso ng karne kabilang na ang manok at isda
- Nuts o mani
- Hilaw na carrots
- Hindi pa lutong beans o peas
- Mga buto
- Popcorn
- Grapes
- Hotdogs
- Sausages
Mga laruan o bagay
- Coins o mga barya
- Mga butones
- Mga laruan na may maliliit na parts
- Laruang kasya sa bunganga ng iyong anak
- Maliliit na bola o holen
- Lobo
- Maliit na tali o ipit sa buhok
- Takip ng ballpen o iba pang pens
- Maliliit na batteries
- Ref magnets
- Piraso ng dog food
First aid tips sa nabulunang bata
Kung sakali namang mabulunan ang iyong anak ay narito ang dapat gawing first aid tips para mailigtas siya sa seryosong kapahamakan:
Tanggalin ang nakabara sa lalamunan ng bata.
Ito ay maari lang gawin kung nakikita ang nakabarang pagkain o bagay sa lalamunan niya. Ngunit kung hindi ay mabuting huwag ng subukang itong galawin dahil maari lang itong maitulak papasok pa sa lalamunan niya.
Bigyan ng back blows ang nabubulunang bata.
Ito ay maisasagawa sa pamamagitan ng pagpalo sa likod ng bata sa gitna ng kaniyang mga balikat ng limang beses gamit matigas na parte ng iyong palad. Siguraduhing ang gagawing pagpalo ay malakas para matanggal ang bumabara sa kaniyang lalamunan.
Isagawa ang abdominal thrusts sa bata.
Ngunit kung ang pagkaing nakabara sa lalamunan niya ay hindi parin naaalis kahit nabigyan na ng back blows ang bata ay isagawa naman ang abdominal thrusts.
Maisasagawa ito sa pamamagitan ng pagtayo sa likod ng bata at paglagay ng iyong braso sa ilalim ng braso ng bata at sa paligid ng upper abdomen niya.
Saka isara ang isa sa iyong kamao at ilagay sa gitna ng kaniyang pusod at tadyang. Sunod na ipatong ang isa mo pang palad sa nakasarang kamao para may pwersa. Saka gamitin ito upang itulak ng papasok at pataas ng limang beses ang tiyan ng bata. Sa ganitong paraan ay magkakaroon ng pressure sa lungs niya na maglalabas ng hanging maaring makaalis sa pagkain o bagay na nakabara sa lalamunan niya.
Ngunit kung ang mga tips sa first aid pag nabulunan ang bata na mga ito ay hindi parin naging successful ay mabuting dalhin na agad siya sa doktor.
Tips para maiwasan ang choking sa mga bata
- Paupuin ang bata kapag pinapakain. Mas mabuting siya ay kinakausap o ini-entertain habang kumakain para hindi siya magkulit o magtatakbo na maari niyang ika-choke.
- I-encourage ang iyong anak na nguyain ng mabuti ang pagkain.
- Siguraduhing maliliit na piraso ng pagkain ang inihahain sa iyong anak. Para ito ay madali niyang mangunguya at malulunok.
- Sa mga baby, lutuin ng maayos at durugin ang mga matitigas na pagkain bago ipakain.
- Iwasang magbigay ng whole nuts sa mga bata. Maliban nalang kung sila ay 5-anyos na pataas.
- Ilayo o itaas sa mga lugar na hindi maabot ng iyong anak ang choking hazard o maliliit na bagay. Dahil maaring maging curios siya dito at akalaing ito ay pagkain.
- Bigyan ng mga solid at matitibay na laruan ang iyong anak at hindi yung madaling mabasag sa maliliit na piraso.
- Iwasang bumili ng laruan na ginagamitan ng button batteries.
- Ihiwalay ang mga laruan ng mga nakakabata mong anak sa kaniyang mga nakakatandang kapatid.
- At huwag babalewalain ang mga choking hazard warnings sa mga laruan o bagay na ibinibigay sa inyong anak.
Source:
BASAHIN:
WARNING: 9 na pagkain na hindi dapat pinapakain sa mga batang 5 anyos pababa