Malaki ang panganib na dulot ng pagbabara ng pagkain sa lalamunan ng mga bata. Sa totoo, kinikilala itong ika-4 na pangunahing sanhi ng kamatayan sa mga 5 taong gulang pababa.
Dahil dito, may ilang mga pagkain na hindi dapat ipakain sa mga bata. Ang mga pagkain na ito ay maaaring magbara sa kanilang mga lalamunan at dapat kilalaning choking hazards for toddlers.
9 na pagkain na hindi dapat pinapakain sa mga batang 5 anyos pababa | Image from Freepik
9 na pagkain na maaaring maging choking hazards for toddlers
- Hot dogs
- Mani at buto
- Karne at keso
- Buong grapes
- Candy
- Popcorn
- Buo-buong peanut butter
- Malalaking hiwa ng gulay
- Chewing gum
Bakit ito naging choking hazard sa toddlers?
Kadalasan, sa mga laruan at ilang gamit pambata makikita ang babala ng choking hazard. Kadalasan, nakalagay sa mag box kung ang isang laruan ay may maliliit na bahagi na maaaring malunok ng mga bata.
Subalit, hindi ito nakikita sa mga pagkain. Sa kasamaang palad, ang mga pagkain ay maaari ring bumara sa mga lalamunan ng mga bata. Ayon nga kay Hansa Bhargava, MD., senior medical officer at expert pediatrician ng WebMD, ang lalamunan ng isang bata ay kasing sukat lamang ng kanilang hinliliit. Dagdag pa na hindi sila laging ngumunguya, nagiging mapanganib ang ilang mga pagkain.
Sa isang post sa Facebook ng isang Australian na blogger, pinakita niya ang X-ray ng nagbarang grape sa lalamunan ng isang bata. Sa Scotland din, may 3 kaso ng mga bata na may nagbarang grape sa kanilang lalamunan. 2 sa mga ito ay namatay.
WARNING: 9 na pagkain na hindi dapat pinapakain sa mga batang 5 anyos pababa | Image from Unsplash
Iminumungkahi ni Bhargava na hiwain ang mga pagkain na ito sa maliliit na bahagi bago ipakain sa mga bata. Maaari rin durugin ang mga ito lalo na sa mga maliliit pang bata. Dapat din silang bantayan sa pagkain ng mga ito. Kailangang siguraduhin na ang mga gulay at prutas na dapat ay magbibigay sustansya sa mga bata ay hindi maging rason ng kanilang kamatayan.
CPR sa mga bata
Ano ang mga dapat gawin kung may pagkain na nagbara sa lalamunan ng isang bata? Kapag nakikita ang nakabara, tanggalin ito. Ngunit, kung hindi nakikita, huwag subukang gamitin ang kamay dahil maaari itong maging sanhi ng masmalalang pinsala. Hikayatin silang i-ubo ang kung ano mang nakabara, subalit kung hindi sila maka-ubo, palu-paluin ang kanilang likuran.
Wala pang 1 taong gulang
Umupo ka at idapa ang baby sa iyong mga hita. Suportahan ang kanyang dibdib gamit ang isang kamay at gamit ang kabila, paluin ang likuran ng bata sa gitna ng kanyang mga balikat. Gawin ito nang 5 beses.
Kung hindi parin natatanggal ang bara, magsagawa ng chest thrusts. Ihiga ang baby sa iyong mga hita. Maglagay ng 2 daliri sa gitna ng breast bones ng baby. Pindutin ito nang hanggang 5 beses para matulungan siyang malabas ang pagkain.
Ulit-ulitin ang mga ito hanggang sa matanggal ang nakabara sa lalamunan.
WARNING: 9 na pagkain na hindi dapat pinapakain sa mga batang 5 anyos pababa | Image from Unsplash
1 Taong gulang pataas
Tulad ng sa wala pang 1 taong gulang, idapa ang bata sa iyong mga hita habang ikaw ay naka-upo. Kung malaki na ang bata para dito, maaari siyang ipasandal ng paharap sa iyong kamay habang naka-upo. Paluin ng 5 beses ang likod ng bata, sa gitna ng mga balikat.
Kung hindi natanggal ang bata, abdominal thrusts ang isagawa. Magpunta sa likod ng bata at iyakap ang iyong mga braso sa kanyang katawan. Idaan ang iyong mga braso sa ilalim ng kanyang braso at ilagay ito sa bandang itaas ng tiyan ng bata. Iposisyon ang nakasarang kamay mo sa gitna ng pusod at ribs ng bata. Gamit ang magkahawak at nakasarang mga kamay, hilahin ang bata papalapit sa iyo nang 5 mabibilis na beses. Siguraduhing hindi malalagay ang pressure sa ribcage ng bata para hindi magdulot ng pinsala.
Makakabuti na kumuha parin ng tulong medikal, matanggal man ang nakabara o hindi. Kahit matanggal ito, hindi parin masisigurado na walang naiwan sa lalamunan ng bata. At kapag ang bata ay nabulunan, gising man ito o hindi, huwag siyang iiwanang mag-isa.
Sources:
WebMD, NHS UK
BASAHIN:
2-year-old girl dies after choking on bread
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!