Isang ina mula sa New Zealand ang nagulat nang makitang punong-puno ng amag ang baunan ng bata ng kaniyang mga anak. Dahil dito, ikinalat niya sa social media ang mga larawan upang magsilbing babala sa mga ina.
Punong-puno ng amag ang baunan ng bata!
Ayon kay Grace Bollen, naghuhugas siya ng baunan ng kaniyang mga anak nang may mapansin siyang kakaiba dito. Nakita niya na sa isang sulok nito ay mayroong bagay na kulay itim.
Dahil dito, naisipan niyang tanggalin ang glue na nakadikit sa baunan ng bata at buksan ito. Nagulat siya nang matagpuan na sa loob ng baunan, ay punong-puno ng amag!
Source: Facebook.com
Source: Facebook.com
Dagdag pa niya na halos mag iisang-taon nang ginagamit ng kaniyang mga anak ang kanilang mga baunan. Hiyang-hiya daw siya sa sarili dahil inakala niya na sapat na ang ginagawa niyang araw-araw na paglilinis ng mga baunan.
Dahil dito, kaniyang iminungkahi sa lahat ng magulang na kapag bibili ng baunan, ay piliin lang ang mga madaling linisin. Ito ay upang masiguradong kaya mong linisin at hugasan ang bawat sulok ng baunan ng bata.
Paano nagkakaroon ng amag ang mga gamit?
Ang amag, o mold, ay isang uri ng fungi na tumutubo sa mga basa at madilim na lugar. Karaniwang itong natatagpuan sa mga banyo, o kaya sa mga pader o kisame ng bahay.
Dito sa Pilipinas, madalas nagiging problema ang amag lalo na kapag panahon ng tag-ulan. Ito ay dahil walang oras matuyo ang mga gamit sa bahay kapag malakas ang ulan. Dahil dito, kapag may mga naiiwang gamit na basa tulad ng sapatos, twalya, damit, atbp., mas mabilis kumakalat ang amag.
Heto ang ilang mahalagang dapat tandaan upang makaiwas sa amag:
- Kapag mag-iiwan ng damit o mga twalya sa cabinet, siguraduhing tuyo ito bago ilagay sa loob.
- Hayaan munang matuyo ang mga basang sapatos sa labas ng bahay bago ipasok sa loob, o ilagay sa shoe rack.
- Siguraduhing walang tulo ang inyong kisame, dahil ang amag na tumutubo sa kahoy ay pwedeng makasira ng bahay.
- Tuwing umuulan, punasan agad ang mga tulo sa pader, dahil ito ay pwedeng magdulot ng amag na tumutubo sa loob ng pader.
- Pwede ring gumamit ng dehumidifier na mayroong sangkap na hinihigop ang tubig sa hangin. Makakatulong ito upang mabawasan ang humidity sa bahay, na nagiging sanhi ng amag.
- Kapag mayroon kayong gamit na may amag, pwede itong linisin gamit ang tubig na may suka, at ibilad sa araw upang masiguradong mamatay ang amag.
Source: Independent
Basahin: Mga karaniwang sanhi ng allergy sa bata
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!