Gamot sa allergy ng bata? Alamin dito ang payo ng doktor.
Mababasa sa artikulong ito:
- Posibleng sanhi ng allergy ng iyong anak
- Mga iba’t ibang uri ng allergy ng bata
- Gamot sa allergy at paano maiiwasan ito
May allergy ba ang iyong anak? Alamin rito ang mga posibleng sanhi, sintomas at gamot sa allergy ng bata.
Sa paglaki ng ating mga anak, marami tayong nadidiskubre tungkol sa kanila, maging tungkol sa kanilang kalusugan. Mahina ba ang immune system nila o bihirang magkasakit? Napapansin rin natin kung anu-anong mga sakit ang madalas nilang maranasan.
Bagamat karaniwan lang sa mga bata ang makakuha ng viral infection dahil sa hindi pa gaanong developed ang kanilang immune system, mayroon rin namang mga kondisyon na hindi dulot ng impeksyon o nakakahawang sakit.
Kung ang iyong anak ay madalas na bumabahing, o kaya naman nagkakaroon ng rashes na hindi naman malala subalit bumabalik, maaring senyales ito na mayroon silang allergies.
Sanhi ng allergy
Ang pagkakaroon ng allergy ay ang kakaibang reaksyon ng ating immune system sa isang bagay na karaniwang hindi naman nakakasama sa ibang tao.
Kapag ang isang bata ay allergic sa isang bagay, inaakala ng kaniyang immune system na makakasama ito sa kaniyang katawan, kaya gumagawa ito ng paraan para labanan ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng rashes, pagluluha, pag-ubo o pagbahing.
Ayon kay Dr. Angelica Tomas, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center, ang allergy ay posibleng mamana ng isang bata mula sa kaniyang mga magulang.
“We usually ask the parents kung may allergies like asthma, allergic rhinitis or mga food allergies, or allergies to medications. Kasi ‘pag ganoon, mataas ‘yong chance na namana ng mga anak nila ‘yong mga allergies.”
Subalit pwede rin namang magkaroon ng allergy ang isang bata kahit na walang allergy ang kaniyang mga magulang.
Napakaraming bagay sa ating kapaligiran na maaring magtrigger ng allergies ng bata. Tinatawag itong allergens, at maaaring nasisinghot, nakakain o nakukuha mula sa kagat o injection, o dumadaan sa balat.
Makakabuting malaman ng magulang kung ano ang sanhi ng allergy ng kaniyang anak para malaman ang tamang gamot sa allergy ng bata.
Narito ang mga karaniwang allergens na airborne o nakukuha mula sa hangin:
- dust mites o alikabok
- pollen (mula sa mga halaman)
- molds o amag
- balahibo ng hayop
- ipis at mga dumi nito
Ito naman ang mga allergens mula sa pagkain:
- gatas
- itlog
- seafood
- mani
- soy
- wheat
Ang iba pang posibleng sanhi ng allergies ay kagat ng mga insekto, mga gamot at iba pang chemicals tulad ng mga household cleaning products o pesticides.
Ano nga ba ang mga iba’t ibang allergic conditions?
Dahil sa iba-iba ang mga allergens depende sa tao, iba-iba rin ang posibleng epekto nito sa kanila. Narito ang ilang posibleng sintomas o senyales ng allergies.
1. Rashes, makating patse sa balat, o contact dermatitis
Kapag may lumabas na mga pamumula sa balat sa iba’t ibang parte ng katawan, dahil sa pagkaka-expose o paghawak sa isang allergen, ito ang tinatawag na allergic contact dermatitis.
Ilan sa mga sintomas nito ang labis na pangangati, pabalik-balik na pantal, labis na pamumula ng balat o makakapal na patse sa balat, at minsan ay maliliit na pantal sa balat.
May pamamaga na tinatawag na angioedema. Ito lumalabas sa balat sa paligid ng mata, bibig, at genitals. Sa mga sanggol, lumalabas ito sa pisngi, likod ng tainga, dibdib, likod, braso, mga binti at singit.
Ang mga sanggol ay mas malapit sa skin allergies kaysa sa matatanda, at hindi dapat ipinagwawalang-bahala.
2. Anaphylaxis
Ito ay isang malubhang allergic reaction at mabilis na lumalala, na kapag hindi naagapan ay lubhang delikado. Ang karaniwang allergens na nagdudulot nito ay mga pagkain, gamot, kagat ng insekto, latex, atbp.
Karaniwang sintomas nito ay ang bangangati ng balat, pabalik-balik na pantal, hirap sa paghinga sanhi ng pamamaga ng lalamunan o dila, pagsusuka, pagkahilo, at mababang presyon, at maaaring lumala o kumalat kaagad.
3. Allergic Rhinitis
Larawan mula sa Freepik
Kapag ang allergy ng bata ay napapansin sa madalas na pagbahing lalo na sa umaga at pangangati o pamumula ng mata, maaaring ito ay allergic rhinitis na sanhi ngusok ng sigarilyo, viral infections, pollen, alikabok o dust mites sa carpet, kama, unan, airconditioning, mga mabalahibong hayop tulad ng pusa o aso, malamig na panhon o hangin, pagpapalit ng panahon (biglang init o biglang lamig), pag-eehersisyo, at maski stress ay sanhi ng hika.
4. Eczema o atopic dermatitis
Ang mga food allergies ay nakakapagpalala dito, pero hindi ito ang tanging sanhi. Nati-trigger ito ng mga allergens at irritants tulad ng pawis, o labis na tuyong balat, at lumalala dahil sa impeksiyon. Pwede ring dahil sa alikabok at usok, pagpapalit ng panahon, o exposure sa biglang init o biglang lamig.
May mga allergies din sa pagkain na maaaring hindi direktang kinakain ng bata pero nakukuha mula sa breastfeeding. Nariyan rin ang mga allergen mula sa sabon, shampoo, lotion, oil, atbp.
Sa mga sanggol, ang eczema ay mapapansin sa pamamagitan ng dry at kumakapal na patse sa balat, maaaring mapula na umiitim sa paglaon, pangangati, na nagkakaron ng matubig tubig na pantal.
Madalas ito ay nasa isang bahagi lang ng katawan—anit, binti, likod, braso, at minsan ay kumakalat din. Namamana ang ezcema, at walang tuluyang gamot para dito.
Ano ang mga gamot sa allergy?
Ang numero unong paraan para maiwasan ang pag-atake ng allergy ay ang pag-iwas na ma-expose sa mga allergens na maaring makapagsimula nito.
Sa oras na umatake ang allergy, mayroon namang maaring gawin upang maibsan ang mga sintomas nito. Ang mga gamot sa allergy na maari mong subukan ay ang sumusunod.
Subalit isang paalala, mabuting bago gumamit ng mga gamot sa allergy na ito ay kumonsulta muna sa isang doktor. Ito ay para makasiguro na angkop o ligtas sa bata ang paggamit ng mga ito.
Antihistamine
Ang antihistamine ay ang pangunahing gamot sa allergy. Ayon kay Dr. Tomas, ito ang pinakakaraniwang gamot sa allergy at ligtas naman sa mga bata, basta maibigay nang tama.
“‘Pag ganun, pwede sila magbigay ng antihistamine pinaka-common na pwedeng gamot.” aniya.
Depende sa bahagi ng katawang apektado ng allergy, ang antihistamine ay maaring ma-intake sa pamamagitan ng isang tablet o capsule. Maaari ring isa itong cream na ipinapahid sa balat, o kaya naman ay in liquid form na maaring isang eye drop o kaya naman ay nasal spray.
Ginagamit ang antihistamine sa tuwing napapasin ang sintomas ng allergic reactions o kaya naman ay upang maiwasan ang allergic reactions sa mga pagkakataong alam mong mai-expose ka sa mga allergens.
Decongestants
Para naman sa baradong ilong dulot ng allergy ay maaaring gumamit ng mga decongestants. Ito ay maaaring isang tablet, capsule, nasal spray o liquid.
Pero ito ay hindi dapat ginagamit ng higit sa isang linggo dahil sa halip na pabutihin nito ang pakiramdam mo ay baka mas lalo pa nitong palalain ang sintomas ng allergy mong nararanasan.
Lotions at creams
Ang mga mapupula at makakating balat naman dulot ng isang allergic reaction ay maaaring malunasan gamit ang mga over-the-counter creams at lotions.
Tulad ng moisturizing creams para mapanatiling moist ang balat at maprotektahan ito mula sa allergens. Para naman maibsan ang pangangati, maaring gumamit ng calamine lotion.
Para naman maiibsan ang pamamaga ay maaaring gumamit ng steroids na dapat ay may rekomendasyon o payo ng isang doktor.
Larawan mula sa Woman photo created by jcomp – www.freepik.com
Steroids
Ang mga steroids na maaring makatulong na maibsan ang pamamaga dulot ng allergic reaction ay available bilang:
- nasal sprays at eye drops para sa inflamed na mata at ilong.
- Creams para sa eczema at contact dermatitis.
- Inhalers para asthma.
- Tablets para sa hives o urticaria.
Bagamat mabibili ang ilan sa mga ito over-the-counter o walang reseta, ang matatapang na uri nito ay dapat may preskripsyon ng isang doktor lalo na kung gagamitin ng bata.
Ayon rin naman kay Dr. Tomas, kadalasan ay kusa lang rin namang nawawala ang allergic reaction kahit walang inilagay na gamot.
“Minsan, kahit wala namang ginagawa, nagreresolve talaga ang allergies.”
Subalit kung parang walang nangyayari sa pamamagitan ng mga over-the-counter medicines at hindi bumubuti ang allergy ng bata, dapat ay dalhin na siya sa doktor.
“Pero siguro ‘yong walang relief tapos padami nang padami (ang rashes), that is when you need to bring to the hospital. Kasi may binibigay tayo through IV para mas mabilis mawala ‘yong rashes.”
Paano maiiwasan ang paglala ng allergy?
Gaya ng nabanggit, ang pinakamabisang paraan para makaiwas sa allergy ay ang pag-iwas mula sa mga bagay na nakakapag-trigger nito. Makakatulong rin ang pagpapanatiling malinis ng kapaligiran at pagpili ng mga produktong banayad sa balat ng bata.
- Siguruhing malinis ang bahay palagi, at walang mga insekto, tulad ng langaw, lamok, atbp. Kung may air-condition sa bahay, linisin rin ito ng regular para hindi manatili ang allergens tulad ng alikabok.
- Siguruhing may listahan ng mga pagkaing may allergens para maiwasan ang pagkain nito. Basahin ang mga ingredients ng pagkain, shampoo, sabon, atbp, para masigurong walang allergen na makakapagpalala sa kondisyon. Piliin ang mga produkto na fragrance-free.
- Pagsuotin ang bata ng damit na presko sa katawan upang maiwasan ang pagpapawis.
People photo created by kroshka__nastya – www.freepik.com
- Bago magpakain sa bata, subukan muna ng kaunti, at hintayin kung may reaksiyon. Paisa-isa lamang hanggang sa makita kung may lalabas na sintomas. Kailangang maobserbahan kung ano ang nagsisimula ng allergic reaction para mawaksi kaagad ito sa bahay.
- Mahirap man gawin, kailangang mapigilan ang bata na magkamot dahil nakakapagpalala ito. Pasuotin ng hand mittens lalo na kapag tulog. Panatiliing maiksi ang kuko ng bata.
- Iwasan ang mahabang oras ng pagapapaligo sa bata dahil nakakatuyo ito ng balat. Ugaliing lagyan ng lotion para manatiling moisturized ang balat ng bata.
- Ilayo ang bata sa usok at iwasan ang paninigarilyo sa loob ng bahay.
- Kung mayroong alagang hayop, siguruhing hindi naiiwan ang mga balahibo nito sa loob ng bahay.
Maging alerto sa pagpansin sa mga sintomas, lalo na sa impeksiyon. Kung makakita ng pagtutubig, pantal, o pamumula sa balat, labis na pangangati, o anumang sintomas, ikunsulta agas sa doktor para mabigyan kaagad ng gamot sa pantal ng baby.
Sources:
WebMD Medical Reference Reviewed by Amita Shroff, MD on October 21, 2016
Dr. Divya Monnappa, Specialist Dermatologist sa Aster Clinic, Al Barsha, Dubai
Allergies in Children (Copyright ? 1997 American Academy of Pediatrics, Updated 4/2013), NHS, Kid’s Health
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!