Pagkatapos ng 9 na buwang pagbubuntis, ito naman ang problema ng ilang mommies. Ano ba ang mabisang gamot para sa stretch mark? O kung hindi man maalis, mabawasan man lang ang mga kamot dala ng pagbubuntis?
Kapag nagbabago ang katawan ng isang tao, nagkakaroon siya ng tila palatandaan sa kaniyang balat. Ito ay ang tinatawag na stretch marks.
Ano ang stretch marks?
Kapag ang gitnang layer ng balat ang nabanat ng husto, dito nahihila at nasisira ang collagen fibers, at ang mapula o minsan ay kulay purple na ugat ay nababanaag na. Pagtagal, kumukupas ito at maaaring magkulay-puti o grey.
Kapansin-pansin ang mga bakas na ito sa mga taong nagbago ng hugis ng kanilang katawan o nabanat ang balat – gaya ng mga babaeng nabuntis at nanganak.
Pagkatapos kasing mabanat ng husto ang balat sa loob ng 9 na buwan, mag-iiwan ito ng malalim at maraming bakas pagkapanganak. Maaring mamataan ang stretch mark hindi lang sa kanilang tiyan, kundi pati sa braso, at hita—minsan pati sa dibdib, mayroon rin!
Pati mga lalaki ay maari ring magkaroon nito, dahil ang isang sanhi ay ang pagbigat ng timbang, kaya nababanat ang balat. Matibay man at elastic ang balat, nasisira ang mga connective tissues nito lalo kapag matindi ang pagkabanat.
Larawan mula sa Freepik
Ayon din sa American Journal of Obstetrics and Gynecology, ang mga babaeng umiinom ng steroid medications o gumagamit ng topical steroid creams ay mas malamang na magkaron ng stretchmarks. Ito ay dahil ang steroid hormones ay nagpapahina sa elasticity ng balat.
Isa ang pagkakaroon ng stretch mark sa mga nagiging problema ng mga nanay tungkol sa kanilang pisikal na anyo. May mga mapapalad na hindi nagkakaron ng stretchmarks, at mayroon ding hindi gaanong halata kung magkaron man. Hindi ito masakit, pero hindi rin ito maganda sa paningin.
“Stretch marks are scars,” paliwanag ni Dr. Carolyn Chua-Aguilera, MD, isang dermatologist. “‘Di na ito mawawala or maaalis,” dagdag niya. Permanente man, hindi ito nananatiling kasing-prominente habang tumatagal.
Hindi naman ito masama sa kalusugan, at lalong hindi ito sintomas ng anumang sakit. Ang ayaw lang talaga ng iba, ay hindi ito kaaya-ayang tingnan.
Gamot para sa stretch mark
Bagamat walang gamot o pamamaraan para tuluyang mabura ang stretch marks, may mga bagong pamamaraan para mabawasan man lang ng higit sa 50 porsiyento ang nakababahalang markang ito sa tiyan at katawan ng mga mommies.
Narito ang ilang produkto at pamamaraan na maaaring subukan para matanggal, o mabawasan man lang ang iyong stretch marks. Karamihan sa mga ito ay dapat na sinisimulan bago pa lubusang lumaki ang tiyan, o sa simula pa lang ng pagbubuntis para mas maging epektibo.
-
Mga pagkaing mayaman sa Vitamin A at C
Ang Vitamin A ay mayroong kemikal na tinatawag na retinoid na nakakatulong para maging makinis at may “glow” ang balat.
Ang pagkain ng mga prutas at gulay na sagana sa Vitamin A, tulad ng carrots at kamote ay makakatulong na gumanda ang elasticity at maging malusog ang balat.
Samantala, ang Vitamin C naman ang nagpo-produce ng collagen, na nakakatulong para maging malakas at makinis ang balat kahit mabanat ito. Maraming prutas at gulay ang mayaman sa Vitamin C gaya ng oranges, lemon at pati na rin ang malunggay.
Maari ring mayroon nang Vitamin A at C sa prenatal vitamins ng buntis. Pero maaari ring makatulong ang mga cream na ipinapahid sa balat.
Makakatulong rin ang paggamit ng mga produktong may vitamin A at collagen na nakakatulong na pantayin ang balat, at mabawasan ang malalalim na kulubot sa balat na nabanat dahil sa paglaki ng tiyan.
Subalit indi ito kaagad-agad makikitaan ng resulta. Hindi bababa sa 12 linggo o 3 buwan ang simula ng paghupa ng mga marka sa regular na paggamit. At tulad nga ng nasabi, minsan ay hindi ito epektibo sa iba, kahit na naging mabisa para sa ilan.
Larawan mula sa Freepik
Maingat na pinapahid at minamasahe ang produkto sa lugar na may marka, sa umaga at gabi, o pagkatapos maligo. Ang metikulosong pagmasahe at regular na paggamit ang nakakapagpabisa dito. Araw araw at walang mintis dapat.
Kailangan kasi ng nabanat na balat ay ang mga produktong may moisturizer, at nakakatulong na ma-hydrate muli ang dryness ng balat, paliwanag ni Dr. Chua.
Hindi lahat ng inaadvertise ay epektibo; hindi rin lahat ng mamahalin ay nakakapagpagaling.
Kung nagpaplanong sumubok ng mga cream, lotion, o gel na gamot sa stretch mark, kailangang siguruhin na sa umpisa pa lang ay gagamitin na ito, at hindi pagkapanganak pa, o kapag matagal nang mayroong stretch marks. Napatunayan na ng marami na hindi ito epektibo kapag matagal na ang marka.
Babala: May mga ilang magrerekomenda ng produktong tretinoin na mayroong sangkap na retinoid. Tandaan lang na ito ay inirerekomenda sa mga nanganak na at HINDI sa nagbubuntis pa lang, at HINDI rin pwede para sa mga nagpapasuso.
Ang Tretinoin ay sinasabing maaaring makasama sa sanggol sa sinapupunan kung gagamitin ng buntis, at maaari ding sumama ang maliit na porsiyento nito sa breastmilk ni mommy, ayon sa Healthline.com.
-
Home remedies: asukal, Aloe Vera at virgin coconut oil
Isa sa mga nasubukan ko mismo ay ang pagpapahid ng almond oil, cocoa butter, olive oil, o vitamin E sa aking stretch marks. Katulad din ng mga lotion at cream, kapag bago pa lumaki ang tiyan ay naalagaan na sa langis ang balat, at regular ang pagpahid at pagmasahe nito, mas mabisa ito.
-
- Isang kilalang home remedy din para sa stretch marks ay ang asukal, na ginagamit sa homeopathic microdermabrasion. Karaniwang ginagawa ng mga dermatologist ang Microdermabrasion para sa stretch marks. Ligtas ang paggamit ng asukal para sa exfoliation ng balat, dahil “all natural” at hindi naman invasive. Ihalo lang ang isang tasang asukal sa 1/4 tasa ng anumang langis (almond oil o coconut oil, halimbawa), at ilang patak ng lemon juice, saka gawing body scrub sa bahagi ng katawan na may stretch marks, at hayaan ng hanggang 10 minuto. Gawin itong ritwal habang naliligo isa o 2 beses kada araw.
-
- Nariyan din ang Aloe vera, na kilalang natural na gamot na pampalambot at pampakinis ng balat. Ipahid lang na parang lotion ang katas ng aloe vera pagkatapos maligo.Mabilis ding nakakapagpalambot ng balat at nakakatulong sa peklat ang virgin coconut oil, na kung ipapahid sa stretch marks araw araw ay makakapagpahupa ng matinding bakas, lalo na ang mapupula o kulay purple na marka.
-
Mga cosmetological procedures.
May mga dermatologists at beauty specialists ang gumagamit din ng ilang paggamot o procedure para mabawasan ang stretch marks, o gawin itong hindi masyadong halata. Nariyan ang chemical peel, laser therapy, Microdermabrasion, at Radiofrequency. May mga nagpapaturok din ng collagen sa ilalim ng balat para mabanat ito.
Ayon sa mga pagsasaliksik, ang Microdermabrasion ay isang pinakamabisang procedure para mabawasan ang matinding stretch marks. Hindi lubusang matatanggal ang marka, pero nababawasan nga ang pamumula at diin ng mga marka, paliwanag ni Dr. Chua-Aguilera.
Para mas maging epektibo, karaniwang higit sa isang procedure ang gagawin ng mga dermatologist. Halimbawa, maaaring magsamahin ang radiofrequency at pulse dye laser. Pero ang mahalaga, anumang procedure, kailangang lisensyado o board-certified dermatologist ang magsasagawa
Posibleng magkaroon ng mga side effects, pero karamihan ay hindi naman permanente. Madalas na may pamamaga at pamumula, na kusa ring nawawala, at saka pa lang makikita ang resulta.
Ang dermatologist ang magsasabi kung anong paggamot o procedure ang nararapat o nababagay sa partikular na kaso ng stretch marks, payo naman ni Dr. Chua.
Walang iisang mabisang paggamot para sa stretch marks. Maaaring ang isang paraan ay epektibo para sa isa, at hindi sa iba.
Tandaan lang: Kung ang stretchmarks ay luma na o matagal na, mas maliit ang tiyansa na maalis pa ito. Aksaya na lang ng pera at oras ang anumang bibilhin na produkto para dito.
Kung buntis o nagpapasuso ng sanggol, kumonsulta muna sa doktor bago isagawa ang anumang paggamot para sa stretchmarks.
Hindi man tuluyang mawawala ang stretch marks, ang mga remedyong ito ay makakatulong na mabawasan ang malalang marka sa tiyan at ibang bahagi ng katawan.
Pero huwag ikahiya ang mga linyang ito, Mommies. “Wear them with pride,” ika nga. Bagamat hindi sila magandang tingnan, ang mga stretch marks namang ito ang palatandaan na mayroong taong nabuhay sa loob ng iyong katawan. Kaya huwag mahiyang magsuot 2-piece, Mommy!
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!