Benepisyo ng alak sa kalusugan ayon sa mga mananaliksik

Marami na ang nagsabing makakabuti sa kalusugan ang pag-inom ng red wine. Ngunit, ano nga ba ang naitutulong nito sa katawan? Ano ang mayroon sa red wine at ito ay nakakabuti sa kalusugan? Red wine lang ba ang maganda sa katawan o ang lahat ng alak? Alamin natin ang mga benepisyo ng alak sa kalusugan.

Benepisyo ng alak sa kalusugan: Nakakatulong sa microbiota

Ang ating mga sikmura ay naglalaman ng trilyon na mga iba’t ibang uri ng bacteria at microorganisms, ito ang ating microbiota ng sikmura. Ang mga ito ang nagpapanatili ng kalusugan ng mga sikmura. Maaari itong maaapektuhan ng mga kinakain, iniinom na gamot, o maging ng lifestyle ng isang tao. Ngunit, ang kahit kakaunting pagbabago dito ay maaaring maging daan upang tayo ay magkasakit. Maaaring maging madaling kapitan ng Irritable Bowel Syndrome, sakit sa puso at obesity. Naaapektuhan din nito ang ating mood at mental health.

Isang bagong pag-aaral ang nai-publish sa journal na Gastroenterology mula sa mga mananaliksik ng King’s College London. Sa pag-aaral na ito, libo-libong mga kambal ang lumahok mula US, UK at Netherlands. Inalam ang kanilang mga kadalasang kinakain at ang uri ng alak na iniinom.

Napag-alaman sa pag-aaral na ang mga microbiota ng mga umiinom ng red wine ay mas magkaka-iba. Ito ay matapos ikumpara sa mga umiinom ng ibang uri ng alak.

Ang nakikitang nilalaman ng red wine na nakakabuti sa sikmura ay ang mga tinatawag na polyphenols. Ito ay karaniwang nakukuha sa mga prutas at gulay. Ito rin ay makikita sa ibang mga alak tulad ng white wine, beer at cider, ngunit sa mas kakaunting bilang lamang. Natutulungan nito ang sikmura sa pamamagitan ng pagiging mapagkukunan ng lakas ng mga microbes na nakakabuti sa kalusugan ng sikmura.

Ang resveratol ay isang uri ng polyphenol na nakukuha mula sa balat ng ubas habang ang ubas naman ang pangunahing sangkap ng red wine. Ito ang nakikitang rason ng mga mananaliksik na nagdudulot ng benepisyo ng alak sa kalusugan.

Isang beses lang kada dalawang linggo

Ayon kay Dr. Caroline Le Roy, bahagi ng grupo ng mga mananaliksik, hindi pa nila napapatunayan na ito ay dahil sa red wine. Ngunit, limitado man ang pag-aaral, nalaman parin dito na nakakabuti sa sikmura ang red wine. Nakakatulong ito sa mirobiota ng sikmura at nakakapag-paiwas sa sakit sa puso.

Ganun paman, hindi ibig sabihin nito ay kailangan na uminom ng red wine araw-araw. Sa katunayan, wala sa mga lumahok ang madalas naglalasing. Pinapayo ni Dr. Le Roy ang pag-iingat. Ang nakikita nilang sapat na panahon ng pag-inom ng red wine ay isa kada dalawang linggo.

Ipinapaalala rin ni Alex White, ang assistant nutrition scientist ng British Nutrition Foundation ang masamang maaaring idulot ng sobrang pag-inom. Kanyang ipinapa-alala na ang sobrang pag-inom ay maaaring makasama sa kalusugan. Maiwasan man nito ang ilang sakit, maaari parin itong magdulot ng kanser, stroke, at sakit sa atay. Natutuwa man sa nalaman sa pag-aaral, naniniwala siyang kailangan pa ng mas masugid na pag-aaral dito.

Ang paminsan-minsan na pag-inom ay maaaring hindi makasama sa kalusugan. Maaari pa itong mas makabuti sa sikmura. Ngunit, maging maingat. Tandaan, ang sobra ng kahit anong bagay ay nakakasama na rin.

 

Source: BBC

Basahin: Baby patay matapos dumede sa nanay na naka-inom