Mababasa sa artikulo:
- Benepisyo ng Ampalaya sa katawan
- Mga recipe na pwede gamitin para sa Ampalaya
- Paano pakainin ang bata na ayaw kumain ng Amapalaya?
Benepisyo ng ampalaya
Marami ang benepisyo na tinataglay ng ampalaya at dahon nito. Kaya naman kilala bilang laging laman ng kusina ang gulay na ‘to dahil masustansiya at masarap kahit mapait.
Maraming henerasyon na rin ang gumamit ng ampalaya o bitter gourd (kilala rin sa tawag na bitter melon) bilang tradisyonal na herbal medicine dahil subok nang nakakabuti ito sa napakaraming sakit tulad ng anemia, mga problema sa atay, at maski HIV.
Karaniwan ito sa Pilipinas, at sinasabing ang mga tanim sa Pilipinas ay mas potent kaysa ibang bansa sa Asia, East Africa, Carribean at South America. Ang mapait na lasa nito ay tinutukoy na siyang may taglay na gamot o medicinal value, dahil mayron itong momorcidin.
Ano ang benepisyo ng ampalaya sa ating katawan?
Ang gulay na ito ay may flavanoids at alkaloids na nakatutulong sa Pancreas na mag- produce ng insulin na nakakatulong sa pag-kontrol ng blood sugar sa mga may diabetes.
Ang ampalaya ay sagana rin sa vitamin A, B at C, iron, folic acid, phosphorous at calcium, at mayaman sa antioxidants na lumalaban sa mga free radicals (metabolic by-products, o waste) na nakasisira sa ating kalusugan.
Ayon sa Department of Health, ang ampalaya ay epektibong herbal medicine, pagkatapos ng mariing pagsasaliksik sa mga benepisyo ng ampalaya nito. Nakatutulon din ito sa ubo at sakit sa balat.
1. Epektibong antiviral
Mabisa itong panlaban sa impeksiyon, dahil nagpapatbay ito ng immune system para labanan ang mga impeksiyon, gamit ang katas ng dahon at buto ng bunga nito.
Para sakit sa balat, paso o sunog sa balat, idampi ang binanliang dahon sa apektadong bahagi ng katawan o balat. Isang pag-aaral noong 2005 ang nagsabing may kakayahang pumigil sa Hepatitis B ang ampalaya.
2. Nakagagamot ng common cold o sipon, ubo at lagnat
Napipigil rin nito at nagagamot kaagad ang inflammations sa respiratory system, Ang pagkain at paginom ng katas nito ay nakakapaigil sa anumang respiratory disorders.
Para sa ubo, lagnat, pigain ang dahon ng ampalaya para magkakatas, saka inumin ang juice o katas nito, isang kutsara sa bawat araw.
Ang ampalaya ay pinaniniwalaan din na isa sa mga pagkaing nakakatulong upang maging malinis ang dugo na dumadaloy sa katawan ng tao.
Bukod pa rito, ang pagkain ng ampalaya ay nakakatulong din upang magkaroon ng matibay at malusog na immune system.
3. Para din sa gastrointestinal problems
Ang ampalaya ay nakagagamot sa bulate, diarrhea, at mga sakit o problema sa tiyan at panunaw. Ang buto at dahon ng ampalaya ay kinakatas at iniinom araw-araw (isang kutsara hanggang tatlo sa bawat araw lamang). Ampalaya juice o katas ng dahon ng amplaya, at dinikdik na buto ng bunga din ang mabisang panggamot sa bulate sa tiyan o anumang parasites. Uminom ng 1 kutsara tatlong beses sa isang araw para gamutin ang diarrhea, dysentery, at chronic colitis.
4. Nakatutulong sa diabetes at high blood pressure
Isa sa benepisyo ng ampalaya ay may taglay itong compounds na parang insulin na nakakatulong sa pagproseso ng glucose sa dugo. Ang ampalaya ay may mabisa at ligtas na pamamaraan ng pag-regulate ng glucose at sa metabolismo.
Narito ang ilan pang herbal na benepisyo ng ampalaya:
- Mainam para sa rayuma, gout, sakit ng ulo, ubo, lagnat, hemorrhoids (Ang powdered leaves at ugat ng halaman ay maaaring gamiting stringent para sa hemorrhoids).
- Nakagagamot ng mga sakit sa spleen at atay, bulate sa tiyan, pagtatae o diarrhea
- Pwedeng pang linis ng mga sugat at sunog sa balat
- Nakatutulong sa paglaban ng ilang uri ng kanser
- Ito rin ay antioxidant at parasiticide, antibacterial at antipyretic
- Nakakatulong rin ito bilang tradisyunal na gamot para sa: colic, pagkapaso, masakit na pagkakaroon ng buwanang dalaw para sa mga babae, at ibang uri ng sakit sa balat.
Paalala:
Ang ampalaya ay itinuturing na komplementaryo at alternatibong panggamot lamang. Kaya naman ito ay hindi opisyal at aprobado ng FDA o Food and Drug Administration upang gamitin bilang panggamot ng diabetes o anumang uri ng sakit.
Babala:
Ang pag-inom ng katas ng ampalaya ay maaari ding maging sanhi ng pagkahilo, kombulsiyon at diarrhea, kung hindi tama ang pag-inom. Ang buto nito ay maaaring maging sanhi ng sakit ng ulo at pagkagutom. Kumunsulta sa doktor bago simulan ang pag-inom ng katas, lalo kung may delikadong sakit.
Paggawa ng Ampalaya Juice:
- Piliin ang matigas-tigas at buhay na berdeng kulay ng ampalaya.
- Hiwain ang ampalaya ng pahaba at alisin ang buto. Itabi ang mga buto.
- Tadtarin ang ampalaya ng 1 inch cubes.
- Ilagay ang ampalaya cubes sa food processor at ilagay sa pulse function o high, ng ilang segundo, paulit-ulit, hanggang maging liquid ito.
- Salain gamit ang telang katcha o cheesecloth; pigain hanggang makuha lahat ng katas o juice.
- Ilagay ang ampalaya juice sa isang saradong lalagyan (glass container) ay ilagay sa refrigerator. Tatagal ito ng isang linggo.
Pampamilya din ito!
Ang ampalaya ay sagana sa nutrisyon, kaya’t makatutulong kung isasama ito sa pang-araw araw na pagkain ng pamilya, lalo ng mga bata. Mapait man ito, may mga paraan at recipe na maaaring matutunang magustuhan ng maselang panlasa ng mga bata. Kaya sino ba namang hindi tatanggi sa benepisyo na hatid ng ampalaya?
BASAHIN:
Mga prutas at gulay na maaaring makatulong makaiwas sa COVID-19
Narito ang ilang masarap na recipe para sa buong pamilya.
Maraming mga tao ang hindi masyadong mahilig kumain ng ampalaya dahil sa pait nitong taglay.
Ngunit wag kayong magalala lalo na para sa mga nanay, upang mas maging nakaka enganyo, ang ampalaya ay gawing kaaya-ayang kainin sa pamamagitan ng iba’t-ibang luto na magagawa gamit ang ampalaya.
Paalala: Bawasan muna ang pait. Bago pa isalo sa iluluto o ihahanda ang ampalaya, makakatulong na matanggal ang pait nito.
Payo ni Hilda Dualan, nanay, maybahay at assistant teacher sa isang nursery school, asin (rock salt) ang mabisang pangtanggal ng pait ng ampalaya.
Pagkatapos hiwain at tanggalin ang mga buto, marahang punasin ang asin sa amplaya, at iwan ng hanggang 15 minuto. Salain sa colander o pansala, at makikitang nagkakatas ito.
Sasama sa katas nito ang pait. Huwag lalagyan ng tubig, dahil ang asin na ang magsisilbing tubig nito. Pwede ring pakuluan sa tubig na may maraming asin ang hiniwang ampalaya.
1. Amplaya Omelette
Halos lahat ng bata ay gusto ang itlog. Tadtarin ng maliliit ang ampalaya at ihalo sa scrambled na itlog. Hindi na ito mapapansin ng bata at tiyak na linamnam ang mangingibabaw.
Maaari din lagyan ng tinadtad na sausage para may malasahan din na gusto ng bata. Kung mahilig sa longanisa ang mga bata, magluto ng longanisa at alisin sa pagkakabalot ito (pwede ring tadtarin o hiwain ng maliliit) at saka isahog sa Ampalaya Omelette.
2. Ampalaya Smoothie
Pwede ring pang-meryenda ang ampalaya para sa mainit na panahon. Paghaluin ang tinadtad na ampalaya, o juice nito, lemon o lime juice o kalamansi, isang mansanas, ilang piraso ng langka, 1 cup ng coconut milk, yoghurt, kaunting honey, sago at crushed ice. Ilagay sa blender hanggang handa na para inumin. Hindi na malalasahan ang ampalaya, pero nandun pa rin ang sustansiya nito.
3. Sinangag na Hotdog at Ampalaya
Isangang ang kanin sa kaunting bawang at kaunting olive oil o butter. Ihalo ang hotdog bits at tinadtad na ampalaya, itlog, at lagyan ng green peas kung gusto pa ng dagdag na gulay. Pwede ring lagyan ng tinadtad na carrots, at meron ka nang masarap at masustansiyang fried rice.
4. Tempura Ampalaya
Maghiwa ng carrots, ampalaya, patatas, at sibuyas. Pagsamahin ang 1 cup ng self-raising flour, 1 cup ng tubig, at asin. Huwag tunawin o haluin ng masyado. Kailangang may buo-buo pa. Ito ang batter para sa tempura. Ilagay sa batter ang mga hiniwang gulay. Kumuha ng isang kawot o kutsara ng mixture at i-deep fry sa mantika hanggang maging golden brown. Pagka-prito, pwedeng isawsaw sa toyo o toyomansi.
5. Pritong Lumpia na may Ampalaya
Paghaluin lang ang giniling na manok, tinadtad na carrots, tinadtad na sibuyas, at tinadtad na ampalaya. Lagyan ng asin at paminta at ihalo ang isa o 2 itlog. Patakan ng konting toyo o seasoning. Ibalot ang mixture sa lumpia wrapper at iprito. Pwedeng ihanda na may kasamang sweet chili sauce o ketchup.
6. Pasta na may Ampalaya
Pwede ring itago ang ampalaya sa sauce na para sa pasta. Gawing pureé ang ampalaya o ihalo ang katas nito sa karaniwang recipe ng spaghetti sauce. Maghalo din ng pureéd carrots, zucchini, at bell peppers, para matabunan ang lasa ng ampalaya.
Source:
Philippine Herbal Medicine, ArticleBase.com, EzineArticles.com
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.