Nakakadiri mang isipin, pero alam niyo ba na mayroon mga tao na iniinom ang sarili nilang ihi? Ayon sa kanila, marami daw ang benepisyo ng ihi, at nakakatulong ito sa kanilang kalusugan.
Pero totoo nga ba ito? At ligtas ba ang kanilang ginagawa?
Ano ba ang benepisyo ng ihi?
Ayon sa yoga instructor na si Kayleigh Oakley mula sa United Kingdom, malaki raw ang naitulong sa kaniya ng pag-inom ng ihi. Dahil daw dito, nabawasan ang kaniyang chronic pain, lumakas ang kaniyang immune system, at gumanda pa raw ang kaniyang balat!
Si Kayleigh ay mayroong sakit na tinatawag na Hashimoto’s Disease, kung saan underactive ang kaniyang thyroid. Mayroon din daw siyang madalas na muscle pain.
Sabi niya, hindi naman daw niya ito ginagawa dati. Natagpuan lang daw niya ang mga benepisyo ng tinatawag na “urine therapy” at sinubukan niya ito mga dalawang taon na ang nakalipas.
Bawat umaga, umiinom siya ng isang baso ng kaniyang ihi. Naglalagay din daw siya ng ihi sa kaniyang mukha!
Dagdag niya, kinukuha lang daw niya ang pang-gitnang ihi, dahil daw wala itong mga toxins. Dagdag pa niya, lumalakas daw siya dahil dito, at ramdam agad niya ang benepisyo ng ihi!
Pero totoo ba ito, o baka naman ay nasa isip lang niya?
Dapat bang inumin ang ihi?
Hindi na siguro namin kailangang ipaliwanag na hindi ligtas ang ginagawa ni Kayleigh. Maraming doktor ang sumasang-ayon na wala naman daw talagang benepisyo ang pag-inom ng ihi.
May mga kaso kung saan ang mga tao ay nasagip sa sakuna dahil sa pag-inom ng kanilang ihi. Ito ay dahil ang ihi naman ng tao ay sterile, o walang mga mikrobyong kasama. Pero hindi nirerekomenda ng mga doktor na gawin ito palagi. Ginagawa lang ito sa mga emergency situation kung saan wala talagang mainom ang mga tao.
Pero ang panganib ng ihi ay hindi galing sa mikrobyo, kundi galing sa waste products na nasa ihi natin, kabilang ang sobrang nitrogen, potassium, at calcium.
Ibig sabihin, kapag ininom mo ang iyong ihi, ibinabalik mo lang ang mga waste products na ito sa iyong katawan. Kapag nasobrahan sa mga waste products na ito ang iyong katawan, baka hindi ito kayanin ng kidneys at magdulot ng malalang sakit.
Kahit maraming tao ang nagsasabi na nakakagaling daw ng sakit ang ihi, wala pa ding napatunayang kahit anong benepisyo pagdating sa pag-inom ng ihi.
Mas mabuti pang sumubok ng ibang safe at malinis na mga inumin tulad ng mga fruit juice upang palakasin ang inyong mga katawan.
Source: Health
Basahin: Mom swears that drinking sperm keeps her healthy!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!