Bigkis ng baby na sobrang nahigpitan ang itinuturong dahilan ng isang pediatrician ng inirereklamong pag-ubo, pagsusuka at hirap sa paghinga ng isang sanggol.
Kaya doktor may paalala sa mga magulang sa pag-aalaga sa kanilang newborn.
Dahil sa mahigpit na bigkis ng baby
Sa isang Facebook post ay ibinahagi ni Dr. Nikki James Francisco, isang pediatrician ang naging karanasan niya sa isa sa kaniyang mga pasyente.
Ayon sa kaniya, isang dalawang buwang sanggol ang dinala sa kaniyang clinic. Ito daw ay dahil sa madalas na pag-ubo, madalas na pagsusuka lalo na pagkatapos dumede ng sanggol. Dagdag pa ang pagiging irritable nito at hirap sa paghinga.
Nang tingnan ang sanggol ay doon niya nakita ang dahilan ng mga sinasabing sintomas na nakikita sa sanggol. Ito ay ang mahigpit na pagkakatali ng bigkis ng baby na kitang-kita ang bakat sa balat ng sanggol. Sinabi rin ng doktor na may narinig na rin siyang senyales ng pulmonya.
“Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit IPINAGBABAWAL NA ANG PAGGAMIT NG BIGKIS. Paano makakahinga nang maayos ang isang sanggol kung napakahigpit ng pagkakabigkis sa kanila at hindi na makakapag-expand ang baga?”
“Paano ninyo aasahang bababa ang gatas sa bituka kung may matinding harang na nilagay sa kanyang tiyan? Malamang magsusuka talaga sila, mapupunta ang ilang patak ng gatas sa baga at magiging dahilan ng pulmonya.”
Ito ang naging paliwanag ni Dr. Francisco sa naging kondisyon ng sanggol.
Dagdag na pahayag ni Dr. Francisco, hindi rin daw dapat binibigkisan ang newborn lalo na kung hindi pa tuyo o magaling ang pusod nito.
“Basta huwag lang tabunan ng diaper at bigkis para hindi makulob (because this promotes infection). Mas madaling matuyo at matanggal nang kusa ang pusod nang ganito lang”, payo ni Dr. Francisco.
Kailangan daw ay ituring lang ang pusod ni baby na parte ng balat. Hindi narin daw dapat itong lagyan ng alcohol o kaya takpan ng kahit anong dressing.
Pagbigbigkis sa mga baby
Ang pagbibikis sa mga baby ay isang kaugaliang namana na natin sa ating mga ninuno. Ito raw ang paraan para hindi pasukin ng lamig o kabagin si baby. Ito rin ang nagsisilbing takip sa kaniyang sariwang pusod para hindi masagi habang ito ay hindi pa natutuyo.
Ngunit sa pagdaan ng panahon ang paniniwala na ito ay kinontra ng sensya. Hindi daw dapat bigkisan ang baby dahil mahihirapan itong huminga. At maaring mangyari sa kaniya ang nangyari sa dalawang buwang sanggol na na-tingnan ni Dr.Francisco.
Ang ilan sa atin ay sasabihing, “Ako nga binigkisan noon, wala naman nangyari.” O kaya “Iyong mga anak ko naman nagbigkis sila, ayos naman sila”.
Oo nga’t iba-iba ang ating paniniwala, ngunit sana maging gabay sa bawat isa sa atin ang mga impormasyong ibinibigay ng mga doktor lalo na kung ito ay tungkol sa kalusugan ng ating mga anak.
Samantala, dahil ang pagbibigkis ay pinaniwalaang paraan para hindi masagi at mabilis na matuyo ang pusod ni baby. Narito ang ilang dagdag na tips sa tamang pag-aalaga nito.
Tips sa pag-aalaga sa pusod ni baby
- Bago hawakan o linisin ang pusod ni baby ay siguraduhing malinis ang iyong mga kamay.
- Kung nabasa ng ihi o nadampian ng dumi ang pusod, hugasan ito ng kaunting tubig. Saka tuyuin ng malinis na tuwalya sa pamamagitan ng pagdampi dito ng dahan-dahan. Puwede ring i-air dry ito o hayaang matuyo lang sa hangin.
- Kung hindi pa tuyo o natatanggal ang umbilical stump ng baby ay punasan o sibinan lang siya at huwag paliguan. Karaniwang natatanggal ang stump sa loob ng 7 hanggang 10 araw.
- Laging i-check ang pusod ni baby kung namumula, namamaga, may mabahong amoy o nana. Ito ang mga sintomas ng impeksyon.
- Kung sakaling mapansin ang mga sumusunod na sintomas sa pusod ng inyong baby ay agad na magpunta sa doktor para kayo matulungan at magabayan sa dapat niyong gawin.
Source: TheAsianParent Philippines
Photo: Unsplash
Basahin: Tanong ni Mommy: Kailangan bang gumamit ng bigkis para kay baby?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!