Ama sinaktan at binitin patiwarik ang anak

Matapos maging viral ang video, batang binitin patiwarik ng kaniyang ama nasagip at kaniyang ama nahuli na at haharap sa kasong child abuse.

Binitin patiwarik ng isang ama ang kaniyang apat na taong gulang na anak matapos ito iwan ng kaniyang asawa.

Naging viral nga sa social media ang marahas na tagpo na ito na napanood na ng halos 1.8 million times at nai-share ng lagpas 200,000 times.

Image screenshot from Facebook video

Batang binitin patiwarik

Sa video na mismong ang suspek ang kumuha, makikitang itinali niya at ibinitin patiwarik ang kaniyang anak na lalaki sa bintana na kanilang bahay. Habang nakatali ay pinagsasapak at pinagsasampal niya ito at tinatanong kung masaya daw ba ang kaniyang ina na iniwan sila.

Ito daw ay sadyang ginawa ng kaniyang ama na kinilalang si Melvin Caro Batitis ng Pooc, Sta. Rosa, Laguna para umuwi at bumalik sa kanila ang kaniyang ina. Ang ina ng bata ay umuwi daw sa probinsya nila sa Iloilo matapos ang pag-aaway at hindi nila pagkakaintindihan na mag-asawa.

Matapos mapadala ang naturang video sa ina ng bata ay ipinadala niya ito sa kaniyang kapatid na agad nag-post nito para ihingi ng tulong ang kaniyang pamangkin.

Viral video

Dahil sa mabilis na pagkalat ng video at sa galit ng mga netizens sa nangyaring insidente, umabot ito sa kinauukulan. Matapos ang dalawang araw umanong pagtatago ng suspek sa talahiban sa riles ng Barangay Pooc, Santa Rosa ay naaresto rin ito ng mga pulis kahapon.

Samantala, nasagip naman ang bata ng Santa Rosa Police noong mismong araw ng Pasko. Ito ay matapos humingi ng tulong ang tiyahin ng bata sa kanila at sa Santa Rosa City Social Welfare and Development (CSWD) Office. Ito ay base sa isang panayam kay Sta. Rosa Police Superintendent Eugene Orate, hepe ng Sta.Rosa Police.

Ang sabi ng ama…

Sa isang panayam naman sa suspek ay sinabi nitong ang video daw ay nangyari noong Disyembre 18 at ginamit niya ito bilang pang-blackmail sa asawa para bumalik sa kanila.

Dagdag pa ng suspek, ayon daw sa kaniyang asawa ay magbabakasyon lang ito at bagong taon babalik. Ngunit nalaman niyang hindi na raw ito babalik dahil may ibang lalaki na. Dahil dito ay nagpakalasing ang suspek na nag-udyok na gawin niya ang marahas na insidente sa kaniyang anak.

Ayon kay Virgina Peralta, CSWD Officer sa Sta. Rosa, Laguna ay nagpasabi na raw ang ina ng bata na hindi ito interestadong magsampa ng kaso basta makuha niya lang ang kaniyang anak. Pero hindi raw basta-basta ito, dahil kailangan pang pag-aralan ng kanilang opisina kung may kakahayan ito na suportahan at alagaan ang kaniyang anak.

Bagamat ito ay nakapagdesisyon na hindi kakasuhan ang kaniyang asawa, ang CSWD raw ang magsasampa ng kasong child abuse laban sa ama ng bata na isang tricycle diver. At kung sakaling mapatunayan rin na inabandona ng ina ng bata ang kaniyang anak ay maari rin itong makasuhan upang pagbayaran ang kaniyang ginawa gaya ng kaniyang asawa.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga ng DSWD ang bata na sumasailalim sa treatment plan para sa traumang idinulot sa kaniya ng nangyari. Ikinundena rin ng Commission on Human Rights ang nangyaring ito.

Sa isang pahayag sinabi ni CHR Calabarzon Director, Rexford Guevarra na hindi raw dapat itinatrato ang mga bata gaya ng nasa video lalo pa ng mga taong dapat nagmamahal at nag-aalaga sa kanila gaya ng mga magulang nila.

Sources: ABS-CBN News, Abante, Inquirer

Basahin: Daddy, minolestiya ang 3 anak na may edad 5, 3 at 1 taon