5-taong gulang namatay sa pambubugbog ng madrasta

Nakuha pa sa isang video ang binugbog na bata na umaming siya ay madalas na sinasaktan at binubugbog ng kaniyang madrasta.

Isang 5-taong gulang na bata ang namatay matapos di umanong bugbugin ng kaniyang madrasta o stepmother. Noong January 2 raw ay in-admit sa ospital ang binugbog na bata, ngunit sa kasamaang palad, siya ay namatay.

Ayon sa pulisya, sinasaktan raw ng suspek ang batang si Kyle kapag ayaw nitong mamalimos. Ang nakukuha raw nito sa limos ay pinapambili ng alak ng kaniyang madrasta.

Matagal nang biktima ng pagmamaltrato ang binugbog na bata

Ayon sa isang Facebook post, si Kyle at ang kaniyang mga kapatid ay matagal nang minamaltrato ng kaniyang madrasta. Apat raw silang magkakapatid at ang bunsong anak na si Kyle ang pinakaminamaltrato sa kanila.

Dagdag pa ng netizen na ibinahagi ang kuwento sa Facebook, nilapitan raw sila ng kapatid ni Kyle upang magsumbong. Base sa nakuha nilang video, umamin ang mga bata na palagi raw silang sinasaktan ng madrasta. Nakuha pa sa video ang kapatid ng madrasta na sinabing madalas raw nitong bugbugin ang bata.

Minsan raw ay sinisipa pa sa tagiliran ang walang kalaban-laban na bata, at kung anu-ano pang pananakit ang ginagawa ng ina.

Noong January 2, 2019, ay na-admit sa ospital ang bata, dahil sa matinding pambubugbog ng kaniyang madrasta. Ngunit dahil sa tindi ng tinamong pinsala, hindi na ito nakayanan ni Kyle, at siya ay namatay.

Dali-dali namang inaresto ng pulisya ang madrasta ni Kyle, at inihahanda na raw ang mga kasong isasampa sa kaniya.

Hinding-hindi dapat minamaltrato ang mga bata

Hindi maiiwasan na magkaroon ng mga pagkakataon kung saan inis na inis ang mga magulang sa kanilang anak. Kadalasan ay hinahayaan na lamang ito ng mga magulang at nagpapalamig na lamang sila ng kanilang ulo. Ngunit may mga pagkakataon rin kung saan ang mga magulang ay nadadala ng kanilang galit, kaya nagagawa nilang saktan ang kanilang mga anak.

Hinding-hindi tama ang ganitong pag-uugali. Kahit kailan ay hindi dapat saktan ng mga magulang ang kanilang mga anak. Sa halip na pananakit, pag-unawa at pagdidisiplina dapat ang kailangang gawin ng mga magulang.

Heto ang ilang mga bagay na dapat tandaan:

Pag-usapan ang nangyari

Mahalaga ang komunikasyon sa pagitan ng mga anak at kanilang mga magulang. Kapag may ginawang mali ang isang bata, kailangan ipaliwanag ng magulang kung bakit mali ang kanilang ginawa, hindi lang basta paluin ang bata.

Ito ay para mas maintindihan ng bata ang epekto ng ginawa niya, at upang hindi na niya ito ulitin sa sunod.

Pagbawalan sila

Sa halip na paluin sila kapag nagkamali, puwedeng ibawal mo sa kanila ang paglalaro, o kaya ang panonood ng paborito nilang palabas sa TV.

Magsisilbi itong tanda na kapag may ginawa silang mali, mayroon itong kapalit na masamang kinahinatnan. Mas matututo sila sa ganitong paraan dahil mas madali sa kanila ang intindihin ang kanilang pagkakamali.

Bigyan ng time-out ang iyong anak

Minsan, nakakatulong sa iyong anak ang pagkakaroon ng oras upang pag-isipan ang kaniyang ginawang kasalanan. Ang pagbibigay ng time-out ay isang mainam na paraan upang magkaroon sila ng oras para sa sarili at maintindihan at pagsisihan ang kanilang pagkakamali.

Dito, matututo rin ang iyong anak na intindihin kung bakit niya ginawa ang kasalanan, at kung paano niya ito maiiwasang uliting muli.

Mahalagang tandaan ng mga magulang ang magiging epekto ng kanilang pagdidisiplina sa anak. Hindi lang sapat ang panandaliang pagpaparusa gamit ng pagpalo o pananakit ng bata. Mahalaga na turuan nila ang kanilang anak kung ano ang mabuting ugali, at ang tamang paraan ng pagdidisiplina.

 

Source: ABS-CBN News

Basahin: 63-anyos na lalake, kinidnap at inabuso ang isang batang babae!

Sinulat ni

Jan Alwyn Batara