Isang bata ang naging biktima ng pang-aabuso sa mga babae matapos siyang kidnapin ng isang 63-anyos na mekaniko. Alamin kung paano nagawang kidnapin ng suspek ang batang babae, at kung ano ang puwede mong gawin upang maprotektahan ang iyong anak.
Pang-aabuso sa mga babae: 11-taong gulang, kinidnap!
Pinilit di umano ng suspek ang bata na pumasok sa kaniyang bahay.
Ayon sa mga awtoridad, nag-alala ang mga magulang ng biktima nang hindi ito agad umuwi sa kanilang bahay noong Set 10. Dahil dito, lumapit sila sa mga pulis at kinabukasan ay nahanap ang batang babae sa bahay ng isang 63-anyos na mekaniko.
Kuwento ng biktima, itinago raw siya ng mekaniko at pinilit na manood ng mga malalaswang video, at pinagsamantalahan.
Ngunit giit ng suspek na hindi raw niya kinuha ang bata. Bagkus, ito pa raw ang lumapit sa kaniya matapos maglaro ng bata sa kalapit na computer shop.
Sabi ng mga pulis, madalas daw napapadaan ang bata sa tapat ng bahay ng suspek. Tingin nila ay inimbitahan ng suspek ang bata na pumasok sa kaniyang bahay at binigyan ito ng kung anu-ano para sumama sa kaniya.
Ayon naman sa medico legal, inabuso nga ng suspek ang bata. Planong sampahan ng magulang ng kaso ang suspek. Mga kasong acts of abuse at statutory rape ang puwedeng isampa sa suspek.
Paano pigilan ang pang-aabuso sa mga babae?
Hanggang ngayon, malaking problema pa rin sa Pilipinas ang pang-aabuso ng mga babae. Nakakalungkot isipin, dahil hindi na dapat ito nangyayari sa panahon ngayon.
Kaya’t mahalagang gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang mapigilan ang pang-aabusong ito.
Heto ang ilang mga bagay na puwede mong gawin:
- Turuan ang mga lalaki ng wastong pakikitungo sa mga babae. Mahalagang ituro sa mga lalaki, lalo na sa mga bata, na respetuhin ang kababaihan, at wag silang tratuhin na mas mababa sa kanila.
- Huwag matakot magsalita. Kung ikaw ay inabuso, o kaya may kakilala ka na inabuso, huwag kang matakot na magsabi sa mga awtoridad, o kaya ay humingi ng tulong.
- Ituro sa mga babae na hindi sila mas mababa sa mga lalaki. Mahalaga ring iparamdam at ituro sa mga babae na hindi karapat-dapat na sila ay bastusin o saktan. Mahalaga ang empowerment ng mga kababaihan sa pagpigil ng pang-aabuso.
Source: GMA Network
Basahin: Walong taong gulang na bata inimbitahang maglaro ng ‘rape game’
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!