Binugbog ng ama ang isang 5-anyos na bata sa Davao del Norte dahil sa pagkakatapon ng bigas na pinaglaruan nito. Dahil sa tindi ng pambubugbog kaawa-awang bata napatay ng sarili niyang ama.
Batang binugbog ng ama
Ayon sa police report, ang 5 taong gulang na batang lalaking binugbog ng ama ay mula sa Purok 7, Barangay Kinamon, Santa Tomas, Davao del Norte.
Nangyari daw ang krimen sa loob ng kanilang bahay na kung saan nagalit ang ama ng biktima ng matapon ang bigas na pinaglaruan ng bata. Kinilala ng mga pulisya ang suspek na si Gilbert, 32-anyos.
Una munang pinalo ng suspek ang nakakatandang kapatid ng biktima. Ngunit ng sabihin ng kapatid na ang 5-anyos na bata ang may sala ay ito naman ang pinagbuntunan ng galit ng ama.
Pinapasok umano ng ama ang bata sa loob ng kanilang kwarto at doon pinagpapalo, pinagsisipa, pinagsusuntok hanggang sa mamatay. Dalawang araw matapos ang krimen ay inilibing agad ang bata.
Ayon sa suspek, nadala lang daw ito ng problema sa kaniyang asawa na nasa ibang bansa kaya niya ito nagawa sa anak. Sa ngayon ay nakakulong ang suspek sa Santo Tomas Police Station na puno daw ng pagsisisi sa nagawang krimen.
Nahaharap sa kasong parricide ang suspek habang ang mga naiwang anak nito ay nasa pangangalaga ng kanilang lola.
Tips para ma-kontrol ang iyong galit sa anak
Para maiwasang mangyari ang ganitong sitwasyon sayo at sa iyong anak ay kailangan mong matutunang kontrolin ang iyong galit sa pamamagitan ng mga tips na ito.
Pakalmahin muna ang iyong sarili bago makipag-usap sa iyong anak.
Huwag kausapin o komprontahin ang anak kapag ikaw ay galit. Hayaan munang lumipas ang iyong galit at pakalmahin muna ang iyong sarili. Sa ganitong paraan ay maiiwasan mong mapagsabihan ng hindi magandang salita ang anak at maiiwasan mo ring makagawa ng aksyong maaring makasakit sa kaniya.
Kung makakaramdam ng galit ay lumayo muna sa anak.
Para maiwasan na lalong uminit na ang iyong ulo sa anak na may ginawang hindi mo gusto ay mabuting lumayo muna sa kaniya. Ito ay para hindi ka rin ma-tempt na masaktan o mapagsabihan siya ng masama. Laging ipaalala sa sarili na ang oras na ikaw ay galit ay hindi magandang pagkakataon para makipag-usap sa anak.
Kausapin ng maayos ang anak at alamin kung ano ba ang tunay na nangyari.
Bigyan ng kahit sampung minuto ang sarili para kumalma. Pagtapos nito ay kausapin ng maayos ang anak at alamin ang totoong nangyari. Sa kahit anong pagkakataon ay laging isipin na hindi magandang pagbuhatan ng kamay ang iyong anak. Lahat ng bagay ay maaayos at maiintindihan kung idadaan ito sa magandang usapan.
Source: ABS-CBN News, Psychology Today
Basahin: Lalake, pinatay ang 4-buwan sanggol matapos malamang hindi siya ang ama nito