Narito ang kahalagahan ng blood type compatibility sa pagbubuntis at ang maaring maging peligrong dala nito sa dinadalang sanggol.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ang epekto sa pagbubuntis ng hindi compatible o magkaibang blood type ng mag-asawa.
- Treatment na maaaring gawin sa ipinagbubuntis na sanggol para malunasan ang kondisyon na dulot ng blood incompatibility niya at ng kaniyang ina.
Blood type compatibility sa pagbubuntis
Alam mo ba ang blood type ninyong mag-asawa? Kung hindi ay mabuting malaman na ito lalo na kung nagbabalak magbuntis o magkaroon ng dalawa o higit pang anak.
Bago mag-isip na kung ano-ano mahalaga na maintindihan na kung magkaiba ang blood type ninyo ni mister ay wala namang dapat ipag-alala.
Sapagkat hindi naman ito makakaapekto sa pagkakaroon ninyo ng masaya at malusog na pagsasama. Pero pagdating sa pagkakaroon ng anak, ang blood incompatibility ninyo ay mahalaga na.
Dahil kung incompatible o hindi tugma ang blood type ninyo ni mister, ito ay makaapekto sa blood type ng inyong magiging anak. Maaaring magdulot ng peligro o banta sa buhay ng ipinagbubuntis na sanggol. Narito ang paliwanag kung bakit.
Mga uri ng blood type
Photo by Charlie-Helen Robinson from Pexels
May apat na blood group nahahati ang dugo nating mga tao. Ito ang A, B, O at AB. Ang mga blood group na ito ay maaring maiba-iba base sa protein o Rh factor na taglay ng mga ito.
Ang Rh factor o blood proteins na ito ay maaaring maging positive (+) o negative (-) na namamana ng bawat isa sa atin sa ating mga magulang.
Ito ay hindi nababago at dahilan upang mula sa apat na blood groups ay magkaroon ng walong magkakaibang blood types tayong mga tao. Ang mga ito ay ang sumusunod:
- A+
- A-
- B+
- B-
- O+
- O-
- AB+
- AB-
Blood type incompatibility
Ayon sa mga eksperto wala namang problema kung magkaiba ang blood type ng isang mag-asawa. Halimbawa kung si misis ay type O at si mister ay type A.
Nagsisimula ang problema sa oras na sila ay magkaanak. Lalo na kung ang blood type ng kanilang magiging anak ay susunod sa kaniyang ama at hindi sa kaniyang ina.
Sapagkat ang blood incompatibility na ito ay maaaring magdulot ng banta sa buhay ng ipinagbubuntis na sanggol. Posible kasing makatawid ang red blood cells ng buntis na ina sa kaniyang dinadalang fetus.
Kapag ito ay nangyari ay maaaring mag-develop ang blood cells ng ina ng mga antibodies na aatake at pupuksa sa blood cells ng dinadala niyang sanggol. Itinuturing umano kasi itong foreign object dahil sa ang taglay nitong blood type ay kaiba sa kaniya.
Ang blood type incompatibility na ito’y maaaring magdulot ng jaundice o paninilaw sa ipinagbubuntis na sanggol. Maaaring magdulot ng brain damage sa sanggol kung hindi agad na malulunasan sa oras na siya ay maipanganak.
Ang mga sumusunod ay halimbawa ng blood incompatibility sa buntis at kaniyang sanggol.
- Si mommy ay type O at si baby ay type A, B o AB.
- Ang buntis na mommy ay type A at si baby ay type B o AB.
- Si mommy ay type B at si baby ay type A o B.
Photo by John Looy on Unsplash
Rh protein incompatibility
Maari ring maging incompatible ang dugo ng buntis at dinadala niyang sanggol sa oras na sila ay mayroong magkaibang Rh protein.
Halimbawa kung ang ina ay O- at kaniyang magiging sanggol ay O+. Dahil tulad ng nangyayari sa magkaibang blood type, ang magkaibang Rh protein ay maaaring mauwi rin sa pag-atake ng red blood cells ng ina sa blood cells ng sanggol na dinadala niya.
Sapagkat itinuturing niya ang mga ito na bacteria o viral invader na maaaring makasama sa immune system niya. Kaya naman siya ay nagproproduce ng antibodies para puksain ito.
Sa unang pagbubuntis, ang mga antibodies na ito ay itinuturing na harmless. Pero ito ay delikado na sa mga susunod na pagbubuntis.
Ang mga antibodies na ito ng ina na kontra sa kaibang Rh protein ng anak niya ay maaaring magdulot ng pamamaga o pagputok ng mga blood cells ng sanggol.
Tinatawag itong hemolytic o Rh disease sa mga sanggol na maaring magdulot ng napakababang blood count sa kanila o severe anemia.
BASAHIN:
Paano ito malulunasan?
Kung magkaiba o incompatible ang blood type ninyo ni mister ay mainam na maging aware tungkol sa blood incompatibility conditions na ito. Ito ay upang magabayan kayo sa pagbubuntis at sa dami ng inyong magiging anak.
Mahalaga rin na malaman ng inyong doktor ang pagkakaiba ng blood type ninyong mag-asawa. Sapagkat sa oras na may tiyansa o potensiyal na magkaroon ng Rh incompatibility ang ina at kaniyang dinadalang sanggol ay may paraan na maaaring gawin para maiwasan ang peligrong dulot nito.
Photo by MART PRODUCTION from Pexels
Rh immune-globulin shot
Ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng dalawang Rh immune-globulin shot sa unang pagbubuntis. Ang unang shot ay sa 28th week ng pagdadalang-tao. Habang ang pangalawang shot naman ay sa loob ng 72 oras ng maipanganak ang sanggol.
Ang Rh immune-globulin ay umaaktong parang bakuna. Sa pamamagitan nito ay napipigilan ang buntis na ina na gumawa ng antibodies na maaring magdulot ng health problems sa kaniyang dinadalang sanggol at sa mga susunod niyang pagbubuntis.
Exchange transfusions
Sa oras naman na nakapag-develop na ng Rh antibodies ang buntis o nasa pangalawang pagbubuntis na siya at hindi pa nabibigyan ng Rh immune-globulin shot, mahigpit na susubaybayan ang pagbubuntis niya. Ito ay para masiguro na hindi ito labis na tataas at makakasama sa dinadala niyang sanggol.
Kung sakali namang malala na o masyado ng mataas ang incompatibility ng dugo ng ina at kaniyang dinadalang sanggol, ang sanggol ay maaaring sumailalim sa special blood transfusion na tinatawag na exchange transfusions.
Maaaring itong gawin bago ipanganak ang sanggol o matapos siyang maipanganak. Sa pamamagitan nito ay pinapalitan ang dugo ng sanggol ng may Rh-negative na blood cells.
Para ma-stabilize ang mga blood cells ng sanggol. Para rin maiwasan pa ang damage na maaaring idulot ng Rh antibodies ng kaniyang ina na nasa dugo na niya.
Samantala, kung ang blood type incompatibility naman ng buntis at kaniyang sanggol ay nag-resulta sa jaundice, ito naman ay maaring malunasan ng hydration at phototherapy.
Tandaan
Para maging ligtas sa pag-aalala mula sa mga nabanggit na kondisyon mabuting alamin muna ang blood compatibility ninyo ni mister bago magbuntis.
Para kung sakaling magkaiba o incompatible ang blood type ninyo ay mabigyan ka agad ng Rh immune-globulin shot. Ito ay upang maprotektahan ang iyong sanggol at mga susunod mo pang pagbubuntis mula sa peligro ng blood incompatibility ninyong mag-asawa.
Source:
Healthline, Children Wisconsin, Kids Health, Standford Children, Cerebral Palsy
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.