Open letter para sa inang breast cancer warrior

Isang breast cancer warrior ang mama ko. Ngayong Women's Month, nais ko siyang bigyan ng pagpupugay bilang isang malakas at palabang babae!

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

November 2023 nang malaman namin na cancerous ang bukol ng mama ko sa kaniyang dibdib. At doon na nga nagsimula ang laban ng aking inang breast cancer warrior. Narito ang isang open letter para sa kaniya at para na rin sa iba pang ina na dumaranas ng breast cancer.

Open letter para sa inang breast cancer warrior

Dearest mama,

Noong 2019, natatandaan ko pa na sumulat ako ng script pang-teatro para sa isang fund raising event para sa nanay ng kaibigan. May breast cancer kasi siya at nang mga araw na iyon ay sumasailalim sa chemotherapy for breast cancer.

Natatandaan ko kung paano akong magdasal para sa kanila. Habang sinusulat ko ang script pang-teatro hindi ko makakalimutan kung paanong sumagi sa isip ko na kung nasa kalagayan nila tayo, ano kayang mangyayari sa atin. Kakayanin ba natin?

Ngayon, narito na nga tayo. Ilang buwan ka nang nakikipaglaban sa sakit mo. Literal kang breast cancer warrior sa laban na ito. Tuwing nakikita ka ng mga kakilala at kaibigan kapag lumalabas tayo upang pumunta sa ospital at magpa-check-up, lagi nilang bukambibig na parang wala kang sakit.

Ang lakas-lakas mo.

Ganoon ka naman noon pa, malakas. Laging pinipiling maging malakas sa kabila ng mga bagay na nagpapahina sa iyo. Bukod sa sakit na nararanasan, alam kong marami ka pang dinaramdam. Pero pinipili mo pa ring maging malakas. At dahil diyan, lagi ka ring nagsisilbing lakas sa amin.

Ibang klase ka, naiisip ko, ganoon siguro talaga kapag ina. Sa kabila ng panghihina dulot ng chemotherapy, nagagawa mo pa ring iparamdam sa amin na inaalagaan mo kami –kahit na ikaw ang mas nangangailangan ng pag-aalaga.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Noong inoperahan ka sa dibdib para alisin ang cancerous na bukol, alam mo bang naiyak kami nang makita ka naming nahihirapan? Siguro, bukod sa mahal ka kasi namin, nasanay kasi kami na kalakasan mo lang ang ipinakikita mo.

Pero ma, sana alam mo rin na ayos lang na maging vulnerable ka sa harap namin. Ayos lang na umiyak ka kapag masyado nang mabigat ang nararamdaman mo. Kausapin mo kami. Dahil katulad ng paraan kung paanong lagi kang nandyan para alalayan kami, aalalayan ka rin namin.

Sa isip at puso ko, hindi ka lang basta breast cancer warrior, isa kang babae –babaeng palaban, mapagmahal at maaruga.

Bukod sa laban natin sa breast cancer mo, marami ka nang napagtagumpayang laban sa buhay. Bilang babaeng malakas at maganda, alam kong mapagtatagumpayan din natin ang breast cancer treatment mo. Mahirap ang chemotherapy for breast cancer dahil sa side effects na dulot nito sa katawan mo, pero mama kita at ang mama ko ay malakas.

Napanghihinaan ka man ng loob kung minsan, maalala mo sana na maraming nagmamahal sa iyo. Mula sa aming mga anak mo, kay papa, sa mga kapatid at maging sa mga kaibigan mo –sa mga taong pinakitaan mo ng kabutihang loob. Mahal na mahal ka namin.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Alam kong mahaba pa ang laban natin. Pero tulad ng paalala sa akin ng fund raising event noon ng kaibigan, #NoOneFightsAlone! Hindi ka lumalaban nang mag-isa. Marami kang kasama.

Narito rin pala ang maikling tula na isinulat ko para sa’yo:

Nakangiti ka habang ginagamot, tinititigan kita’t ayaw malimot ang guhit sa’yong labi kasabay ng dalanging hinahabi. May takot sa’yong mga mata na ayaw mong ipahalata ngunit kakambal ito ng pangamba sa dibdib ko. Alam ko na mahirap at wala akong salitang maapuhap. (January 23, 2024)   Paubos na ang buhok mo, sabi ni Ate naglagay ka ng bandana sa’yong ulo na tila baby, patawa-tawa, pangiti-ngiti pero sa loob-loob ay umuuha sa hapdi.

(February 10, 2024)

Happy Women’s Month, mama

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Gusto rin pala kitang batiin ng Happy Women’s Month, mama. Isa ka sa mga babaeng tinitingala ko sa buhay na ito. Malakas na pwersa sa daigdig ang pag-ibig mo. Hindi ka lang ilaw ng tahanan, nagbibigay tanglaw ka rin maging sa pinakamadidilim na lansangan ng buhay ko.

Maraming salamat sa pagmamahal mo at sa buhay mo. Hiling ko palagi ang tunay na kaligayahan para sa iyo. Dahil deserve mo ‘to. Dahil mabuti kang tao.

Mama kong breast cancer warrior, maniwala tayong tulad ng mga nauna nating problema, matatapos at lilipas din ito. Maging matatag lang tayo.

Lagi’t laging nagmamahal sa’yo,

Inday

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Para sa mga nais magbigay ng donasyon para sa pagpapagamot ng aking ina, maaaring ipadala ang inyong tulong sa:

BDO

Account Number: 006490559349

Account Name: Jobelle De Chavez Macayan

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

GCASH: 09995372594 (Jobelle M.)

Ngayon pa lang ay nagpapasalamat na ang aming pamilya sa inyong mabuting puso. Pagpalain pa sana kayo ng langit.

Sinulat ni

Jobelle Macayan