Mayroon ka bang nararamdamang kakaiba sa iyong dede? Alamin dito ang mga sintomas ng breast cancer at iba pang mahalagang impormasyon tungkol sa bukol sa dibdib.
Tiyansa ng pagkakaroon ng breast cancer sa babae at lalaki
Ayon sa tala ng Philippine Breast Cancer Network (PCBN), isa sa bawat 13 babae ang maaaring tamaan ng kanser sa suso sa Pilipinas. Habang isang porsiyento naman ng lahat ng kaso ng breast cancer ay naitala sa kalalakihan.
Sa kasalukuyan, nananatili ang breast cancer bilang pangunahing uri ng cancer na sanhi ng pagkamatay ng mga kababaihan sa Pilipinas.
Gayunpaman, malaki ang paniniwala ng PCBN na maaari itong maiwasan kung maayos lang na maipababatid sa publiko ang mahahalagang impormasyong kaugnay ng sakit na ito.
Madalas iugnay ang sakit na breast cancer sa mga babae. Ngunit lingid sa kaalaman ng nakararami, maaari ring tamaan nito maging ang mga lalaki.
Hindi dahil maliit ang breast tissue ng mga lalaki, hindi na sila maaaaring magkaroon nito. Mas mahirap pa ngang makapa at matuklasan ang bukol sa dibdib ng mga lalaki, kaya madalas ay hindi agad naaaagapan.
Paano nauuri ang bukol sa dibdib kung cancerous o benign?
Image from Freepik
Nauuri ang mga bukol sa dibdib na ating nakakapa sa katawan kung benign o hindi cancerous at malignant o iyong cancerous at kumakalat sa paligid ng tinutubuan nito, maging hanggang sa ibang bahagi ng katawan kapag malala na.
Ang breast cancer ay ang pagkakahati-hati ng mga cell sa mammary gland na kalauna’y hindi na mapigilan sa pagdami at paglaganap kaya nagbubunga ng abnormal na pagbubukol.
Ito ang uri ng bukol sa dibdib na malignant o invasive, at hindi basta-basta natutunaw kaya kailangang maisailalim sa pagsusuring medikal at gamutin.
Malaking bagay ang early detection ng mga sintomas ng breast cancer para sa malaking tiyansa ng paggaling. Lalo pa’t magpahanggang sa kasalukuyan ay hindi malinaw na tukoy ang mga ganap na sanhi ng pagkakaroon nito.
Posibleng sanhi ng breast cancer
Tuwing nagkakaroon ng buwanang dalaw ang mga babae, tumataas ang lebel ng estrogen hormones na nalilikha ng kanilang katawan.
Kasama sa mga epekto nito ang maagang edad ng pagreregla o kaya ang matanda nang edad ng pagme-menopause, pagbubuntis ng kabila sa edad na 30, at ang ganap na hindi pagbubuntis.
Isa sa mga tinitingnang sanhi ng breast cancer ang matagal na exposure ng breast tissue sa hormones na estrogen. Mas mataas din ang posibilidad na magkaroon ng ganitong sakit ang mga taong sumasailalim sa hormone replacement therapy.
Narito pa ang ilang posibleng sanhi ng breast cancer:
- Iba’t ibang anyo ng polusyong nakasasama sa katawan ng tao
- Exposure ng mga tao sa mga toxic mineral, metal, at kemikal kabilang na ang pagkain ng mga processed food. Pati na ang mga ginamitan ng pesticides at GMOs
- Exposure sa mga kemikal na nagtataglay ng xenoestrogens na “gumagaya” at nagpapanggap na estrogens at pumapasok sa katawan, dumarami, kumakalat, at nagiging sanhi ng pagbubukol-bukol
- Genetics o namana ito
- Paggamit ng mga contraceptive pill o therapy na nakaaapekto sa pagpapalit ng mga pambabaeng hormone
- Radiation exposure sa bahaging dibdib
- Mataas na fat content sa kaniyang diet
- Pagkakaroon ng mga bisyo ng paninigarilyo at pag-inom ng alak
- Kakulangan o kawalan ng ehersisyo ng katawan
Paano maiiwasan ang pagkakaroon ng breast cancer
Walang siguradong paraan kung paano maiwasan ang pagkakaroon ng breast cancer pero mayroong mga paraan upang mapababa ang risk ng pagkakaroon nito.
Para sa lahat ng kababaihan:
1. Manatili sa malusog na timbang.
Ang pagkakaroon ng mataas na timbang sa isang adult ay nauugnay sa mas mataas na risk ng pagkakaroon ng breast cancer matapos mag-menopause.
2. Maging physically active.
Maraming pag-aaral na nagpapakita na ang moderate to vigorous physical activity ay nakakapagpababa ng risk ng pagkakaroon ng breast cancer, kaya’t mainam na mag-ehersisyo at magkaroon ng regular na physical activity.
3. Iwasan o bawasan ang pag-inom ng alcohol.
Ang alcoholic beverages ay nakakapagpataas ng risk ng breast cancer. Kahit na ang pag-inom ng kaunti ay maaaring maugnay sa pagtaas ng risk ng breast cancer.
4. Pagpapasuso o breastfeeding.
Ang mga babaeng nagpapasuso ng hanggang ilang buwan matapos manganak ay nagkakaroon ng benepisyo na mapababa ang risk sa pagkakaroon ng breast cancer.
5. Paggamit ng hormone therapy matapos ang menopause.
Ang paggamit ng hormone therapy mataposmag-menopause ay nakakapagpataas ng risk ng pagkakaroon ng breast cancer kaya’t makipag-usap sa iyong doktor upang mabigyan ng non-hormonal optionos.
Para sa kababaihan na mayroon nang mataas na risk ng breast cancer:
Kung ikaw ay maroon mataas na risk ng breast cancer, tulad ng mayroong kasaysayan sa inyong pamilya ng pagkakaroon ng breast cancer; inherited gene mutation na nakakapagpataas ng risk ng breast cancer tulad ng BRCA1 o BRCA2 gene; o ikaw ay may DCIS o LCIS. Narito ang ilang mga bagay na maaari mong ikonsidera upang mapababa ang tyansa mo sa pagkakaroon ng breast cancer.
- Genetic counseling at testing para sa breast cancer.
- Mga gamot na nakakapagpababa ng risk ng breast cancer. Prescription medicines tulad ng tamoxifen at raloxifene ay nakakapigil sa estrogen sa breast tissue.
- Preventive (prophylactic) surgery
- Mahigpit na pagbabantay sa maagang senyales ng breast cancer
- Pagpapakonsulta sa doktor (tuwing 6 hanggang 12 na buwan) para sa breast exams at ongoing risk assessments
- Pagsisimula ng breast cancer screening na may taunang mammogram habang nasa mababang edad
- Posibleng pagkakaroon ng karagdagang screening test tulad ng breast MRI
Image from Freepik
Mga sintomas ng breast cancer: Sintomas ng may bukol sa dibdib
Ang mga sintomas ng breast cancer na nararanasan ng mga babaeng tinatamaan ay pareho lamang din ng sa mga lalaki. Mas madali nga lamang matuklasan ang bukol sa dibdib ng mga lalaki kumpara sa mga babae. Dahilan para magkaroon muna ng paglala ng mga sintomas ng may bukol sa dibdib sa mga babae bago mabigyan ng atensyong medikal.
Sakaling makaranas o mapuna sa sarili ang sumusunod na sintomas sa inyong dibdib, makabubuting patingnan agad ito sa espesyalista upang masuri at mapag-alaman kung breast cancer na nga para maagapan pa.
- Pamamaga ng suso.
- Hindi pangkaraniwang hugis ng suso. Maaaring mapuna ang pagkahatak paloob ng balat at laman nito na nagiging sanhi ng pag-iiba ng hugis.
- Kapansin-pansin na pagnipis ng balat at pagsusugat na hindi gumagaling.
- Mayroong pamumula o kaya’y mainit na pakiramdam sa bahagi ng susong hindi gumagaling.
- May likidong tumutulo mula sa nipple na kadalasang may bahid ng nana at/o dugo.
- Pagkakaroon ng parang dimples sa balat ng suso.
- Nakakakapa ng matigas na bukol, madalas sa ilalim na bahagi ng suso, na hindi pangkaraniwan ang hugis, hindi naigagalaw kapag kinakapa, at kapansin-pansin ng paglaki.
- Nahahatak paloob ang utong kaya tila bumabaligtad ito.
- Nagbabago ang kulay ng balat ng suso na kulay orange
- Makakakapa ng matigas at hindi naigagalaw na kulani (lymph node) sa kilikili.
Mainam ang regular na konsultasyon at pagsailalim sa mga kinakailangang laboratory test. Lalo na kung taglay ang mga nabanggit na risk factors at sintomas ng breast cancer.
Pero siyempre, malaking usapin ang kakayahan ng mga Pilipinong sustentuhan ang pagpapadoktor nang regular. Kaya inaasahang ang mga impormasyon tulad nito ay makaabot sa kaalaman ng bawat isa.
Mga uri ng breast cancer
Larawan mula sa Pexel kuha ni Anna Tarazevich
Maraming uri ng breast cancer, pero ang ilan dito ay bihirang mangyari. Narito ang ilan sa mga pinakakaraniwang uri ng breast cancer at kanilang katawagang medikal.
-
Ductal carcinoma in citu o DCIS.
Ang DCIS ang pinakamaagang uri ng breast cancer. Kung saan ang cancer cells ay nasa loob pa lamang ng milk ducts. Ang cancer cells ay hindi pa kumakalat sa mga malalapit na tissues. Halos lahat ng kababaihan na may DCIS ay gumagaling.
Ito ang uri ng breast cancer kung saan nakalabas na ang mga cancer cells kung saan ito nagsimula. Ang cancer cells na ito ay maaari ring kumalat sa iba pang bahagi ng katawan. Ilan sa mga uri ng invasive breast cancer ay:
-
- Invasive ductal carcinoma (IDC). Pinakakaraniwan na uri ng breast cancer. Kung saan nagsisimula sa milk ducts at dumadaloy sa walls ng ducts papunta sa pinakamalamit na breast tissue.
- Invasive lobular carcinoma (ILC). Ito ang uri ng cancer na nagsimula sa milk glands na tinatawag na lobules, at kumakalat sa malapit na tissue.
-
Inflammatory breast cancer (IBC).
Dito ay hinaharangan ng cancer cells ang lymph vessels ng balat. Sa IBC, namumula ang balat ng suso at mainit sa pakiramdam. Ang balat ay maaaring magmukhang balat ng prutas na orange.
Maaaring lumaki, tumigas, lumambot, o makati ang balat sa IBC. Kadalasan ay walang nakakapang lump o bukol sa IBC, dahilan para hindi ito makita sa mammogram, at mahirapang matukoy nang maaga.
-
Triple-negative breast cancer (TNBC).
Ang TNBC ay isang invasive breast cancer kung saan ang ilan sa mga gamot ay hindi umeepekto. Ito ay tinatawag na triple-negative dahil ang cancer cells ay nagkukulang ng tatlong uri ng protina sa sinusuri sa breast cancer.
Kung saan ang estrogen at progesterone receptors, at isa pang protina na tinatawag na HER2 (protina na marami sa ibang uri ng breast cancer. Mas mahirap gamutin ang ganitong uri ng breast cancer.
Mga uri ng pag gamot laban sa breast cancer
Para makumpirma ng iyong doktor kung mayroon kang breast cancer, magsasagawa siya ng breast exam, at pagkatapos ay maari kang sumailalim sa mga pagsusuri gaya ng mammogram, ultrasound, biopsy at magnetic resonance imaging o MRI.
Kapag natukoy na mayroon ka nga ng sakit na ito, depende sa stage ng cancer ay bibigyan ka ng iyong doktor ng mga treatment options na magiging mainam para sa iyo. Narito ang ilan sa kanila:
Image from Freepik
Iba-iba ito, at maaaring ibigay bilang stand-alone treatment o bahagi ng isa pang proseso ng gamutan, batay sa kondisyon ng kanser na dinaranas ng pasyente.
-
Breast-conserving surgery
Kilala rin ito sa mga katawagang lumpectomy, quadrantectomy, partial mastectomy, o segmental mastectomy.
Tinatanggal nito ang bahagi lamang ng susong nagtataglay ng bukol na cancerous. Kasama ang ilang tissue sa paligid depende sa pangangailangan ng kondisyon.
Tinatanggal nang buo ang suso ng pasyente, at may pagkakataong maging ang mga katabing tissue sa ibang bahagi ng dibdib. Kung magkabilang dibdib ang apektado ng kanser, double mastectomy ang isinasagawa o pagtatanggal nang tuluyan sa parehong suso sa dibdib.
Nililipol nito ang cancer cells sa pamamagitan ng high-energy rays, na kadalasang karagdagang gamutan sa iba pang klase ng therapy na ibinibigay sa pasyente. Depende ito sa pangangailangan ng kondisyon:
-
- Matapos ang breast-conserving therapy, ibinibigay ito para mapababa ang posibilidad na muling mag-develop ng cancer cells sa mga kalapit o nakapaligid na tissue;
- Matapos ang mastectomy, kapag mayroon pa ring bukol na mahigit dalawang (2) inches ang laki; at
- Kapag kumalat na ang kanser sa iba pang bahagi ng katawan ng pasyente, halimbawa na sa buto o utak.
-
Ito ang pagbibigay ng gamot para sa breast cancer sa pasyente na maaaring sa pamamagitan ng injection o pag-inom. Humahalo sa dugo ang cancer-killing drug na ibinibigay sa pasyente, na kumakalat sa lahat ng bahagi ng katawan.
Nakadepende ang bisa nito sa magiging response ng katawan ng pasyente. Kaya malaking debate sa science and medical research community magpahanggang sa ngayon ang kawastuhan ng paghahatol nito.
-
- Pagkatapos ng surgery, maaari itong ibigay para patayin ang cancer cells na puwedeng naiwan at maaaring pagsimulan muli ng pagdami at pagkalat sa iba pang bahagi ng dibdib o katawan.
- Bago ang surgery, binibigyan na rin ang pasyente ng gamot (chemo) para mapaliit ang bukol na iniinda nito. Sa gayon, hindi ito mangangailangan ng matagalan at malalang operasyon.
- May advanced type chemo na tinatawag na nagsisilbing stand-alone treatment para malunasan ang pagkalat ng cancer sa dibdib at bahaging kilikili ng pasyente.
-
Hormone therapy
Itinuturing ito bilang systematic therapy dahil inaabot at tina-target nito maging ang mga cancer cells na maaaring aktibo sa iba pang bahagi ng katawan ng pasyente, hindi lamang sa dibdib o suso.
Pangunahin itong inirerekomenda sa mga babaeng pasyenteng diagnosed ng hormone receptor-positive (ER-positive at/o PR-positive) na uri ng breast cancer.
Sa isang banda, walang itong bisa para sa mga diagnosed ng hormone receptor-negative (parehong ER- at PR-negative) breast cancer.
ER kung ang cancer signal ay nagmumula sa estrogen hormones, habang PR naman kung nagmumula sa progesterone hormones.
Karaniwang ginagamit ang gamutang ito matapos ang surgery upang mapababa ang tiyansa ng pagbalik ng cancer. At kung hindi inaasahang bumalik nga ang cancer, ito ang pangunahing inirerekomendang uri ng gamutan.
Sa kabila ng maraming pagpipiliang uri ng gamutan para sa mga pasyenteng dumaranas ng breast cancer, pinakamainam pa ring maunawaan ang bawat advantage at disadvantage na kaakibat ng pagsailalim sa mga gamutang ito.
Sapagkat ang lahat ng ito’y nakabatay sa pagtanggap o hindi ng katawan ng pasyente sa mga gamot na ipinapasok sa kaniyang sistema. Gayong maaari rin nitong maapektuhan ang iba pa nitong body organs.
Larawan mula sa Shutterstock
Ano ang mangyayari matapos ang treatment ng breast cancer?
Talaga namang ikakatuwa ng breast cancer survivors kapag natapos ang kanilang paggagamot. Pero matapos ang ilang taon ng breast cancer treatment, kinakailagan mo pa ring makipagkita sa iyong cancer doctor, at siguraduhin na mapuntahan ang lahat ng follow-up visits. Maaaring magkaroon ng mga pagsusuri, blood tests, o iba pang tests upang makita kung bumabalik ba ang cancer.
Sa mga unang taon, every few months ang iyong pagbisita sa doktor. Mas matagal mula nang natapos mo ang iyong treatment ay mas nababawasan ang iyong kinakailangang pagbisita sa doktor.
Kung ikaw naman ay mayroon pa ring suso, kinakailangan mo pa ring sumailalim sa mammogram kada taon.
Iba pang mahahalang impormasyon tungkol sa breast cancer
Matatagpuan sa website ng PCBN ang isang listahan ng fact-check na mahalagang mabatid tungkol sa breast cancer.
- Lahat ng kababaihan ay posibleng magkaroon ng cancer na ito. Nasa humigit-kumulang 70% ng naitalang kaso ng breast cancer sa mga babae ay natukoy na walang taglay na risk factors gaya ng tinalakay sa unang bahagi.
- Nasa 5% lamang ng mga kaso ng breast cancer ang namana. Habang 80% sa mga na-diagnose ang unang kaso pa lamang sa kanilang pamilya o angkan.
- Ang tanging solusyon upang hindi mauwi sa breast cancer ang kasong iniinda ng mga pasyente ay ang pag-iwas at pagtatanggal ng mga tinaguriang sanhi ng pagkakaroon ng breast cancer.
- Nasa 20% ng lahat ng kaso ng breast cancer at 40% ng mga babaeng na-diagnose ng sakit sa edad na 50 pababa ang hindi matagumpay na na-detect sa pamamagitan ng pagsusuring mammography.
- 1 sa bawat 4 na nadi-diagnose na mayroong breast cancer ang namamatay sa loob ng unang 5 taon. Samantala, kulang 40% naman ng kabuuang bilang ng kaso ang namamatay sa loob ng 10 taon.
- Sapat ang ebidensiyang nag-uugnay sa isyu ng polusyong pangkapaligiran at kontaminasyon ng sistema ng katawan na nagiging sanhi ng breast cancer sa pasyente.
- Breast cancer ang nangungunang sanhi ng pagkamatay ng kababaihang nasa pagitan ng edad na 35 hanggang 54 sa buong mundo. Mahigit isang milyon kababaihan ang nagkakaroon ng sakit na ito nang hindi nalalaman at halos nasa 500,000 ang namamatay taon-taon.
Kaya kung may nararamdaman kang kakaiba sa iyong dede, o nakakapansin ng mga sintomas ng breast cancer, huwag magdalawang-isip na kumonsulta sa iyong doktor.
Larawan mula sa Pexel kuha ni Anna Tarazevich
Ilang taon nagkakaroon ng breast cancer?
Karaniwang mga babae ang nagkakaroon ng breast cancer. Pero maaari ding magkaroon nito ang mga lalaki. Habang tumatanda ay mas tumataas ang risk ng pagkakaroon ng breast cancer. Mataas ang tiyansa ng mga nasa edad 70 taon pataas na magkaroon ng sakit na ito.
Pero alam niyo ba na hindi man pangkaraniwan pero posible ring magkaroon ng breast cancer ang bata? Kaya naman, ilang taon nga ba nagkakaroon ng breast cancer? Walang tiyak na age limit ang pagkakaroon nito.
Kadalasan mang ang bukol sa dibdib ng bata ay benign o hindi cancerous, mas maiging patingnan sa doktor ang iyong anak kung makaranas siya ng mga sumusunod:
- Bukol sa kilikili, sa paligid ng utong, o saan man sa breast area.
- nipple na tila lumubog
- dugo o fluid na lumalabas sa utong
- pagbabago sa hugis ng breast area na walang kaugnayan sa puberty o pagtaas ng timbang
- pamumula, pangangati, at rash sa paligid ng dibdib
Bakit nga ba nagkakaroon ng breast cancer ang bata? Maaaring resulta ito ng cancer sa iba pang bahagi ng katawan ng iyong anak. Kaya naman mahalagang patingnan siya sa doktor kung sakaling makitaan ng sintomas ng breast cancer sa bata.
Bagama’t hindi pangkaraniwan ang breast cancer sa bata, mataas ang tsansa na magkaroon nito kung ang bata ay:
- may magulang o kapatid na nagkaroon ng breast cancer
- nakaranas na sumailalim sa radiation treatment sa dibdib para sa ibang uri ng cancer
- may inherited change sa BRCA1 at BRCA2 o kaya naman ay may iba pang gene na maaaring magdulot ng breast cancer.
Ang gamot sa breast cancer ng bata ay nakadepene sa uri ng tumor na meron sa dibdib nito.
Cyst sa dibdib cancerous ba?
Ang breast cyst ay bukol sa dibdib na mayroong fluid. Nagkakaroon ng cyst sa suso ang babae kapag nalagyan ng fluid ang empty milk gland nito. Mayroong mga maliliit na cyst na halos hindi makakapa habang meron din namang malalaki na nagdudulot ng discomfort sa pakiramdam.
Karaniwang nagkakaroon ng cyst sa suso ang mga babae at madalas na napagkakamalang sintomas ito ng stage 1 breast cancer. Pero hindi cancerous ang cyst sa suso.
Sintomas ng cyst sa suso
Ang sintomas ng cyst sa suso ay ang pagkakaroon ng bukol sa dibdib na maaaring malambot o matigas. Ito rin ay bilog at movable o gumagalaw kapag hinahawakan. May dulot itong masakit na pakiramdam lalo na tuwing bago ang menstrual cycle.
Karaniwan benign o hindi cancerous ang breast cyst. Subalit, kung nagdudulot ng discomfort ang mga sintomas ng cyst sa suso, makabubuting hingiin ang payo ng doktor.
Samantala, kapag ang bukol sa dibdib ay hindi masakit, matigas, at irregular ang hugis, posibleng sintomas ito ng breast cancer. Kapag bukol sa dibdib na hindi masakit ang iyong nakapa o napansin sa breast area, agad na kumonsulta sa doktor para masuri kung breast cancer nga ba ito o hindi.
Iba’t ibang uri ng cyst sa suso
Mayroong tatlong uri ng cyst sa suso. Ito ay ang simple breast cyst, complicated breast cyst, at complex breast cyst.
Ang simple breast cyst ay bukol sa dibdib na puro fluid ang laman. Tiyak na hindi cancerous ang cyst sa suso na ito.
Ang complicated breast cyst naman ay mayroong solid fragments o laman na lumulutang sa fluid sa loob ng bukol. Maaaring kailanganing sumailalim sa breast cyst aspiration o needle biopsy para matanggal ang fluid sa loob.
Samantala, ang complex breast cyst naman ay uri ng cyst sa suso na kadalasang nakababahala. Mayroon kasi itong solid tissue na posibleng cancerous. Kung ganitong uring ng breast cyst ang mayroon sa iyong dibdib, kailangan din na magsagawa ng needle biopsy.
Rare man o ‘di pangkaraniwan, maaari pa ring humantong sa pagiging cancerous ang complex breast cyst. Kaya naman, makabubuting kumonsulta pa rin sa inyong doktor para ito ay mapatingnan at maiwasan ang pagkabahala.
Anong gamot sa cyst sa suso at paano ito maiiwasan?
Dahil karaniwang hindi naman cancerous ang cyst sa suso, ay hindi ito nangangailangan ng treatment. Kadalasang nawawala rin naman ito nang kusa kahit walang paggamot na gawin.
Kung nakararanas naman ng pananakit o discomfort dahil sa cyst, pwedeng magsagawa ng needle biopsy ang iyong doktor para maalis ang fluid sa bukol. Kaya lamang, posible pa ring bumalik ang fluid nito.
Kapag bumalik ang fluid at nagdulot ito ng labis na pananakit, pwede ring sumailalim sa surgery para tuluyang tanggalin ang cyst sa suso.
Kung complicated o complex ang cyst sa iyong dibdib mahalaga ang frequent check up sa iyong doktor para maobserbahan kung magkakaroon ng mga pagbabago sa bukol sa suso.
Bagama’t hindi maiiwasan ang pagkakaroon nito, makakatulong ang regular self-exams at routine mammograms para mapabuti ang pangkalahatang kalusugan ng iyong suso.
Karaniwan din namang tuluyang nawawala ang cyst sa suso kapag nagmenopause na ang babae.
Sintomas ng bukol sa suso na hindi cancer
Larawan mula sa Pexel kuha ni Polina Tankilevitch
Ayon sa Hopkins Medicine, maraming iba’t ibang sanhi ang bukol sa dibdib na benign o hindi cancerous. Ilan sa mga posibleng sanhi ay ang tinatawag na abscess, cyst, at fibroadenomas. Puwede rin naman umanong ito ay fat necrosis at sclerosing adenosis. Tanging ang mga doktor lamang ang makapagsasabi kung anong klase ng bukol sa dibdib ang mayroon ka. Kaya naman makabubuti pa rin na kumonsulta sa doktor kung may mapuna mang sintomas ng bukol sa suso.
Iba’t ibang sintomas ng bukol sa suso na hindi cancer:
Abscess
Kung breast abscess ang sanhi ng bukol sa dibdid, maaari itong magdulot ng iba pang sintomas ng bukol sa suso na hindi cancer. Ang abscess ay bukol na puno ng nana kaya naman nagdudulot ito ng pamamaga at pagsakit ng bukol sa dibdib. Ang iba pang sintomas ng abscess ay lagnat at pakiramdam ng labis na pagkapagod.
Cyst
Kung cyst naman ang sanhi ng bukol sa dibdib, ito ay uri naman ng bukol na may fluid sa loob. Kadalasang naaapektuhan nito ang mga babaeng nasa edad 35 hanggang 50 at karaniwan sa mga malapit nang mag-menopause.
Ang karaniwang sanhi ng cyst sa suso ay ang blocked na breast glands. Mayroong mga cyst na malambot at meron din namang matigas. Kung tumubo ito malapit sa surface ng suso, posibleng smooth ang labas ng bukol pero may fluid na laman ito sa loob. Samantala, kung tumubo sa malalim na bahagi ng tissue ng dibdib ang cyst, matigas ito dahil nababalutan ng tissue.
Fibroadenoma
Ito naman ang bukol sa dibdib na hindi cancerous na karaniwang nakaaapekto sa mga babaeng nasa 20s to 30s ang edad. Ito ang pinakakaraniwang bukol sa suso na benign. Solid, firm, at smooth ang bukol na ito sa dibdib. Mas kadalasang naaapektuhan din nito ang mga babaeng nasa post-menopausal stage na at nagte-take ng hormone therapy.
Fat necrosis
Ito naman ang tawag sa bilog, firm, at hindi masakit na bukol sa dibdib. Karaniwan itong nakaaapekto sa mga babaeng may malalaking dibdib o kaya naman sa mga madalas na nasasanggi, nahahampas, o tumama sa kung saan ang dibdib. Posible ring ang fat necrosis ay resulta ng lumpectomy at radiation mula sa dating cancerous na bukol. Hindi naman cancerous ang bukol na ito sa dibdib at hindi rin nito napatataas ang tiyansa na magkaroon ka ng cancer.
Galactocele
Tinatawag din itong milk retention cyst. Tulad ng cyst na nabanggit sa itaas, fluid din ang laman ng bukol. Ang sanhi ng galactocele ay ang pagbabara ng milk duct o daanan ng gatas.
Hematoma
Hematoma naman ang tawag sa uri ng bukol sa dibdib na sanhi ng injury o surgical procedure sa dibdib. Kung ang iba ay nana at fluid ang laman ng bukol, dugo naman ang nasa loob ng hematoma.
Sclerosing adenosis
Ang sanhi naman ng sclerosing adenosis ay ang excess growth ng tissues sa lobules ng dibdib. Maaaring makaranas ng pananakit ng suso kung mayroong sclerosing adenosis. Kadalasan din umano itong napagkakamalang cancer. Kaya naman inaalis ang bukol sa dibdib na ito sa pamamagitan ng surgical biopsy.
Muli, tandaan na kung hindi tiyak kung ano ang sanhi ng bukol sa dibdib, mainam na magpatingin sa doktor para malaman kung cancerous ba o hindi ang bukol sa tumubo sa dibdib. Mahalaga ring maaksyonan agad ito paara hindi na humantong sa mas mahirap na karamdaman.
Karagdagang ulat mula kay Shena Macapañas at Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!