Lahat ng kinakasal ay umaasa na hindi magkakaroon ng problema ang kanilang buhay mag-asawa. Ngunit hindi naman palaging masaya ang buhay, at nagkakaroon paminsan-minsan ng mga away at hindi pagkakaunawaan. Minsan din ay nagkakaroon ng mga problema na wala na sa kontrol ng mga mag-asawa. Pero nakakaapekto pa rin ito sa kanilang relasyon, at sa ugnayan nila sa isa’t-isa.
Ngunit, paano mapapanatili ang kaligayahan at ang pag-ibig sa buhay mag-asawa? Heto ang 5 stages ng pag-ibig na dapat ninyong malaman.
5 Stages ng pag-ibig sa buhay mag-asawa
Ang listahan na ito ay galing sa Facebook post ng blogger na si Modern Mommy Madness, at dito ibinahagi niya ang kaniyang karanasan bilang isang asawa.
1. Pagsisimula ng pag-ibig
Sa simula ng inyong buhay mag-asawa ay parang napakasaya ng buhay. Gustong-gusto mong kasama ang iyong asawa sa lahat ng bagay, at excited ka sa mga masasayang mangyayari sa inyong dalawa.
Kumbaga, ito ang “honeymoon phase” ng inyong buhay mag-asawa, at punong-puno ito ng excitement.
2. Pagtatrabaho sa inyong dalawa
Pagkatapos ng honeymoon phase, magsisimula na ang tunay na buhay mag-asawa. Nagsisimula na kayong magkaroon ng mga problema, at minsan parang gusto mo lang hindi muna makita ang iyong asawa.
Mahal ninyo pa rin ang isa’t-isa, pero may mga panahon na talagang nahihirapan kayong makisama sa isa’t-isa. Kailangan ninyo talagang magtrabaho sa inyong relasyon upang maayos ang mga problema, at hindi ito balewalain.
3. Pagkabigo
Sa ikatlong stage naman ng pag-ibig, mararanasan ninyo ang pagkabigo. Dito ninyo malalaman na hindi perpekto ang inyong buhay mag-asawa, at may mga bagay kayong dapat ayusin.
Dito niyo rin malalaman ang inyong mga pagkukulang sa isa’t-isa, at ang mga pagkakamaling nagawa ninyo.
Pero hindi naman ito puro kalungkutan. Dahil kapag alam niyo na ang sanhi ng inyong mga problema, puwede na kayong magsimulang baguhin ang inyong ugali, at ang inyong buhay para maging mas masaya ang relasyon ninyo ng iyong asawa.
Normal lang na mahirapan kayong mag-asawa sa stage na ito. Pero mahalagang malaman ninyo na kayang-kaya ninyong harapin ang mga problema, basta’t may tiwala at pagmamahal kayo sa isa’t-isa.
4. Pag-ibig na pangmatagalan
Sa ikaapat na stage, dito ninyo mararanasan ang tunay na pag-ibig na pangmatagalan. Hindi na ito bahagi ng honeymoon phase kung saan punong-puno pa kayo ng kilig at excitement.
Ito ang pag-ibig kung saan tanggap ninyo ang mga imperfections ng isa’t-isa, at hindi na ito nagiging problema. Mas sanay na rin kayo sa mga hindi pagkakaunawaan, at mas gamay na ninyo ang pag-uugali ninyong dalawa.
Mas may tiwala na rin kayo sa isa’t-isa, at alam ninyong kahit anong mangyari, kayong dalawa ang magsasama.
5. Pagbabago ng mundo
Ang stage na ito ay ang pagkakaroon ng pag-asa at pangarap na kaya ninyong gumawa ng pagbabago sa mundo. Siguro magagawa ninyo ito sa pamamagitan ng pagpapalaki ng mga mababait at mapagmahal na anak, o kaya tutulungan ninyo ang ibang mga mag-asawa na mapabuti ang kanilang relasyon.
Ito ang pinapangarap na marating ng mga mag-asawa, at siguradong magiging mas masaya ang inyong buhay sa stage na ito.
Source: Health
Basahin: 5 Bagay na madalas pinag-aawayan ng mga mag-asawa