Cancerous o Benign? Breast cancer at iba pang uri ng bukol sa dibdib

Hindi lang mga babae kundi maging lalaki at bata ay maaaring magkaroon ng bukol sa dibdib. Hindi lahat ng bukol sa dibdib ay cancerous. Alamin dito ang mga sintomas ng breast cancer!

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Mayroon ka bang nararamdamang kakaiba sa iyong dede o dibdib? Alamin dito ang mga sintomas ng breast cancer at iba pang mahalagang impormasyon tungkol sa bukol sa dibdib.

Ano ang ibig sabihin ng bukol sa dibdib?

 Ang mga bukol sa dibdib na ating nakakapa ay maaaring benign o hindi cancerous at malignant o  cancerous at kumakalat sa paligid ng tinutubuan nito, maging hanggang sa ibang bahagi ng katawan kapag malala na.

Ang breast cancer ay ang pagkakahati-hati ng mga cell sa mammary gland na kalauna’y hindi na mapigilan sa pagdami at paglaganap kaya nagbubunga ng abnormal na pagbubukol.

Ito ang uri ng bukol sa dibdib na malignant o invasive, at hindi basta-basta natutunaw kaya kailangang maisailalim sa pagsusuring medikal at gamutin.

Malaking bagay ang early detection ng mga sintomas ng breast cancer para sa malaking tiyansa ng paggaling. Lalo pa’t magpahanggang sa kasalukuyan ay hindi malinaw na tukoy ang mga ganap na sanhi ng pagkakaroon nito.

Image from Freepik

Posibleng sanhi ng breast cancer

Tuwing nagkakaroon ng buwanang dalaw ang mga babae, tumataas ang lebel ng estrogen hormones na nalilikha ng kanilang katawan.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Kasama sa mga epekto nito ang maagang edad ng pagreregla o kaya ang matanda nang edad ng pagme-menopause, pagbubuntis ng kabila sa edad na 30, at ang ganap na hindi pagbubuntis.

Isa sa mga tinitingnang sanhi ng breast cancer ang matagal na exposure ng breast tissue sa hormones na estrogen. Mas mataas din ang posibilidad na magkaroon ng ganitong sakit ang mga taong sumasailalim sa hormone replacement therapy.

Narito pa ang ilang posibleng sanhi ng breast cancer:

  • Iba’t ibang anyo ng polusyong nakasasama sa katawan ng tao
  • Exposure ng mga tao sa mga toxic mineral, metal, at kemikal kabilang na ang pagkain ng mga processed food. Pati na ang mga ginamitan ng pesticides at GMOs
  • Exposure sa mga kemikal na nagtataglay ng xenoestrogens na “gumagaya” at nagpapanggap na estrogens at pumapasok sa katawan, dumarami, kumakalat, at nagiging sanhi ng pagbubukol-bukol
  • Genetics o namana ito
  • Paggamit ng mga contraceptive pill o therapy na nakaaapekto sa pagpapalit ng mga pambabaeng hormone
  • Radiation exposure sa bahaging dibdib
  • Mataas na fat content sa kaniyang diet
  • Pagkakaroon ng mga bisyo ng paninigarilyo at pag-inom ng alak
  • Kakulangan o kawalan ng ehersisyo ng katawan

Tiyansa ng pagkakaroon ng breast cancer sa babae at lalaki

Ayon sa tala ng Philippine Breast Cancer Network (PCBN), isa sa bawat 13 babae ang maaaring tamaan ng kanser sa suso sa Pilipinas. Habang isang porsiyento naman ng lahat ng kaso ng breast cancer ay naitala sa kalalakihan.

Sa kasalukuyan, nananatili ang breast cancer bilang pangunahing uri ng cancer na sanhi ng pagkamatay ng mga kababaihan sa Pilipinas.

Gayunpaman, malaki ang paniniwala ng PCBN na maaari itong maiwasan kung maayos lang na maipababatid sa publiko ang mahahalagang impormasyong kaugnay ng sakit na ito.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Madalas iugnay ang sakit na breast cancer sa mga babae. Ngunit lingid sa kaalaman ng nakararami, maaari ring tamaan nito maging ang mga lalaki.

Hindi dahil maliit ang breast tissue ng mga lalaki, hindi na sila maaaaring magkaroon nito. Mas mahirap pa ngang makapa at matuklasan ang bukol sa dibdib ng mga lalaki, kaya madalas ay hindi agad naaaagapan.

Paano maiiwasan ang pagkakaroon ng breast cancer

Walang siguradong paraan kung paano maiwasan ang pagkakaroon ng breast cancer pero mayroong mga paraan upang mapababa ang risk ng pagkakaroon nito.

Para sa lahat ng kababaihan:

  • Manatili sa malusog na timbang.
  • Maging physically active.
  • Iwasan o bawasan ang pag-inom ng alcohol.
  • Pagpapasuso o breastfeeding.
  • Paggamit ng hormone therapy matapos ang menopause.

Para sa kababaihan na mayroon nang mataas na risk ng breast cancer:

Kung ikaw ay maroon mataas na risk ng breast cancer, tulad ng mayroong kasaysayan sa inyong pamilya ng pagkakaroon ng breast cancer; inherited gene mutation na nakakapagpataas ng risk ng breast cancer tulad ng  BRCA1 o BRCA2 gene; o ikaw ay may DCIS o LCIS. Narito ang ilang mga bagay na maaari mong ikonsidera upang mapababa ang tyansa mo sa pagkakaroon ng breast cancer.

  • Genetic counseling at testing para sa breast cancer.
  • Mga gamot na nakakapagpababa ng risk ng breast cancer. Prescription medicines tulad ng tamoxifen at raloxifene ay nakakapigil sa estrogen sa breast tissue.
  • Preventive (prophylactic) surgery
  • Mahigpit na pagbabantay  sa maagang senyales ng breast cancer
    • Pagpapakonsulta sa doktor (tuwing 6 hanggang 12 na buwan) para sa breast exams at ongoing risk assessments
    • Pagsisimula ng breast cancer screening na may taunang mammogram habang nasa mababang edad
    • Posibleng pagkakaroon ng karagdagang screening test tulad ng breast MRI
Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Image from Freepik

Sintomas na cancer ang bukol sa dibdib 

Ang mga sintomas ng breast cancer na nararanasan ng mga babaeng tinatamaan ay pareho lamang din ng sa mga lalaki. Mas madali nga lamang matuklasan ang bukol sa dibdib ng mga lalaki kumpara sa mga babae. Dahilan para magkaroon muna ng paglala ng mga sintomas ng may bukol sa dibdib sa mga babae bago mabigyan ng atensyong medikal.

Sakaling makaranas o mapuna sa sarili ang sumusunod na sintomas sa inyong dibdib, makabubuting patingnan agad ito sa espesyalista upang masuri at mapag-alaman kung breast cancer na nga para maagapan pa.

  1. Pamamaga ng suso.
  2. Hindi pangkaraniwang hugis ng suso. Maaaring mapuna ang pagkahatak paloob ng balat at laman nito na nagiging sanhi ng pag-iiba ng hugis.
  3. Kapansin-pansin na pagnipis ng balat at pagsusugat na hindi gumagaling.
  4. Mayroong pamumula o kaya’y mainit na pakiramdam sa bahagi ng susong hindi gumagaling.
  5. May likidong tumutulo mula sa nipple na kadalasang may bahid ng nana at/o dugo.
  6. Pagkakaroon ng parang dimples sa balat ng suso.
  7. Nakakakapa ng matigas na bukol, madalas sa ilalim na bahagi ng suso, na hindi pangkaraniwan ang hugis, hindi naigagalaw kapag kinakapa, at kapansin-pansin ng paglaki.
  8. Nahahatak paloob ang utong kaya tila bumabaligtad ito.
  9. Nagbabago ang kulay ng balat ng suso na kulay orange
  10. Makakakapa ng matigas at hindi naigagalaw na kulani (lymph node) sa kilikili.

Mainam ang regular na konsultasyon at pagsailalim sa mga kinakailangang laboratory test. Lalo na kung taglay ang mga nabanggit na risk factors at sintomas ng breast cancer.

Pero siyempre, malaking usapin ang kakayahan ng mga Pilipinong sustentuhan ang pagpapadoktor nang regular. Kaya inaasahang ang mga impormasyon tulad nito ay makaabot sa kaalaman ng bawat isa.

Mga uri ng breast cancer

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Larawan mula sa Pexel kuha ni Anna Tarazevich

Maraming uri ng breast cancer, pero ang ilan dito ay bihirang mangyari. Narito ang ilan sa mga pinakakaraniwang uri ng breast cancer at kanilang katawagang medikal.

  • Ductal carcinoma in citu o DCIS.

Ang DCIS ang pinakamaagang uri ng breast cancer. Kung saan ang cancer cells ay nasa loob pa lamang ng milk ducts. Ang cancer cells ay hindi pa kumakalat sa mga malalapit na tissues. Halos lahat ng kababaihan na may DCIS ay gumagaling.

  • Invasive breast cancer.

Ito ang uri ng breast cancer kung saan nakalabas na ang mga cancer cells kung saan ito nagsimula. Ang cancer cells na ito ay maaari  ring kumalat sa iba pang bahagi ng katawan. Ilan sa mga uri ng invasive breast cancer ay:

    • Invasive ductal carcinoma (IDC). Pinakakaraniwan na uri ng breast cancer. Kung saan nagsisimula sa milk ducts at dumadaloy sa walls ng ducts papunta sa pinakamalamit na breast tissue.
    • Invasive lobular carcinoma (ILC). Ito ang uri ng cancer na nagsimula sa milk glands na tinatawag na lobules, at kumakalat sa malapit na tissue.
  • Inflammatory breast cancer (IBC).

Dito ay hinaharangan ng cancer cells ang lymph vessels ng balat. Sa IBC, namumula ang balat ng suso at mainit sa pakiramdam. Ang balat ay maaaring magmukhang balat ng prutas na orange.

Maaaring lumaki, tumigas, lumambot, o makati ang balat sa IBC. Kadalasan ay walang nakakapang lump o bukol sa IBC, dahilan para hindi ito makita sa mammogram, at mahirapang matukoy nang maaga.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement
  • Triple-negative breast cancer (TNBC).

Ang TNBC ay isang invasive breast cancer kung saan ang ilan sa mga gamot ay hindi umeepekto.  Ito ay tinatawag na triple-negative dahil ang cancer cells ay nagkukulang ng tatlong uri ng protina sa sinusuri sa breast cancer.

Kung saan ang estrogen at progesterone receptors, at isa pang protina na tinatawag na HER2 (protina na marami sa ibang uri ng breast cancer. Mas mahirap gamutin ang ganitong uri ng breast cancer.

Mga uri ng pag gamot laban sa breast cancer

Para makumpirma ng iyong doktor kung mayroon kang breast cancer, magsasagawa siya ng breast exam, at pagkatapos ay maari kang sumailalim sa mga pagsusuri gaya ng mammogram, ultrasound, biopsy at magnetic resonance imaging  o MRI.

Kapag natukoy na mayroon ka nga ng sakit na ito, depende sa stage ng cancer ay bibigyan ka ng iyong doktor ng mga treatment options na magiging mainam para sa iyo. Narito ang ilan sa kanila:

Image from Freepik

  • Surgery

Iba-iba ito, at maaaring ibigay bilang stand-alone treatment o bahagi ng isa pang proseso ng gamutan, batay sa kondisyon ng kanser na dinaranas ng pasyente.

  • Breast-conserving surgery

Kilala rin ito sa mga katawagang lumpectomy, quadrantectomy, partial mastectomy, o segmental mastectomy.

Tinatanggal nito ang bahagi lamang ng susong nagtataglay ng bukol na cancerous. Kasama ang ilang tissue sa paligid depende sa pangangailangan ng kondisyon.

  • Mastectomy

Tinatanggal nang buo ang suso ng pasyente, at may pagkakataong maging ang mga katabing tissue sa ibang bahagi ng dibdib. Kung magkabilang dibdib ang apektado ng kanser, double mastectomy ang isinasagawa o pagtatanggal nang tuluyan sa parehong suso sa dibdib.

  • Radiation

Nililipol nito ang cancer cells sa pamamagitan ng high-energy rays, na kadalasang karagdagang gamutan sa iba pang klase ng therapy na ibinibigay sa pasyente. Depende ito sa pangangailangan ng kondisyon:

    • Matapos ang breast-conserving therapy, ibinibigay ito para mapababa ang posibilidad na muling mag-develop ng cancer cells sa mga kalapit o nakapaligid na tissue;
    • Matapos ang mastectomy, kapag mayroon pa ring bukol na mahigit dalawang (2) inches ang laki; at
    • Kapag kumalat na ang kanser sa iba pang bahagi ng katawan ng pasyente, halimbawa na sa buto o utak.
  • Chemotherapy

Ito ang pagbibigay ng gamot para sa breast cancer sa pasyente na maaaring sa pamamagitan ng injection o pag-inom. Humahalo sa dugo ang cancer-killing drug na ibinibigay sa pasyente, na kumakalat sa lahat ng bahagi ng katawan.

Nakadepende ang bisa nito sa magiging response ng katawan ng pasyente. Kaya malaking debate sa science and medical research community magpahanggang sa ngayon ang kawastuhan ng paghahatol nito.

    • Pagkatapos ng surgery, maaari itong ibigay para patayin ang cancer cells na puwedeng naiwan at maaaring pagsimulan muli ng pagdami at pagkalat sa iba pang bahagi ng dibdib o katawan.
    • Bago ang surgery, binibigyan na rin ang pasyente ng gamot (chemo) para mapaliit ang bukol na iniinda nito. Sa gayon, hindi ito mangangailangan ng matagalan at malalang operasyon.
    • May advanced type chemo na tinatawag na nagsisilbing stand-alone treatment para malunasan ang pagkalat ng cancer sa dibdib at bahaging kilikili ng pasyente.
  • Hormone therapy

Itinuturing ito bilang systematic therapy dahil inaabot at tina-target nito maging ang mga cancer cells na maaaring aktibo sa iba pang bahagi ng katawan ng pasyente, hindi lamang sa dibdib o suso.

Pangunahin itong inirerekomenda sa mga babaeng pasyenteng diagnosed ng hormone receptor-positive (ER-positive at/o PR-positive) na uri ng breast cancer.

Sa isang banda, walang itong bisa para sa mga diagnosed ng hormone receptor-negative (parehong ER- at PR-negative) breast cancer.

ER kung ang cancer signal ay nagmumula sa estrogen hormones, habang PR naman kung nagmumula sa progesterone hormones.

Karaniwang ginagamit ang gamutang ito matapos ang surgery upang mapababa ang tiyansa ng pagbalik ng cancer. At  kung hindi inaasahang bumalik nga ang cancer, ito ang pangunahing inirerekomendang uri ng gamutan.

Sa kabila ng maraming pagpipiliang uri ng gamutan para sa mga pasyenteng dumaranas ng breast cancer, pinakamainam pa ring maunawaan ang bawat advantage at disadvantage na kaakibat ng pagsailalim sa mga gamutang ito.

Sapagkat ang lahat ng ito’y nakabatay sa pagtanggap o hindi ng katawan ng pasyente sa mga gamot na ipinapasok sa kaniyang sistema. Gayong maaari rin nitong maapektuhan ang iba pa nitong body organs.

Larawan mula sa Shutterstock

Ano ang mangyayari matapos ang treatment ng breast cancer?

Talaga namang ikakatuwa ng breast cancer survivors kapag natapos ang kanilang paggagamot. Pero matapos ang ilang taon ng breast cancer treatment, kinakailagan mo pa ring makipagkita sa iyong cancer doctor, at siguraduhin na mapuntahan ang lahat ng follow-up visits. Maaaring magkaroon ng mga pagsusuri, blood tests, o iba pang tests upang makita kung bumabalik ba ang cancer.

Sa mga unang taon, every few months ang iyong pagbisita sa doktor. Mas matagal mula nang natapos mo ang iyong treatment ay mas nababawasan ang iyong kinakailangang pagbisita sa doktor.

Kung ikaw naman ay mayroon pa ring suso, kinakailangan mo pa ring sumailalim sa mammogram kada taon. 

 

Karagdagang ulat mula kay Shena Macapañas at Jobelle Macayan

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.