Chicken pox: Paaralan nagsuspinde ng klase dahil sa bulutong outbreak

Narito ang mga sintomas at paraan kung paano makakaiwas sa sakit na bulutong.

Bulutong outbreak sa isang eskwelahan sa Davao, nauwi sa suspensyon ng klase. Ayon sa namumuno sa paaralan, ito ang kanilang paraan upang maiwasan pang maikalat at maihawa ang virus sa iba.

Image from Freepik

Bulutong outbreak sa Holy Child College of Davao

Nag-suspende ng klase ang Holy Child College of Davao o HCCD mula December 9 to 13. Ito ay matapos nilang makompirma na isa sa kanilang tatlong branch sa Davao City ang may kumpirmadong kaso ng bulutong.

Ang sinasabing branch na may kumpirmadong kaso ng bulutong ay ang Jacinto campus ng HCCD. Ito ay ayon kay Engr. Ma. Chrystella Suzette I. Velasco, ang head ng HCCD for Academic Operations.

“Thus, the school will be taking measures together with City Health Authorities to control the spread of the virus in the coming days to all our campuses.”

Ito ang pagpapaliwanag ni Engr. Velasco tungkol sa suspensyon na dulot ng bulutong outbreak.

Maliban sa ginawa nilang hakbang, pinapaalalahanan rin ni Engr. Velasco ang mga magulang ng mga estudyanteng nag-aaral sa HCCD  na ipakonsulta agad ang kanilang anak sa oras na makitaan ito ng sintomas ng bulutong

“We would like to take this opportunity to remind our parents to keep your child at home or see a doctor when the child develops chicken pox symptoms. We appreciate your understanding on this and if you have any questions, please do not hesitate to consult your respective Branch Head.”

Ito ang dagdag na paalala ni Engr. Velasco.

Mga sintomas ng sakit na bulutong

Samantala, ang sakit na bulutong o chicken pox sa Ingles ay isang sakit na dulot ng varicella-zoster virus ayon sa CDC. Nagdudulot ito ng makati at tila paltos na rashes sa katawan. Ang mga rashes na ito ay madalas na unang lumalabas sa dibdib, likod o mukha ng isang taong may taglay ng sakit. Kasunod nito ay unti-unti ng kakalat ang rashes sa katawan ng taong tinamaan ng virus na magdudulot dito ng labis pang pangangati.

Maliban sa tila paltos na rashes ay makakaranas rin ng iba pang sintomas ang taong may sakit na bulutong, Ito ay ang sumusunod:

  • Lagnat na 38.3° hanggang 38.8°C
  • Sakit ng ulo
  • Sore throat
  • Sakit ng tiyan
  • Walang gana sa pagkain
  • Malaise (masamang pakiramdam)

Lunas at paano makakaiwas sa bulutong

Walang specific na gamot ang bulutong, ang tanging paraan lang para hindi ito lumala at mauwi sa komplikasyon ay maibsan ang mga sintomas na dulot nito. Tulad ng pagbibigay ng sponge bath gamit ang maligamgam na tubig kada tatlo o apat na oras sa unang araw ng bulutong. Paglalagay ng calamine cream sa rashes upang maibsan ang pangangati. At pag-iwas na kamutin ang rashes upang hindi ito ma-infect at maihawa pa sa iba.

Ang bulutong ay mabilis kumalat at maihawa. Makukuha ito sa pamamagitan ng paglanghap ng hanging taglay ang virus na mula sa bahing o ubo ng taong may bulutong. Maihahawa rin ito sa pamamagitan ng direct contact sa laway, mucus o rashes ng taong may taglay ng sakit. Mas nakakahawa nga ang sakit dalawang araw bago lumabas ang rashes hanggang sa bago ito tuluyang matuyo.

Image from Freepik

Para naman maiwasan ang bulutong ay narito ang maaring gawin:

  • Magpabakuna laban sa sakit.
  • Panatilihin ang kalinisan ng katawan.
  • Ugaliing maghugas lagi ng kamay.
  • Huwag na munang papasukin o pagpahingahin muna ang taong may taglay ng sakit para hindi na ito makahawa.

Sa oras na makaranas ng sintomas ng bulutong, mas mabuting komunsulta agad sa doktor. Upang malaman ang tamang gawin at maiwasan ang paglala ng sakit. Dahil kung mapabayaan ang sakit ay maaring magdulot ng komplikasyon gaya ng birth defects sa mga buntis, shingles, pneumonia, encephalitis, Reyes syndrome at toxic shock syndrome.

Source: Sunstar News, CDC, TheAsianparent Philippines

Photo: Freepik

Basahin: Bulutong: Sanhi, sintomas, gamot, at mga paraan para maka-iwas sa sakit na ito