Mainam ang pag-inom ng fresh fruit juice sa mga nanay na buntis, lalo na kapag tag-init. Pero nakakabuti nga ba ang calamansi juice para sa buntis? Alamin dito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga benepisyo ng pag-inom ng calamansi juice
- Epekto ng sobrang pag-inom ng calamansi juice para sa buntis
- Mga inuming mainam para sa mga buntis
Ang pagkain ng tama ay napakaimportante sa pagbubuntis upang masiguro ang magandang paglaki ng baby at sa kalusugan ng ina.
Maraming paraan para magkaroon ng tamang nutrisyon ang mag-ina. Nariyan ang pagkain ni mommy ng masusustansiyang pagkain gaya ng gulay at prutas, pag-ehersisyo, pag-iwas sa mga bawal na pagkain o kaya naman madalas na pag-inom ng gatas.
Napakaimportante rin para sa mga buntis ng pag-inom ng maraming tubig. Ayon sa mga doktor, nirerekomenda na makaubos ng 12 baso ng tubig kada araw ang mga babaeng nagdadalangtao. Kailangan masigurong sila ay hydrated para maiwasan ang pagsusuka at iba pang komplikasyon sa pagbubuntis.
Isa sa mga paboritong inumin nating mga Pinoy ay ang calamansi juice. Kinukuha natin ang katas ng sariwang calamansi, hinahalo sa tubig at konting asukal. Mainam itong panulak lalo na kung malamig para mapawi ang ating uhaw. Pero pagdating sa mga buntis, nakakabuti nga ba ang inuming ito?
Benepisyo ng pag-inom ng calamansi juice
Ang calamansi ay kilala bilang sikat na pampalasa sa mga pagkain sa Pilipinas. Karaniwan itong ipinipiga sa mga putahe gaya ng sisig o pancit, o kaya naman dagdag na pampalasa sa mga sawsawan.
Pero bukod sa kakayahan nitong makapawi ng uhaw at magbigay ng asim sa mga pagkain, alam mo ba na ang pag-inom ng katas ng calamansi ay marami ring magandang maidudulot sa ating katawan?
Ang calamansi ay nakakatulong sa pag kontrol ng cholesterol sa ating katawan. Swak na swak inumin ito ng mga taong gustong magpapayat. Napapababa rin nito ng posibilidad ng pagkakaroon ng heart attack, stroke o atherosclerosis.
Ang maasim na prutas na ito ay mayaman rin sa Vitamin C na nakakatulong sa pagpalakas ng ating immune system.
Marami ang nagsasabi na mataas ang acidic content ng calamansi. Pero alam niyo bang nakakatulong ito sa pagpapababa ng acid sa katawan? Marami ang umiinom nito para mapabuti ang kanilang tiyan. Ang pag-inom nito ay mabisa rin para labanan ang ulcer at acid reflux.
BASAHIN:
Pero partikular na tanong – pwede bang inumin ang calamansi juice ng mga buntis?
Ayon sa Medical News Today, ang lemon at iba pang uri ng citrus fruits gaya ng calamansi, ay ligtas na inumin habang nagbubuntis. Sa katunayan, naglalaman ang mga ito ng mga vitamins, minerals at nutrients na makakatulong sa pangangatawan ng mag-ina.
Narito ang ilang magandang naidudulot ng pag-inom ng calamansi juice para sa mga buntis:
Benepisyo ng calamansi juice para sa buntis
- Mayaman ang calamansi sa Vitamin C na nakakatulong para lumakas ang immune system at makaiwas sa mga karaniwang infections o virus sa paligid, at napipigilan ang pagkakaroon ng lagnat, sipon at ubo. Mainam ito dahil hindi nirerekomenda para sa mga buntis ang uminom ng mga over-the-counter medicines kapag mayroon silang sakit gaya ng nabanggit.
- Ayon sa isang pag-aaral, kailangang kailangan ng mga buntis ang Vitamin C para sa magandang brain development ng sanggol sa kaniyang sinapupunan.
- Ang vitamin C na galing sa calamansi ay nakakatulong sa oral problems katulad ng pagdurugo ng mga gilagid, pagkasira ng ngipin at gingivitis.
- Malaki rin ang naitutulong ng pag-inom ng calamansi juice para maiwasan ang constipation (na madalas nirereklamo ng mga buntis) at pagpapanatili ng malusog na kidney.
- Isa sa mga sakit na delikado sa mga buntis ay ang pagkakaroon ng gestational diabetes. Maari itong magdulot ng mga komplikasyon sa panganganak at sa paglaki ng sanggol. Sa isang pag-aaral ng International Journal of Science and Research, napag-alaman na nakokontrol ng pag-inom ng calamansi juice ang diabetes sa tao. Sa pamamagitan ng maayos na paglalabas ng glucose at insulin sa pagdaloy ng dugo.
“It can help regulate the release of glucose and insulin into bloodstream, which is excellent news for those suffering from diabetes or those at risk of developing the disease.”
- Kailangang-kailangan din ng buntis ang uminom ng maraming tubig. Pero may mga buntis na hindi sanay uminom ng maraming tubig, kaya maari na lang silang uminom ng fruit juices gaya ng calamansi juice.
Bakit kailangang mag-ingat sa pag-inom ng calamansi juice ang buntis
Pero lahat naman ng sobra ay maaring makasama. Bagama’t ligtas naman ito para sa mga buntis, may limitasyon pa rin dapat ang pag-inom ng calamansi juice.
Narito ang mga posibleng epekto ng sobrang pag-inom ng calamansi juice para sa mga buntis:
- Dahil sa mataas na level ng citric acid, maaring maging sanhi ang sobrang pag-inom ng calamansi juice para masira ang ngipin ng buntis.
- Madalas ireklamo ng mga buntis ang pagkakaroon ng heartburn o acid reflux. Dahil sa mataas na level ng citric acid, maari silang magkaroon ng heartburn, indigestion o diarrhea kung labis ang pag-inom nila ng calamansi juice.
- Sa mga hindi kaya ang natural na asim ng calamansi, dinadagdagan ito ng asukal para lalong sumarap. Kailangang mag-ingat ang mga buntis sa mga inuming maraming asukal dahil hindi rin ito makakabuti sa kanilang pagbubuntis at maaring tumaas ang posibilidad ng gestational diabetes.
Maituturing na healthy drink ang calamansi juice lalo na para sa buntis pero dapat ay may tamang disiplina sa pag-inom nito. Huwag dalasan ang pag-inom at dapat in moderation palagi.
Kung iinom ng calamansi juice, siguruhin na sariwa ang iyong gagamitin at hugasan muna ng maigi ang prutas para masiguro na walang bacteria na makakasama sa iyong inumin.
Huwag ring gumamit ng masyadong maraming asukal kapag nagtitimpla ng calamansi juice at kung pwede, huwag uminom nito kung walang laman ang tiyan at bago matulog para maiwasan ang posibilidad ng heartburn o acid reflux.
Ugaliin ring magsipilyo ng iyong ngipin pagkatapos uminom ng calamansi juice o anumang flavored drinks para makaiwas sa pagkasira ng iyong ngipin habang buntis.
Mainit o malamig? Ayon sa Mayo Clinic, anumang temperature ng pagkain o inumin, pagdaloy nito papunta sa tiyan at bituka, pumapareho na ito sa body temperature, kaya wala itong magiging masamang epekto sa nanay o sa bata. Dahil nga napakaimportante sa mga buntis ang uminom ng maraming fluids.
Narito ang ilan sa mga inuming makakabuti sa mga buntis:
- Tubig na may isang slice ng lemon
- Buko juice
- Low-fat milk
- Herbal teas na walang caffeine
- Salabat o ginger tea
- Fruit o veggie smoothie
- Malamig na tubig
Kung mayroon kang katangunan tungkol sa mga pagkaing makakabuti o mga pagkaing bawal sa mga buntis, huwag magdalawang-isip na magtanong sa iyong OB-GYN para makasigurong lahat ng iyong kakainin o iinumin ay ligtas at makakabuti sa inyo ni baby.
Sources:
Healthline, Medical News Today, What to Expect
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhagn at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.