Ang Department of Transportation (DOTr) ngayon ay nakikipagtulungan na sa ibang ahensya ng gobyerno para sa pagpapatupad ng car seat law sa susunod na taon. Inihahanda ng ahensya ang car seat law IRR o implementing rules and regulation para sa nilagdaang batas. Alamin kung ano ang mga kailangan para hindi lumabag sa batas na ito.
Malaki ang maitutulong ng implementation ng Car Seat Law IRR
Minsan, sadyang hindi maiiwasan ang aksidente sa kalsada. Kahit pa gaano ka mag-ingat, nagkalat parin ang mga motorista na kaskasero o nawawalan ng kontrol sa sasakyan.
Sa isinagawang road safety report ng World Health Organization (WHO) nuong nakaraang taon, marami ang batang namatay sa kalsada. Ayon sa nasabing report, ang road crash ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga batang may edad 5-14 taong gulang. Marami dito ay mga hindi gumamit ng child restraint system (CRS).
Sa paggamit ng mga CRS, nababawasan ang tsansang mamatay ang mga bata. Ayon sa pag-aaral ng National Center for Statistics Analysis, malaki ang pagbabago sa paggamit ng CRS. Nababawasan ng 71% tsansa na mamatay ang mga sanggol na wala pang isang taong gulang pagnagkaroon ng aksidente. Sa mga 1-4 taong gulang naman, 54% ang tsansang nababawas na mamatay sa road crash ang mga bata.
Child safety in motor vehicles act of 2019
Pebrero ngayong taon nang lagdaan ng ating Pangulo ang RA 11229. Kinikilala ang batas na ito bilang Child Safety in Motor Vehicles Act of 2019.
Ayon sa nasabing batas, kailangang gumamit ng CRS ang mga bata mula 12 taong gulang pababa. Ang pagsusuot ng seat belt, kahit nasa likuran man naka-upo, ay hindi sapat na proteksyon sa mga ito. Ayon din dito, nag-iiba ang kailangan depende sa edad ng bata.
Ang mga sanggol ay dapat nasa CRS na nakaharap sa sandalan ng upuan. Sa ganitong posisyon, sila ay nakatalikod sa direksiyon ng pag-abante ng sasakyan. Kapag naman malaki na sila para sa mga ganitong CSR, gagamit na sila ng CRS kung saan nakaharap na sila sa kalsada. Ngunit, nananatili parin ang alituntunin na sa likod parin na mga upuan ang pwesto ng mga ito.
Ayon sa inihahandang car seat law IRR, ang mga bata ay dapat nasa CRS basta tumatakbo ang makina ng sasakyan kahit pa ito ay naka-parada. Hindi rin maaaring maiwan ang bata nang mag-isa sa sasakyan sa anumang oras nang walang kasamang nakatatanda.
Inihahanda ang pagpapatupad ng batas sa susunod na taon. Makakabuting paghandaan na ang kakailanganing CRS na akma sa edad ng anak. Ito ay para sa kanilang proteksyon mula sa mga insidente na hindi inaasahan.
Basahin din: GrabFamily cars now equipped with Combi car seats
Source: ABS-CBN News
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!